Paano Lunasan at Iwasan ang mga Minor Burns o Paso

March 12, 2020

Pagluluto, pag-iihaw, pagka-camping – ilan ang mga ito sa mga gawain na maaaring mauwi sa mga minor burns o paso, lalo na sa mga taong hindi gaanong maingat. Ikaw man ay nagpiprito ng pagkain, nagsisiga, o nag-iihaw ng karne, ang pagkapaso ay tunay na hindi magandang karanasan na nangangailangan ng basic burns first aid upang maiwasan ang karagdagang sakit o impeksyon. Narito ang mga bagay na dapat mong malaman ukol dito.

 

Mga Layers ng Balat

Ayon sa American Academy of Dermatology (AAD), ang balat ay isang complex na organ na may taglay na tibay at nababanat. Ito ay may tatlong layers:

Epidermis – ito ang pinakalabas na bahagi ng balat; ang gumagawa ng mga bagong cells ng balat at ng melanin; ito ang nagbibigay ng pangunahing proteksyon sa katawan.

Dermis – ang ikalawang layer ng balat na siyang responsable sa pagpo-produce ng pawis at oil, pag-circulate ng dugo, pagtubo ng buhok, at pagdadala ng signal ng pandama mula sa balat patungo sa utak.

Subcutaneous fat/subcutis – ang huli at pinakailalim na layer; nagdudugtong sa dermis sa muscles at buto; nagko-control sa temperatura and nag-iimbak ng fat para magbigay ng karagdagang layer ng proteksyon.

 

Mga Uri ng Burns o Paso

Narito ang tatlong types of burns na dapat mong malaman.

First-degree burn

  • Tinatawag ding superficial burn. Ang epidermis ay naapektuhan at ang balat ay nakakaramdam ng init at hapdi kapag hinahawakan. Ang pagbibilad nang matagal sa ilalim ng araw ay maaaring magdulot ng sunburn, na itinuturing na first-degree burn.

Second-degree burn

  • Ang pagkakaroon ng superficial dermal o deep dermal burns ay nagaganap kapag ang bahagi o pangkalahatang bahagi ng dermis ay na-damage. Ang mga karaniwang sintomas ay pamamaga, pagkakaroon ng blisters o lapnos, at pamumula ng apektadong bahagi ng katawan. Inirerekomenda ng American Burn Association (ABA) na kaagad na humingi ng medikal na tulong kung ang paso ay mas malaki sa tatlong pulgada o kung ang apektadong bahagi ay nasa mukha, paa, at mga pangunahing kasu-kasuan.

Third-degree burn

  • Ang malalang pagkapaso o pagkasunog ng bahagi ng katawan ay maituturing na emergency cases kung saan ang mga layers ng balat ay malubhang apektado at posibleng nasa peligro ng permanenteng damage. Ang balat ay mistulang mala-uling o mala-leather kapag hinipo. Kaagad pumunta sa pinakamalapit na ospital gaano man kalaki ang pinsala o saanmang bahagi ng katawan.

 

How to Treat Burns

Narito ang ilang mga hakbang na dapat isagawa upang malunasan ang mga minor burns o paso:

  • Hugasan ang apektadong bahagi gamit ang malamig at dumadaloy na tubig. Huwag gumamit ng yelo sapagakat maaari itong magdulot ng mas malaking pinsala.
  • Takipan ang mga blisters o lapnos gamit ang malinis na gasa; huwag masyadong higpitan. Iwasang putukin o butasin ang mga mala-lobong lapnos o blisters upang makaiwas sa impeksyon.
  • Tanggalin ang mga accessories at anumang kasuotan sa paligid ng apektadong bahagi.
  • Upang maiwasan ang dehydration, uminom ng maraming tubig at mga fluids na may electrolytes.
  • Kumonsulta sa doktor tungkol sa pag-inom ng mga pain medications.
  • Magpahid ng mga topical creams for burns upang mabawasan ang pananakit at pangangati.
  • Iwasang magbilad sa araw.

 

Pag-iwas sa Burns

Maiiwasan ang burns sa pamamagitan ng sapat na pag-iingat kapag gumagamit ng apoy at ng mga bagay na umiinit. Huwag hayaan ang mga bata sa kusina lalo na kapag may niluluto. Gumamit ng mga takip upang maiwasan ang pagtilamsik ng mantika kapag nagluluto. Gumamit rin ng mga oven gloves at pot holder.

Kapag nasa camping o gumagawa ng bonfire, siguraduhing may dalang first aid kit. Manatiling kalmado, alerto, at alisto sa panahon ng emergency.

May mga gamot na nakakatulong na makaiwas sa impeksyon sa mga sugat sa balat gaya ng Mupirocin, ngunit makakabuting kumonsulta muna sa doktor bago gumamit ng anumang gamot.

 

Sources:

https://www.aad.org/public/kids/skin/the-layers-of-your-skin

http://ameriburn.org/wp-content/uploads/2017/05/burnfirstaid.pdf

https://www.mayoclinic.org/skin-layers/img-20006163

https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/picture-of-the-skin