Walang gustong magkasakit. Lalo na ngayong panahon ng pandemya. Lahat ay labis ang pag-iingat na maka-iwas magkaroon ng kahit anong sintomas ng COVID-19. Maging ang mga taong madalas magkaroon ng sipon at ubo, lalong umigting ang pag-iingat dahil sa stigma na dala ng pagkakaroon ng sakit. Dahil dito, maraming tao na rin lalo na sa social media ang gumagawa ng kanya-kanyang mga paraan kung paano mapapanatiling malinis at ligtas ang sarili.
Matatandaan na noong kumalat ang balitang pumasok na ang coronavirus sa Pilipinas, lumala’t kumalat, at nagpatupad ng malawakang lockdown, maraming tao ang nabagabag sa pagkaubos ng face masks at alcohol sa mga convenience store, supermarket, at pharmacies.
Kaya naman marami sa mga tao ang humanap ng sariling diskarte kung paano magkakaroon ng mga kagamitang makapagpapataas ng kanilang tyansang hindi magkaroon ng contact sa virus o makapapatay sa virus kung magkataon mang nagka-access sila dito nang hindi nalalaman.
Kahalagahan ng hand sanitizer bilang pangontra sa virus
Maliban sa ethyl alcohol, isa ang mga hand sanitizer o antiseptic gel sa pinaka-importanteng bitbit kahit saan sa panahon ng pandemya. Ilang beses na rin kasing giniit ng mga eksperto na ang paghuhugas ng kamay ang isa sa pinakamabisang paraan upang makaiwas sa coronavirus at marami pang uri ng sakit.
Dahil hindi rin laging may access sa palikuran o lababong may running water para makapaghugas ng kamay ang isang indibidwal, mainam lang na may bitbit itong personal na gamit na makapagpapanatili ng kalinisan ng kamay nito.
Pero dahil nga sa nagkaubusan ng alcohol at hand sanitizer nang pumutok ang pandemya sa bansa, maraming Pilipino ang pinili na lamang gumawa nito sa kanilang mga tahanan sa tulong ng mga hakbang na matatagpuan sa internet.
Pero ang tanong, tama at ligtas ba ito?
Pagkalat ng sariling gawa na hand sanitizer
Maraming posts sa social media ang nagsasabing simple lang ang paggawa ng hand sanitizer. Accessible rin kasi sa mga pamilihan, palengke, at bilihan ng halaman ang hand sanitizer ingredients. Gayunman, pinapaalalahanan ng mga eksperto ang mga tao na ang resuta ng pag-eeksperimentong ito sa tahanan ay hindi nakapagbibigay o nakakukumpara sa pagiging epektibo ng mga gawa ng propesyonal. Hindi rin daw ito madalas nakapapatay ng maraming uri ng germs.
Sa totoo lang, hindi naman talaga binigyang pansin gaano ng mga tao ang hand sanitizer noong mga unang buwan ng pandemya. Pero ngayon, sa social media at internet, nagkalat ang iba’t ibang klase ng do-it-yourself (DIY) hand sanitizer na ginawa mula sa personal na kusina ng mga lumilikha nito.
Muli, minumungkahi ng mga eksperto na huwag gumamit ng mga DIY hand sanitizer. Hindi kasi dumaan sa tamang quality control ang mga ito at ang maling pagsukat sa dami ng sangkap ay maaaring magresulta ng mas mababang concentration at kakayahang pumatay ng virus at bacteria. At dahil din walang wastong kagamitan ang marami sa bahay, mas mataas ang tyansa na ma-contaminate ang anumang likhang sana’y nagagamit sa kalinisan.
Ang mga kompanya kasing gumagawa ng mga hand sanitizer o antiseptic gel ay mahigpit na pinasusunod sa mga alituntuning nakagagarantisa ng maayos, malinis, at epektibong produkto. Hindi lamang basta-bastang kagamitang makikita sa tahanan ang ginagamit nila upang maperkpekto ang mga produktong ito.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/hand-sanitizer-bottle-homemade-disinfecting-gel-1677246625
Babala ng mga eksperto sa DIY hand sanitizer
Kung may nagbabalak pa ring gumawa ng DIY hand sanitizer sa kabila ng paalala ng mga eksperto, wala rin itong magagawa sa ilang pathogens na meron ang COVID-19. Ang main ingredients kasi ng mga DIY hand sanitizer ay alcohol at aloe vera. Nasisiguro man ng alcohol ang pagpatay sa maraming germs, ibang usapan na kapag hinalo ito sa ibang kemikal.
Ang pinakasikat ngang recipe na kumakalat online ay ang paghahalo ng 91% alcohol at one-part ng aloe vera gel. Kahit pa eksakto ang sukat nito, magreresulta lang ito sa 60.6% solution. Kaunti lang ang tinaas mula sa 60% alcohol content na nirerekomenda ng mga eksperto. Kahit nga 70% ethyl alcohol solution ang gamitin at ihalo sa aloe vera gel, 47% solution lang ang lalabas mula dito at hindi ito sapat upang pumatay ng germs sa katawan at surface areas.
Maliban sa DIY hand sanitizers, may ilang claim at rekomendasyon din ang ilang posts sa social media na epektibo at garantisadong napapatay ng mga UV light hand sanitizer ang germs tulad ng sa COVID-19. Pero paglilinaw ng mga eksperto partikular na ng mga taga Center for Disease Control Prevention (CDC), depende ito kung anong klaseng UV light ang gagamitin.
Ayon sa CDC, dapat precise at kontrolado nang maigi ang gagamiting UV light dahil ang maling lakas nito ay maaaring magdulat lamang ng sakit sa balat ng isang tao. Ang germicidal effectiveness din kasi ng UV light ay nakadepende sa organic matter, wavelength, temperature, uri ng suspension, uri ng microorganism, at lakas ng UV light na naaapektuhan din ng distansya at maruming kagamitan.
Nakatutulong man minsan ang hand sanitizers, galing mang pamilihan o ginawa sa bahay, hindi pa rin nito mapapantayan ang kalinisan at kasiguraduhan ng paghuhugas ng kamay kung pagpatay ng germs ang basehan. Maaaring gumamit nito pero hindi nito matutumbasan ang paghuhugas ng kamay.
Giit ng CDC, lahat ng uri ng germs, pesticides, at hindi makitang maliliit na bagay mula sa maruruming bagay ay napapatay ng paghuhugas ng kamay.
Sources:
https://www.medicalnewstoday.com/articles/how-to-make-hand-sanitizer
https://www.nytimes.com/article/coronavirus-hand-sanitizer-home-made-diy.html
https://www.medicalnewstoday.com/articles/how-to-make-hand-sanitizer