Hika: Mga Sintomas, Mga Trigger, at Pamamahala

October 22, 2025

Ang hika ay isang talamak na sakit sa baga na maaaring makaapekto sa mga tao anuman ang edad. Ito ay sanhi ng pamamaga at paninikip ng mga kalamnan sa paligid ng daanan ng hangin na nagiging dahilan upang mahirapang huminga.

Kabilang sa mga sintomas ang ubo, hingal, paninikip ng dibdib, at paghinga na may huni (wheezing). Maaaring maging banayad o malubha ang mga sintomas na ito, at kadalasang pabago-bago o dumarating at nawawala sa paglipas ng panahon.

Bagama’t seryosong kondisyon ang hika, ito ay maaaring makontrol sa pamamagitan ng tamang gamutan. Mahalaga para sa mga may sintomas ng hika na kumunsulta sa isang propesyunal sa kalusugan upang mabigyan ng wastong payo at paggamot.

Madalas na hindi natutukoy at hindi rin natutugunan nang maayos ang hika, lalo na sa mga bansang may mababa hanggang katamtamang kita. Kapag hindi nagagamot nang tama, maaari itong magdulot ng pagkaistorbo sa tulog, matinding pagkapagod sa araw, at kahirapan sa pag-concentrate.

Dahil dito, apektado hindi lamang ang pasyente kundi pati ang kanyang pamilya, maaaring makaligtaan ang pagpasok sa paaralan o trabaho, na nagdudulot ng epekto sa kabuhayan at mas malawak na komunidad. Sa malulubhang kaso, maaaring mangailangan ng agarang atensyong medikal at ma-admit sa ospital ang ibang pasyente. Sa pinakamalala, maaaring mauwi ang hika sa kamatayan.(1)

Mga Sintomas

Nagiging sanhi ang hika ng hingal (wheezing), hirap sa paghinga, paninikip ng dibdib, at pag-ubo lalo na sa gabi o maagang umaga. Kapag may hika ka, naroon ito palagi, ngunit ang mga atake ng hika ay nangyayari lamang kapag may bagay na nakakairita o nakakapagpa-trigger sa baga.

Sa isang atake ng hika, maaaring maranasan ang tuloy-tuloy na pag-ubo, paninikip ng dibdib, hirap sa paghinga, at hingal. Nangyayari ito sa daanan ng hangin sa katawan, mga tubong nagdadala ng hangin papunta sa baga. Habang dumadaloy ang hangin sa loob ng baga, ang mga daanan ng hangin ay lumiliit, katulad ng mga sanga ng puno na mas maliit kaysa sa puno mismo. Sa oras ng atake, namamaga ang gilid ng mga daanan ng hangin at lalo itong sumisikip. Dahil dito, mas kaunting hangin ang pumapasok at lumalabas sa baga, at ang sobrang plema o mucus ay maaaring bumara sa mga ito.(2)

Mga Sanhi at Trigger ng Hika(3)

  • Alikabok, pollen, amag, balahibo ng hayop
  • Paninigarilyo o second-hand smoke
  • Polusyon sa hangin at usok ng sasakyan
  • Malamig na hangin
  • Matinding emosyon o stress
  • Ehersisyo (exercise-induced asthma)
  • Respiratory infections (ubo, sipon, trangkaso)

Paano Natutukoy ang Hika

Maaaring isailalim ang isang pasyente sa mga pagsusuri ng lung function , kung saan sinusukat ang volume ng  hangin na pumapasok at lumalabas kada hinga. Kabilang sa mga test na ito ay ang peak flow at spirometry.  

Paggamot sa Hika

Ang hika ay hindi ganap na nawawala, pero maraming paraan para makontrol ito. Karaniwang ginagamit ang inhaler dahil diretso nitong dinadala ang gamot sa baga. Sa tulong ng inhaler, mas nagiging kontrolado ang hika at mas nagagawa ng pasyente ang mga normal na gawain sa araw-araw.

May dalawang pangunahing uri ng inhaler:

  • Bronchodilators (halimbawa: salbutamol) – tumutulong na buksan ang daanan ng hangin at agad na nagpapagaan ng sintomas.
  • Steroids (halimbawa: beclometasone) – nakababawas ng pamamaga sa daanan ng hangin, kaya gumagaan ang sintomas at nababawasan ang panganib ng malalang atake.

Depende sa dalas at tindi ng sintomas, maaaring kailanganin ng taong may hika na gumamit ng inhaler araw-araw.(1)

Gayunpaman, mahalagang kumunsulta sa doktor para masuri kung anong klase ng inhaler o gamot ang tamang gamitin. Ang regular na check-up ay nakakatulong para:

  • Mabantayan ang kondisyon at makita kung kailangan nang baguhin ang gamot.
  • Maiwasan ang malalang atake ng hika.
  • Matutunan ang tamang paggamit ng inhaler o spacer para mas epektibo ang epekto ng gamot.

Bukod sa gamot, mahalaga ring palawakin ang kaalaman ng komunidad para mabawasan ang maling paniniwala at stigma tungkol sa hika.

Bukod sa paggamit ng inhaler, malaking tulong din ang pangkalahatang pangangalaga sa katawan para mas gumanda ang pakiramdam at iwasan ang mga triggers ng hika: (4)

  • Unahin ang sapat na tulog at pahinga – nakakatulong ito para lumakas ang resistensya at iwas stress.
  • Panatilihin ang tamang timbang – mas nagiging magaan ang paghinga kung nasa healthy range ang timbang.
  • Iwasan ang junk food – mas mainam ang sariwang prutas, gulay, at lean meat para sa kalusugan.
  • Mag-ehersisyo araw-araw – kahit kaunting galaw ay makakatulong sa baga at pangkalahatang kalusugan.
  • Huwag palampasin ang check-up sa doktor – para masigurong tama ang gamot at gamutan.
  • Inumin ang gamot ayon sa reseta – at siguraduhing may stock bago maubusan.
  • Magpabakuna – lalo na laban sa flu at pneumonia, dahil ito’y makakaiwas sa mga komplikasyon.
  • Iwasan ang allergens – isara ang bintana at pintuan kapag mataas ang pollen count o kapag marumi ang hangin sa paligid.

Sa ganitong paraan, mas nagiging holistic o “whole body” ang pag-aalaga, at hindi lang puro nakatuon sa gamot. Ang hika ay maaaring makaapekto sa pang-araw-araw na buhay, pero hindi ito hadlang para mamuhay nang normal. Sa tulong ng tamang gamot gaya ng RiteMED Montelukast, regular na check-up, at buong-katawan na pangangalaga, mas nagiging madali ang pagkontrol sa kondisyon. 

Kumonsulta sa doktor at alagaan ang sarili, dahil ang hika ay mas madaling makontrol kapag may sapat na kaalaman at tamang suporta. 

Sources:

  1. WHO. (2024). Asthma. World Health Organization; World Health Organization. https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/asthma
  2. CDC. (2024, May 8). About Asthma. Asthma. https://www.cdc.gov/asthma/about/index.html
  3. Mayo Clinic. (2025, March 8). Asthma - diagnosis and treatment. Mayoclinic.org; Mayo Clinic. https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/asthma/diagnosis-treatment/drc-20369660
  4. Allergy and Asthma Network. (2024). Lifestyle Changes to Manage Asthma. Allergyasthmanetwork.org. https://allergyasthmanetwork.org/what-is-asthma/lifestyle-changes-to-manage-asthma/