Sa kasalukuyan, may epidemyang lumalaganap sa buong mundo na nagdudulot ng lagnat, pananakit ng ulo, at birth defect para sa mga nagdadalang tao – ang Zika virus. Kung minsan ay napagkakamalan itong dengue dahil magkatulad ang mga sintomas at parehong galing sa mosquito bites ang mga nasabing sakit. Karaniwang mas mapanganib ang dengue, ngunit para sa mga buntis, mas kinakatakutan ang Zika.
Hindi bagong sakit ang Zika, ngunit kamakailan lang ito kumalat sa halos lahat ng sulok ng mundo. Ating talakayin ang mga sintomas ng Zika, paano malalaman kung meron ka nito, at papaano kontrolin o iwasan ang nasabing sakit.
Mga Sintomas ng Zika
Karamihan sa mga taong may Zika ay hindi nakararamdam ng sintomas, ngunit marami ring kaso ang may kalakip na mga karamdaman na lumilitaw sa loob ng dalawa hanggang pitong araw pagkatapos makaranas ng mosquito bites. Maaaring maramdaman ang sumusunod:
Lagnat
Pamamantal
Pananakit ng katawan at mga kasukasuan
Pananakit ng ulo
Pamumula ng mata (Conjunctivitis)
Hindi man masyadong malubha ang mga sintomas ng Zika, delikado naman ang mga komplikasyon nito, lalo na para sa mga nagdadalangtao.
Pagkalaglag ng bata sa sinapupunan
Microcephaly – isang kondisyon kung saan labis na maliit ang ulo ng sanggol at
hindi lubos na nabuo ang utak
Guillain-Barré Syndrome – Pag-atake ng immune system sa nervous system
Mga Sanhi
Gaya ng unang nabanggit, nanggagaling ang Zika sa mosquito bites. Ang Aedes mosquito, na siyang nagdadala ng Zika, dengue, at iba pang karamdaman, ay nangangagat sa araw at gabi. Maaari ring makuha ang sakit sa pakikipagtalik at blood transfusion o pagsasalin ng dugo.
Pagsusuri
Dahil may mga sakit na katulad ng mga sintomas ng Zika, gaya ng dengue at chikungunya virus, tinatanong ng doktor kung nanggaling ang pasyente sa bansa kung saan laganap ang epidemya. Susuriin ng doktor ang dugo, ihi, laway, semen, at iba pang bodily fluid upang makita kung may Zika sa katawan ng pasyente.
Mga Gamot
Wala pang nabubuong gamot at bakuna para sa Zika virus, ngunit maaari mong mapawi ang mga sintomas nito. Kung ikaw ay nilalagnat, uminom ng paracetamol. Ang pananakit ng katawan at kasukasuan ay napapagaling ng ibuprofen at acetaminophen. Sabayan ang mga gamot ng sapat na pahinga at malimit na pag-inom ng tubig upang mapabilis ang pagkawala ng mga sintomas.
Paano Maiiwasan ang Zika Virus?
Susi sa pag-iwas sa Zika ang pagkakaroon ng proteksyon sa mosquito bites. Tandaan na ang Aedes mosquito ay aktibo nang umaga at gabi, kaya dapat maging alerto. Bukod dito, may mga iba pang maaaring dalang karamdaman ang mga lamok. Sundin ang sumusunod:
Umiwas sa mga bansang laganap ang Zika – Marami nang naitalang kaso ng
Zika sa mga bansa sa South at Central America, kaya mabuting umiwas muna sa
mga ito hanggat patuloy pa rin ang paglaganap ng epidemya.
Magsuot ng long sleeves at pantalon – Ang pinakasimpleng paraan upang
hindi makagat ng lamok ay ang pagtago sa balat. Magsuot ng long sleeves, pantalon, medyas, at sapatos kung ikaw ay lalabas, lalo na kung maraming lamok sa inyong lugar o sa iyong pupuntahan.
Magpahid ng mosquito repellent – May mga lotion at cream na naglalalaman ng mga kemikal na ayaw ng mga lamok. Ipahid ito sa katawan kung lalabas ng bahay. Mayroon ding mga mosquito repellent na maaaring ipahid sa damit at mga kagamitan. Nabibili ang mga ito sa mga mall at drugstore.
Gumamit ng kulambo – Kung sira o hindi lubos na nasasara ang mga bintana ng iyong bahay, maglagay ng kulambo sa iyong kama.
Gumamit ng proteksyon kung makikipagtalik – Maaaring makuha ang Zika sa pakikipagtalik kaya ugaliing gumamit ng proteksyon kahit na walang nararamdamang sintomas ang iyong partner.
Alisin ang tubig na nakatiwangwang – Binabahayan ng mga lamok ang tubig na naiwang nakatiwangwang gaya ng balde ng tubig sa hardin at tubig sa mga paso. Alisin ang mga ito upang makaiwas sa sakuna.
Sources:
http://www.toropest.com/which-is-the-difference-between-zika-and-dengue
https://medlineplus.gov/zikavirus.html
http://www.nhs.uk/Conditions/zika-virus/Pages/Introduction.aspx
http://www.cdc.gov/ncbddd/birthdefects/microcephaly.html
http://www.who.int/mediacentre/factsheets/zika/en/
http://www.webmd.com/a-to-z-guides/zika-virus-symptoms-prevention?page=3
http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/zika-virus/manage/ptc-20189439
Images from Pixabay