Ang cholesterol at triglycerides o taba sa katawan ay kadalasang kaugnay ng malulubhang karamdaman tulad ng stroke, hypertension at coronary heart disease. Ang labis na dami ng mga ito sa katawan ay mapanganib lalo na sa mga nakatatanda. Subalit, hindi lahat ng uri ng cholesterol ay masama. Ang HDL cholesterol, na siyang tinaguriang “good cholesterol,” ay nakapagpapababa ng “bad cholesterol” at triglyceride sa katawan.
Nakakakuha ng cholesterol ang ating katawan sa ating mga kinakain. Mainam ang mga pagkaing masagana sa good cholesterol habang dapat namang limitahan ang mga pagkaing mataas sa LDL cholesterol o bad cholesterol. Ating talakayin ang mga pagkaing dapat dagdagan at limitahan ang konsumo para sa iyong kalusugan.
Dagdagan: Oatmeal
Masarap at masustansyang almusal ang oatmeal. Naglalaman ito ng soluble fiber na tumutulong sa pagtanggal ng bad cholesterol sa katawan. Kapag madalas itong kainin, mapipigilan nito ang pagsipsip ng dugo sa bad cholesterol at makatutulong sa pag-alis ng toxins sa katawan.
Ang oatmeal ay maaaring lagyan ng prutas para ito ay tumamis. Magandang balita ito para sa ating katawan dahil ang mga prutas gaya ng avocado, mansanas at peras ay mayaman sa good cholesterol.
Limitahan: Hamburger
Masarap at malinamnam man ang hamburger, ang labis na pagkonsumo nito ay masama sa ating kalusugan. Ang burger ay may maraming bad cholesterol at saturated fat na parehong nagdudulot ng hypertension at high cholesterol. Lalo pang nagiging unhealthy ang burger kapag sinamahan ito ng bacon, cheese at French fries na masagana rin sa saturated fat.
Dagdagan: Nuts
Photo from Pixabay
Ang Pilipino ay likas na mahilig sa mani na kalimitang bida sa merienda at kakampi ng kalusugan sa pagpapaalis ng bad cholesterol. Ang nuts gaya ng mani, almonds, walnuts at kasuy ay nagtataglay ng unsaturated fats na mabuti sa kalusugan.
Subalit, piliin ang nilagang mani at hindi iyong inadobo o prinito dahil ang karaniwang ginagamit na mantika sa adobong mani ay mataas sa trans fat.
Limitahan: Sisig
Mahirap pantayan ang sarap ng sisig pero isa ito sa mga dapat iwasan ng mga taong mayroong high blood at high cholesterol. Mataas ang cholesterol at sodium content ng sisig dahil nag-uumapaw ito sa taba at mantika. Kadalasang may kasama pa itong itlog na mataas din sa cholesterol.
Dagdagan: Avocado
Isa sa mga pinakamainam na option ang avocado sa mga prutas na panglaban sa LDL cholesterol. Bukod sa good cholesterol na taglay din ng ibang prutas, ang avocado ay mayroon ding beta-sitosterol – isang uri ng plant fat na pinipigilan ang pag-imbak ng bad cholesterol. Masarap isabay ang prutas na ito sa oatmeal at chicken salad.
Limitahan: Steak at Roast Beef
Ang steak at roast beef ay mayaman sa saturated at unsaturated fat. Ang higit-kumulang 113 grams ng steak ay katumbas agad ng 22% ng recommended daily allowance sa pagkain ng cholesterol. Pagkakain nito, hindi ka na maaaring kumain ng maraming karne at matatabang pagkain sa loob ng isang araw kung gusto mong makaiwas sa high blood pressure.
Tulad ng steak, ang roast beef ay naglalalaman ng bad cholesterol. Ang taba na nagmumula sa baka at mantika ay pinaparisan ng gravy at mashed potato na siya ring nagtataglay ng trans fat at saturated fat.
Dagdagan: Olive Oil at Margarine
Ang olive oil at margarine ay mayroong plant-based fat na nagtatanggal ng bad cholesterol sa katawan. Nakabababa rin ng total cholesterol level at nakatutulong sa pagpapapayat ang pagkonsumo sa mga ito lalo na ang olive oil. Ang olive oil ay karaniwang sangkap ng iba pang good cholesterol foods tulad ng salad at mga fish dishes.
Limitahan: Ice Cream at Cake
Karaniwang umaabot ng 2.5 grams ang trans fat ng bawat serving ng cake. Ang ice cream at sundae naman na maraming sangkap ay maaaring maglaman ng 9 grams ng trans fat bawat serving. Ito ay delikado lalo na sa mga taong may high blood pressure.
Palitan na lamang ang cake at ice cream ng fresh fruits at yogurt upang mapangalagaan ang kalusugan.
Dagdagan: Omega-3
Photo from Pixabay
Ang omega 3 na matatagpuan sa mga isda ay nakatutulong sa pag-iwas sa malulubhang sakit tulad ng atake sa puso, high blood at blood clotting o pamumuo ng dugo. Upang makakuha ng sapat na dami ng sustansyang ito, kumain ng tuna, sardinas at tilapia. Ang isda ay malinamnam at bagay sa kanin kaya maaari itong gawing kapalit ng baboy at baka. Maaari ring uminom ng omega-3 supplement ngunit mas maraming taglay na sustansya ang isda.
Limitahan: Tsitsirya
Ang mga tsitsirya o junk food ay pugad ng trans fat at sodium. Gumagamit ng maraming hydrogen-based oil para maluto at mapalutong ang corn chips at potato chips. Pagkatapos, ito ay binubudburan ng monosodium glutamate na masama naman sa mga diabetic. Kumain na lamang ng saging, oatmeal, tinapay at iba pang pagkaing mayaman sa fiber kung gustong mag-merienda.
Dagdagan: Citrus Fruits
Ang citrus fruits tulad ng orange, lemon at dalandan ay naglalaman ng soluble fiber o pectin na nagtatanggal ng bad cholesterol sa katawan. Ang madalas na pagkonsumo sa mga ito ay makatutulong din sa pag-maintain ng normal cholesterol level. Bukod sa soluble fiber, masagana rin ang citrus fruits sa antioxidants at vitamin C. Mapapatibay ng mga ito ang ating resistensya laban sa mga karamdaman gaya ng ubo at sipon.
Kaya sa susunod na gusto mo ng panghimagas, piliin na lamang ang dalandan, oranges at iba pang citrus fruits imbis na kumain ng cake at ice cream.
Ang paglimita sa high cholesterol foods ay susi sa pagpapababa ng cholesterol lalo na kung sasabayan mo ito ng sapat na ehersisyo. Kaakibat mo ang mga pagkaing masagana sa good cholesterol upang makaiwas sa high blood at iba pang seryosong sakit. Kapag nasanay kang kainin ang mga ito araw-araw, tiyak na mapapanatili mong maganda ang iyong kalusugan.