Ang mood ay ang nangingibabaw na emosyon ng tao sa isang partikular na oras. Ito ay pansamantalang pakiramdam, nagbabago - minsan ay mabilis, minsan matagal. Madaming bagay ang naikokonekta sa pabago-bagong mood ng tao. Narito ang mga myth at facts tungkol sa mood.
Myth: Mga babae lamang ang tinatamaan ng mood swings.
Fact: Kahit mga lalaki ay nagkakaroon din ng mood changes.
Gaya ng babae, nagkakaroon din ng hormonal changes ang mga lalaki habang sila ay tumatanda. Ibig sabihin, dumadating din sa buhay ng mga lalaki na sila ay nagbabago-bago ng mood gaya ng mga babae.
Pero kung ang lalaki ay nakakaranas na ng pabago-bagong mood ng hindi pa siya umaabot sa edad na 30 pataas, malamang ay mayroon siyang ibang sakit na dapat ipatingin. Ang bipolar disorder, depression at schizophrenia ay tatlo sa mga mental health disorder na ang pangunahing sintomas ay matinding pagbabago-bago ng mood. Ang mga ito ay kasama mga pinakapang-karaniwang mental health illnesss sa Pilipinas, at schizophrenia ang pangunahin sa listahan.
Myth: Mga matatanda lamang ang nakakaranas ng pabago-bagong mood.
Fact: Kahit mga bata ay maaaring makaranas ng mood
Ayon sa pag-aaral, ang pinakabatang nakakaranas ng mga unang sintomas ng bipolar disorder ay nasa edad na anim lamang.
Myth: Mga taong may bipolar disorder o ibang sakit sa utak lang ang nagbabago-bago ng mood.
Fact: Normal ang pagkakaroon ng pabago-bagong mood.
Ang mood ng tao ay talagang pabago-bago kasabay ng pabago-bagong takbo ng buhay, iba’t ibang bagay na nararanasan sa partikular na panahon at iba’t ibang taong nakakasalamuha araw-araw. Nagiging abnormal lamang mood ng tao kung halimbawa ay sobrang bilis ng pagpapalit. Ang mga taong may bipolar disorder ay hindi kayang isustain ang isang mood sa loob ng maiksing panahon at karaniwang nagbabago ito ng walang dahilan.
Ngunit hindi dahil may mood swing ang tao ay may bipolar na agad ito o pasyente ng ibang mental health illness. Madaming dahilan kung bakit nag-iiba iba ang mood ng tao, bukod sa pagbabago ng hormones at bipolar disorder. Ilan sa mga dahilan ay pagod, pagbabago ng sleeping pattern, mga gamot na iniinom, pagbabago ng diet at pagkalulong sa droga at mga inuming may alcohol.
Myth: Hindi kayang gamutin ang mood swings.
Fact: Kayang gamutin ang mood swings.
Kung ang pagbabago-bago ng mood ay hindi dahil sa pagkakaroon ng bipolar disorder o ibang mga mental health illness, kayang kayang ayusin ang mga mood swing na ito.
Ilan sa mga pwedeng gawin ay pagkakaroon ng regular na ehersisyo. Madaming pag-aaral ang makakapagpatunay na ang mga taong nag-eehersisyo ng regular ay mas masigla, mas masiyahin at mayroong positibong disposisyan kumpara sa mga taong hindi aktibo. Malaking improvement din ang magagawa ng pagkakaroon ng sapat na tulog at pagkakaroon ng creative outlet sa mga taong moody. Importante rin na umiwas sa mga pinagbabawal na gamot at sa alak.
Kaya lang, kung matindi naman ang mga mood swing na nararamdaman at talagang nakakaapekto na ito sa tipikal na pag-uugali ng tao, isa na itong senyales na kinalailangan na ng opinyon ng isang eksperto.
Ang mga taong posibleng nakakaranas ng mental health issues ay maaaring tumawag sa Hopeline (02) 804-4637/ 09175584673. Ayon kay Health Spokesperson Eric Tayag, hindi dapat matakot ang mga Pilipino sa gastusin sa pagpapagamot dahil covered na ito ngayon ng PhilHealth.
Sources