May mga pagkakataon na nakakaranas ng pagkapaso. Maari itong maging dulot ng apoy, kemikal, sobrang pagkababad sa araw, o minsan ay mula sa mainit na tubig. Mainam na alamin ang iba’t-ibang uri nito at kung ano ang gagawin sa panahon na ikaw o ang isang miyembro ng pamilya ay mapaso.
First-degree Burn
Ito ang pinakabanayad o mild na klase ng paso o burn. Tinatawag na first-degree burn ang paso kung ang naapektuhan ay ang pinakalabas na layer ng balat o ang epidermis. Sa ganitong uri ng pagkapaso, ang balat ay mamumula at magiging mahapdi. Maari itong magkaroon ng minor swelling o inflammation o pamamaga.
Dahil ang ganitong uri ng pagkapaso ay mababaw lamang, ang balat na mapaso ay maaring mag-dry at mawala sa loob ng 7 to 10 na araw. Kung ang burn o paso ay maliit lamang, maaring sundin ang mga sumusunod:
- Matapos maramdaman ang paso, ilagay kaagad ang parte na napaso sa ilalim ng running water mula sa gripo o ibabad kaagad ito sa tubig. Siguraduhin na hindi mainit ang gamit na tubig. Alisin ang anumang kagamitan o accessories sa affected na area. Iwasan din ang paglagay ng yelo sapagkat maaring mapalala nito ang sakit. Gawin ito sa loob ng limang minute o higit pa hanggang mawala ang sakit.
- Kung mayroong petroleum jelly o aloe vera, maaring lagyan ang napasong bahagi matapos itong palamigin. Maari din maglagay ng antibiotic ointment. Huwag itong lagayn ng cream, lotion o oil. Huwag gumamit ng cotton o bulak sa paglagay ng petroleum jelly o aloe vera. Mas mainam na gamitin ang kamay sa pag-apply nito.
- Kung kinakailangan, balutin ang napasong bahagi gamit ang malinis na gauze o tela. Huwag masyadong higpitan ang pagkakabalot. Siguraduhin lamang na hindi magiging expose ang napasong bahagi.
- Kung nakakaranas ng sakit, maaring uminom ng pain reliever tulad ng paracetamol, ibuprofen at acetaminophen.
Kung ang napasong bahagi naman ay malaki o naapektuhan ang maseselang bahagi ng katawan tulad ng mukha, maaring gawin ang step 1 ngunit kailangan din itong dalhin kaagad sa isang doktor.
https://www.pexels.com/photo/healthy-clinic-doctor-health-42273/
Second-Degree Burn
Ang second-degree burn ay mas malubhang uri ng pagkapaso. Apektado dito and epidermis (pinaka labas na balat) at ang dermis (ang gitnang layer ng balat). Dahil mas malalim na uri ito ng pagkapaso, mas pula at mahapdi ito kumpara sa first-degree burn. Maliban sa pamumula at pagkahapdi, ang balat ay magkakaroon ng blisters o paltos.
Ang ganitong uri ng pagkapaso ay kailangang dalhin sa isang health center, clinic o ospital. Habang naghihintay, maaring gawin ang mga sumusunod na basic first aid:
- Matapos maramdaman ang paso, ilagay kaagad ang parte na napaso sa ilalim ng running water mula sa gripo o ibabad kaagad ito sa tubig. Siguraduhin na hindi mainit ang gamit na tubig. Alisin ang anumang kagamitan o accessories sa affected na area. Iwasan din ang paglagay ng yelo sapagkat maaring mapalala nito ang sakit.
- Huwag iputok ang paltos o blister. Maari maging sanhi ng infection ang paltos o blister na nakabukas. Kung ito ay pumutok na, huwag itong lalagyan ng kahit anong ointment.
- Balutin ang napasong bahagi gamit ang malinis na gauze o tela. Huwag masyadong higpitan ang pagkakabalot. Siguraduhin lamang na hindi magiging expose ang napasong bahagi.
- Pumunta kaagad sa pinaka malapit na health center o clinic. Ang isang midwife o doktor ang magkakapagbigay ng tamang lunas ayon sa kanyang pagsusuri ng napasong bahagi.
Third-Degree Burn
Ang huling at pinakamalubhang uri ng burn o pagkapaso ay ang third-degree burn. Ang ganitong uri ng pagkapaso ay malalim sapagkat apektado nito ang tatlong layer ng balat (epidermis, dermis at subcutaneous tissue). Kadalasan, sa third-degree burn, makakaranas ng pamamanhid. Ang balat ay magkukulay sunog o dark brown. Minsan naman, magkakaroon ng puti ang bahagi na nasunog o napaso. Ang balat din ay magmumukhang parang leather.
Hindi mainam na gamutin mag-isa ang ganitong uri ng burn o sunog. Mahalagang tumawag kaagad ng emergency o tulong mula sa pinakamalapit na health center o ospital.
https://www.pexels.com/photo/call-calling-cell-phone-cellular-technology-263582/
Paano maging handa?
- Maghanda ng first aid kit. Laman dapat nito ang basic first aid treatments o supplies na maaring gamitin sa mga ganitong pagkakataon o kahit sa emergency cases. Kabilang ditto ang mga sumusunod: band-aid (iba’t-ibang sizes), malinis na gauze o gasa, gamot tulad ng paracetamol, ibuprofen at antibiotic ointments, at mga antiseptic tulad ng isopropyl alcohol.
- Alamin ang iba’t-ibang emergency hotlines. Ang national emergency hotline sa Pilipinas ay ang 911. Maari itong tawagan sa mga emergency cases tulad ng pagtamo ng third-degree burn. Alamin din ang hotline o contact number ng pinaka malapit na health center o ospital sa inyong lugar. I-save ito sa inyong cellphone o ipaskil sa lugar sa bahay na laging makikita. Para sa iba pang numero na maaring tawagan sa emergency, maaring tignan ang website na ito: http://www.officialgazette.gov.ph/emergency-hotlines/
- Sanayin ang sarili na huwag mag-panic sa mga ganitong pagkakataon. Maging mahinahon at alerto. Mas magiging epektibo ang pagtugon sa emergency kung ikaw ay may presence of mind.
Sources:
https://www.healthline.com/health/burns#firstdegree-burn
https://www.nhsinform.scot/illnesses-and-conditions/injuries/skin-injuries/burns-and-scalds
https://medlineplus.gov/ency/patientinstructions/000662.htm
https://www.webmd.com/first-aid/thermal-heat-or-fire-burns-treatment#1
https://www.webmd.com/pain-management/guide/pain-caused-by-burns
https://www.redcross.org.ph/get-involved/volunteer/item/837-red-cross-lifeline-kit-be-ready-all-the-time