Nagsisimula sa pagbubuntis ang paniniguradong nasa mabuting kalusugan ang batang dinadala. Hindi ito nagtatapos sa panganganak – sa katunayan, mas lalo pang pinapainam ang pag-aalaga sa pisikal na kapakanan ng mga bata sa unang mga taon ng kanyang buhay. Dito kasi nakasalalay ang magiging kalagayan niya – malusog o hindi?
Ang breastfeeding o pagpapasuso ay ang pinaka-mahusay na paraan para magbigay ng tamang sustansya sa bagong panganak na sanggol. Dahil sa ina kumukuha ang bata ng nutrisyon, susi ang wastong pagkain at maayos na lifestyle para masigurado ang kalidad ng gatas na makukuha ni baby.
Sa dami ng benefits of breastfeeding, kailangang maging maingat kung ano ang kakainin para maibigay ang tamang nutrisyon sa sanggol. Tandaan na hindi lahat ng reaksyon ng isang sanggol sa kinakain ng isang breastfeeding na nanay ay kapareho ng sa ibang bata.
Tingnan kung alin ang mga dapat iwasang pagkain para sa pagpapasuso:
- Mga maaanghang na pagkain
Kung mahilig sa spicy food, hangga’t maaari ay iwasan ang mga ito habang nagbe-breastfeed. Obserbahang mabuti kung ano ang epekto sa bata matapos kumain ng maanghang na pagkain. Kung ang sanggol ay kinakabag, sumasakit ang tiyan, o kaya naman ay nagkakaroon ng diarrhea matapos sumuso, marahil ay dahil ito sa iyong kinain.
- Gatas
Hindi ito kadalasang nagiging problema, pero kung mayroon nang health concern sa pagiging lactose intolerant o ang pagiging maselan sa dairy products, maaaring humingi ng alternatibong calcium source sa iyong doktor. Mataas ang chance na mayroon ding magiging reaction ang bata sa gatas.
- Tsaa
Bagama’t nakakakalma ang tsaa, mayroon itong caffeine na nakakaapekto sa kalidad ng pagtulog. Sa kasamaang palad, dahil kumukuha ng nutrisyon ang sanggol sa iyo, kasama siya sa makakaranas ng epekto ng nasabing inumin. Bukod pa rito, hirap ang katawan na mag-absorb ng iron - na kailangan para sa energy - dahil sa caffeine. Iwasan muna ang pag-inom nito lalo na kung kakakain lang ng mga pagkaing mayaman sa iron gaya ng green leafy vegetables. Sa gayon, makukuha ng bata ang nutrisyong kanyang kailangan.
- Mga karaniwang allergen
Ang mga pagkain gaya ng itlog, mani, at iba pang uri ng nuts ay kadalasang nakakapagpanimula ng allergies sa katawan. Kung may allergic reaction sa mga pagkaing ito, maaari rin itong makaapekto sa sanggol kapag nagpapasuso. Sa kabilang banda, kung hindi naman allergic sa mga ito ay dapat pa ring maging maingat sa pagkonsumo ng mga nasabing pagkain. Pwedeng ang bata naman ang magkaroon ng reaksyon mula sa mga ito. Pansinin kung nagkakaroon ng rashes ang sanggol matapos magpasuso pagkakain ng alin man sa mga karaniwang allergen.
- Softdrinks at iba pang sugary drinks
Nakakauhaw ang breastfeeding, pero ang pag-inom ng soda at iba pang carbonated drinks ay nakakadagdag lamang ng pagkauhaw. Kahit ang artificial na fruit juices ay hindi rin makakabuti dahil sa taglay nitong calories.
- Alcohol
Ang anumang nakakalasing na inumin ay hindi dapat ikonsumo kapag nagpapasuso dahil nakakasama ito sa kalusugan ng sanggol. Kung hindi maiiwasang uminom, siguraduhing nakalipas ang tatlong oras o higit pang oras bago mag-breastfeed. Kahit mag-pump ng gatas, hindi pa rin nito matatanggal lahat ng alcohol content na nasa gatas.
- Mga pagkaing nakakapagpa-kabag
Ilan sa mga ito ang beans, broccoli, cabbage, at sprouts. Hindi man maapektuhan ang nagbe-breastfeed, posibleng ang pagiging gassy o kabagin ay mapunta sa bata. Iwasan ang mga lutuing mayroong sahog na ganito para maging malayo sa sakit ng tiyan ang sanggol.
- Chocolates
Dahil din sa taglay nitong caffeine, gaya ng kape at tsaa ay hindi inirerekomenda ang labis na pagkonsumo ng chocolates habang nagpapasuso. Nalilimitahan nito ang benefits of breastfeeding dahil sa artificial na epekto nito sa energy levels.
- Seafood
A isda gaya ng salmon at tuna ay hindi lang mayaman sa protein. Ang mga ito ay sagana sa omega-3 fatty acids na kailangan dahil sa mga nadudulot nitong kabutihan sa dugo at sa puso. Sa kabila ng mga positibong dala nito para sa bata, pinangangambahan na baka may mercury o nakakalasong laman ang seafood gaya ng mga ito. Para makasigurado, lutuing mabuti ang uulaming isda para mamatay ang anumang organismo o kemikal na maaaring kumapit sa laman nito.
- Citrus fruits
Ang mga prutas gaya ng orange at lemon at maaaring magsanhi ng labis na acid sa bata. Dahil sa gatas hahalo ang nutrisyon ng mga ito, pwedeng magdulot ng pangangasim sa tiyan ng sanggol ang pagkonsumo ng citrus fruits.
Para masiguradong makukuha ng bata ang tamang nutrisyon, siguraduhing magdagdag ng lactation food sa inyong diet, gaya ng oats. Samahan na rin ito ng multivitamins gaya ng folic acid at calcium para makumpleto ang mga pangangailangan ng ina at sanggol.
Laging iisipin na ang bawat ina ay iba – at iba rin ang mga posibleng epekto ng sari-saring pagkaing kanilang kinokonsumo para sa kanilang pinapasusong mga anak. Sa parehong paraan, bawat breastfeeding experience ay natatangi at hindi pwedeng ikumpara sa ibang nanay. Ang benefits of breastfeeding ay tiyak ngunit ibayong pagsubaybay at pag-iingat pa rin ang kailangan pagdating sa pagpili ng mga isasamang pagkain sa diet.
Bilang paalala, importante ang regular na pagkonsulta sa espesyalista para matukoy kung may mga pagkain o inumin na tiyan na nakakaapekto sa kalusugan ng anak, at pati na rin ang vitamins at minerals na kailangang punan para sa kabuuang kalusugan ng sanggol. Huwag mahiyang magtanong at dumulog sa doktor lalo na kung may mga kapansin-pansing reaksyon ang bata matapos kumain ng pagkain. Maging mapanuri at maagap para mabigyan ng agarang solusyon ang mga naging epekto sa kalusugan ng anak.
Huwag ding kakalimutang intindihin ang sariling kalusugan. Kasama sa sangkap ng matagumpay na breastfeeding ang pag-aalaga sa sarili dahil nakasalalay sa iyong kalagayan ang kalidad ng nutrisyon na makukuha ng iyong anak. Mabigat na responsibilidad man ang pagbibigay ng sustansya sa isang bata, may kalakip itong pakiramdam ng pagsasakatuparan ng isang tungkuling walang ibang makakagawa.
Sources:
https://www.webmd.com/parenting/baby/ss/slideshow-breastfeeding-foods
https://www.medicalnewstoday.com/articles/322844.php
https://www.babycenter.com/404_are-there-any-foods-to-avoid-while-breastfeeding_8906.bc