Ang Masasamang Epekto ng Trabahong Night Shift

February 22, 2016

Ang pangkaraniwang oras ng trabaho ay sa umaga. Ngunit, sadyang nag-iiba ang takdang oras para sa hanapbuhay sa mga industriya gaya ng Business Process Outsourcing (BPO), medikal, 24/7 na mga negosyo at iba pa.  Ang pagta-trabaho nang night shift ay maaaring magdulot ng mga malulubhang karamdaman tulad ng diabetes, hypertension, at mga cardiovascular disease.

 

Dahil sa sapilitang pagbago sa circadian rhythm o ang takdang oras ng pagtulog, humihina ang katawan at tumataas ang posibilidad ng mga sakit. Narito ang ilan sa mga karamdamang maaaring makuha sa pagta-trabaho nang night shift.

 

Diabetes

 

Hindi pa man natutuklasan ang mismong mga sanhi ng diabetes, napag-alaman na konektado rito  ang hindi pagtulog sa takdang oras. Ayon sa isang pag-aaral, mas mataas ng 1.09 beses ang probabilidad ng diabetes kapag patuloy na magtatrabaho sa labas ng nakasanayang oras ng pagtulog.

 

Nakita rin ng pagsusuring iyon na mas mataas ang panganib ng diabetes para sa mga lalaki, ngunit hindi rin ligtas sa sakit ang mga babae. Kinakailangang maging mas aktibo sa opisina at gumawa ng mga simpleng ehersisyo upang makaiwas sa pagiging overweight, na isa sa mga sanhi ng type 2 diabetes at mga cardiovascular disease.

 

Ang rotating shift o ang pabago-bago ng oras ng trabaho ay hindi rin nakabubuti. Ayon sa report ng Time, ang panganib ng type 2 diabetes ay mas mataas para sa mga may rotating shift. Ang abilidad ng katawan gumawa ng insulin ay maaaring makompromiso dahil sa tuloy-tuloy na pag-a-adjust ng body clock.

 

Atake sa Puso

 

Ang pagtatrabaho nang night shift ay maaaring maka-apekto sa sirkulasyon ng dugo sa puso at utak. Kapag hindi natanggap ng puso ang wastong dami ng dugo, maaari itong mauwi sa atake sa puso.

 

Ayon sa isang pananaliksik sa Canada, konektado ang pagtatrabaho ng night shift sa pagkakaroon ng heart attack. Sa pagitan ng 2010 at 2011, napag-alaman na 7 porsyento ng nagkaroon ng heart attack ay nagtatrabaho nang night shift.

 

Stroke

 

Hindi lang atake sa puso ang panganib sa pagtatrabaho nang gabi, tumataas din ang probabilidad ng stroke. Dahil apektado ang daloy ng dugo sa katawan, maaaring hindi matanggap ng utak ang kinakailangang dami nito.

 

Hypertension at High Cholesterol

 

Ang katawan ng tao ay nakaprogramang maging aktibo kapag may araw at magpahinga kapag madilim na. Dahil dito, marami sa mga nagtatrabaho nang night shift ay kulang sa tulog o nanghihina habang nasa opisina. Ang kawalan ng gawaing pisikal kasabay ang pagkonsumo ng mga maaalat at matatabang pagkain ay nagdudulot ng altapresyon at pagdami ng cholesterol sa katawan.

 

Obesity o Pagiging Overweight

 

horizontal-162952_640.jpg

Photo from Pixabay

 

Ang katawang kulang sa tulog at pahinga ay kadalasang bumabawi sa pagkain ng marami. Kapag sumobra ang pasok ng carbohydrates at matatabang pagkain sa katawan, maiimbak ang taba sa katawan. Bumabagal din ang metabolismo ng katawan na nagdudulot ng pagiging overweight lalo na kung walang sapat na ehersisyo.

 

Paano Maiiwasan ang Masasamang Epekto ng Night Shift?

 

Marami mang masamang epekto ang pagtatrabaho nang night shift, hindi ito maiiwasan sa ibang hanapbuhay. Upang mapanatiling malakas ang katawan at maka-iwas sa mga karamdaman, sundin ang mga sumusunod:

 

  • Magkaroon ng Sapat na Tulog – Mababawasan ang masasamang epekto ng pagtatrabaho nang gabi kapag ikaw ay may sapat na tulog. Maglagay ng makapal na kurtina sa kuwarto o magsuot ng sleep mask kung hindi makatulog. Ang pagiging madilim ng silid ay nakatutulong dahil aakalain ng iyong katawan na gabi pa.

 

  • Mag-Break tuwing Kinakailangan – Mahirap puwersahin ang katawan na magtrabaho kung kulang ito sa tulog o kung hindi ka sanay sa night shift. Kapag sumosobra na ang stress o pagod, humingi ka ng pahintulot na mag-break upang makapag-relax ang utak at katawan. Makatutulong din ito sa pagbaba ng blood pressure.

 

  • Umiwas sa Paninigarilyo – Ang paninigarilyo ay nakakarelax, ngunit nakapagpapataas ito ng blood pressure, nagdadala ng panganib sa baga, at nakabababa ng resistensya.

 

  • Umiwas sa Rotating Schedule – Ang patuloy na pag-adjust ng katawan sa iba’t-ibang schedule ay mapanganib dahil maaaring hindi ito makakuha ng sapat na pahinga. Kung maaari, mag-request na manalagi sa isang shift, maliban nga lang kung pangmatagalan ka nang ililipat sa day shift.

 

  • Magpatingin sa Doktor – Ugaliing regular na magpa-check up kahit na walang malubhang nararamdaman. Sa ganitong paraan, madaling maaagapan ng doktor ang mga problema.