Ang isang emergency ay maaaring maganap kahit anong oras sa kahit anong araw, at kung minsan pa nga ay kung kailan hindi ito inaasahan. Kung mangyari man ang isang sakuna, kahit na ito ay workplace accident o natural disaster, sigurado ka bang handa kang rumesponde?
Walang ibang mainam na response sa emergency situations kundi ang pagiging handa. Susi ang emergency preparedness sa kaligtasan ng buhay mula sa tiyak na kapahamakan dahil trained na ang isip at may mental simulation nang naganap kung ano ang dapat gawin sa isang partikular na sitwasyon.
Bilang pauna, laging tatandaan na huwag mataranta. Manatiling kalmado at alerto para mas ma-assess mo ang sitwasyon. Ang pagiging composed sa emergency situations ang magiging sandata mo para hindi lalong mapahamak ang buhay ng sinuman.
Dapat alam mo kung sino at saan ka pwedeng humingi ng saklolo kung ano’t anoman ang mangyari. Maliban sa mga kamag-anak o kaibigan, importante rin na maalerto mo ang local authorities sa pagtawag sa national emergency hotline ng Pilipinas na 911 at ng Philippine National Police (PNP) na 117 o (02) 8722-0650.
Ilan sa mga medical emergencies na dapat agarang itawag sa awtoridad ay:
- Agaw-buhay na sitwasyon
- Nawalan ng malay
- Paninikip o pananakit ng dibdib
- Sobra-sobrang pagdudugo
- Seizures
- Injury sa ulo, leeg, at likod
- Kawalan ng hininga at pamamaga dahil sa allergy
- Nakalunok o nakasinghot ng toxic substance
- Nahiwa sa mata o sa pulso
Kung ikaw ang naka-witness sa emergency, tumawag agad ng ambulance. Banggitin sa dispatcher ang exact location para mas madali kayong matunton. Sabihin din kung anong klaseng problema o injury ang natamo ng biktima, at ang kanyang kasalukuyang kondisyon. Kung kakilala mo ang biktima, banggitin mo rin kung may medical history ang biktima o kung may partikular siyang doktor.
Importante: huwag mong ibababa ang telepono hangga’t maaari para tuloy-tuloy ang komunikasyon niyo ng dispatcher o medical team.
Sunod, mabuting huwag galawin ang biktima bago dumating ang emergency responders, maliban na lang kung mas manganganib ang buhay niya kapag hindi mo ginalaw. Kung ikaw ay maalam at trained sa ganitong sitwasyon, mainam na apply-an ng pressure ang sugat para tumigil ang pagdudugo o kaya ay mag-perform ng CPR kung hindi humihinga o walang pulso ang biktima.
Alam mo na kung anong gagawin kapag iba ang biktima. Paano naman kung ikaw ang nalagay sa isang emergency situation?
- Kung ikaw ay nagkaroon ng maliit na hiwa o puncture wounds, hugasan agad ang sugat ng clean at running water pati sabon sa loob ng maraming minute. Kung may makitang emergency kit, buksan ito at maghanap ng gauze para pangtapal sa sugat. Kapag tumigil na sa pag-agos ang dugo, pumunta na sa pinakamalapit na ospital para sa mas maigting na wound and infection treatment.
- Kapag ikaw naman ay natalsikan ng hazardous material sa mata, agad na hugasan ng malinis na tubig ang eyeballs at loobang bahagi ng eyelids nang at least 15 minutes. Buksan nang maayos ang eyelids para siguradong nalilinis ng tubig ang hazardous material. Kung ang hazardous material naman ay tumalsik sa damit, hubarin ito agad upang hindi madamay ang balat.
- Sa hindi inaasahang pagkakataon na ang damit mo ay magliyab at masunog, dumapa agad sa sahig at magpagulong-gulong para maapula ang sunog, o kaya ay tumakbo sa malapit na banyo kung mayroon man. Pagkatapos ay ipatingin agad sa doktor para sa wound and burn treatment.
- Para sa mga may asthma, allergies, at iba pang sakit na maaaring biglaang umatake, siguraduhin na lagi kayong may dalang gamot para sa mga pagkakataong hindi inaasahan. Ang pagbabaon ng emergency medicine ay mahalaga lalo kung ang pupuntahan mong lugar ay malayo sa mga ospital o klinika, o kaya ay walang malapit na botikang mabibilhan ng gamot.
Source:https://www.shutterstock.com/image-vector/emergency-preparedness-instructions-safety-make-plan-1387695692
Isa sa mga emergency situations na madalas mangyari sa Pilipinas ay sunog. Kapag nasa loob ng nasusunog na establisyemento, sikaping makalabas agad. Parte ng iyong emergency preparedness ang kaalaman kung saan ang emergency fire exit, fire extinguishers, at alarm systems.
Kung hindi ka pa marunong gumamit ng fire extinguisher, tandaan lang ang acronym na PASS.
- P-ull the pin
- A-im extinguisher hose at the base of fire
- S-queeze the lever
- S-weep from side to side
Kapag naman hindi ka makalabas at na-trap na sa loob, maghanap ng bukas na bintana at magsabit ng kahit anong damit bilang marker sa bumbero na may tao doon. Kung wala namang bintana, stay low as close sa sahig dahil less toxic ang hangin doon.
Maliban sa sunog, ang isa pang karaniwang emergency situation sa bansa ay natural disasters gaya ng bagyo at lindol. Sa dalas na tamaan ng bagyo at lindol ang Pilipinas, importante na may emergency plan kang nakahanda kung sakaling tumama ang mga ito.
Tuwing may bagyo, mas mainam na manatili sa loob ng bahay pero iwasang dumikit sa bintana upang hindi tamaan ng lumilipad na debris. Kadalasan ang kasama ng bagyo ay baha kaya dapat ay handa ka rin na lumikas kung nasa flood-prone area nakatira. Makatutulong kung may go-bag na naglalaman ng essential items tulad ng pre-packed food, potable water, gamot, pera, at mahahalagang dokumento. At syempre dapat alam mo kung saan ang pinakamalapit na evacuation site na pwedeng puntahan. Kung maaari ay huwag sumuong sa baha nang nakatapak o may sugat sa binta at paa dahil baka magkaroon ka ng leptospirosis. Kung walang choice at naglakad sa baha, siguruhing hugasan agad ng malinis na tubig at sabon ang parte ng katawan na nalubog sa maruming tubig.
Dahil hindi nape-predict ang lindol, mas mahalagang alamin kung ano ang tamang emergency response dito. Sa kalagitnaan ng malalakas na pagyanig, maghanap ng matataguang matibay na lamesa at manatili sa ilalim nito. Umiwas sa mga bagay na maaaring malaglag o matumba, huwag gumamit ng elevator at iba pang electrical equipment, at alamin kung saan ang emergency evacuation site.
Sobrang halaga na handa tayo at alam natin ang dapat gawin sa iba’t ibang health and safety emergency situation. Ang pagiging knowledgeable sa ganitong bagay ay makatutulong sa atin upang makasagip ng buhay.
Sources:
https://alamom.com/10-tips-keep-mind-responding-emergency-situations/
https://emergency.appstate.edu/basic-emergency-responses