Healthy Habits: Mga Dapat Tandaan sa Paggamit ng Pampublikong Banyo

December 14, 2020

Araw-araw tayong gumagamit ng banyo nang hindi natin naiisip ang mga mikrobyo at iba pang bagay na naroroon. Minsan nga nadadala pa natin ang iba nating mga gawain sa banyo tulad ng pagsagot ng tawag.

May mga tao ring ayaw nagtatagal sa banyo lalo na kung hindi sila pamilyar sa banyo na iyon. Madalas tayong lahat ito. Lalo na kung usaping pampublikong palikuran. Hindi rin kasi natin alam kung sinu-sino na ang mga gumamit ng banyo at kung anong mga ginawa nila sa loob noon.

Dahil maraming tao nga ang gumagamit ng pampublikong palikuran, dapat sigurong maging maingat at considerate tayo hindi lang para sa sarili kundi para sa iba pang taong gagamit din ng lugar. Lalo pa ngayong pwede rin maghawahan ng coronavirus sa ganitong lugar. Dapat siguro nating bantayan ang ating mga kilos at magkaroon ng positibong kasanayan sa pagtrato at paggamit ng palikuran. Prevention, ‘ika nga, is better than cure.

Narito ang ilang tips:

  1. Iwasan ang masyadong paggamit ng cellphone sa banyo

 

Simula nang maging accessible ang mga smartphone sa merkado sa murang halaga, halos lahat mula bata hanggang matatanda ay may hawak at kakayahan nang gumamit nito. Maganda rin kasi itong pampalipas oras at malakas din itong makapukaw ng atensyon.

 

Pangangailangan man na itong maituturing ng marami sa atin, may mga lugar at pagkakataon pa ring nilulugaran at binabagayan ang isang bagay. Kapag hawak kasi ang cellphone, kahit saang lugar, hindi lang sa palikuran, malaki ang tiyansa na maging less mindful sa nangyayari sa paligid. Dahil maraming contact points sa loob ng palikuran tulad ng door knob, faucet, toilet bowl, at cover, mas malaki rin ang tiyansa na lumipat-lipat ang mikrobyo o germs mula sa mga lugar na ito papunta sa kamay pagkatapos ay sa cellphone.

 

Layunin man ng mga restroom ang magbigay ng comfort, dapat pa rin siguro tayong maging considerate sa ibang gagamit. Halimbawa, may pila na ng tao sa labas ng palikuran ay abala pa rin ang isang tao na naglalaro ng games habang nakaupo sa trono.

 

Dahil nga less mindful din sa paligid kapag abalang nakatutok sa phone, maaari rin itong pagmulan ng hindi kaaya-ayang pangyayari tulad na lang ng pagkadulas dahil sa basang sahig. Makalilikha lang ito ng mas malaking problema.

 

  1. Huwag masyadong magmadali

 

Maraming tao ang gumagamit ng pampublikong palikuran sa buong magdamag. Gayonman, hindi ito sapat na dahilan upang magmadali na mistulang kapapasok pa lang ay nais na kaagad lumabas. Kahit gaano pa hindi kaaya-aya ang itsura ng palikuran, kung may kailangang gawing nangangailangan ng madaling aksyon tulad ng pagbabawas na sanhi ng irregular bowel movement o loose bowel movement, gawin ito nang maingat para makaiwas sa mas malaking problema tulad ng aksidenteng pagkadulas o pagkakalat.

 

Hindi rin kasi nakabubuti sa katawan ang pagmamadali. May mga pag-aaral na nagkokonekta sa maayos at matiwasay na pagtugon sa gawain sa banyo sa anxiety at stress. Dahil madalas ngang nakapagdudulot ng mas maraming problema ang pagmamadali, mas mataas ang tiyansang makalimutan natin ang mga madalas nating gawin na nakapagliligtas sa atin mula sa ilang bagay na hindi natin nari-realize tulad ng pagsisigurong malinis ang upuan, nakapaghugas nang mabuti, at wastong nakagamit ng toilet paper at bidet.

 

  1. Mag-ingat sa paggamit ng toilet seat

 

Isang basic na gawaing pansariling kalusugan at kalinisan ang paglilinis ng toilet seat cover pagkatapos itong madumihan o mamantsahan. Ang kaso, hirap ang marami na gawin ito dahil sa pandidiri sa toilet.

 

Sa mga pagkakataong ito, gawain ng ibang mag-squat na lamang sa toilet upang maiwasan ang contact ng kanilang mga hita sa inidoro. Mukha man itong remedy sa isang sitwasyong nais iwasan, baka lalo lang itong magdulot ng problema.

 

Maaari kasi itong magresulta sa isang aksidente kung hindi sapat ang pag-iingat. Mas mataas din ang tiyansa ng pagkakalat lalo na kung may LBM at ganito ang puwestuhan. Babakat din ang maruming sapin sa paa sa toilet kung sakali. Mas mahihirapan lamang ang susunod na gagamit at dudumi lamang nang dudumi ang banyo dahil sa sunod-sunod na hindi maayos na paggamit nito.

 

Isang maaaring solusyon ay pagdadala o paggamit ng isang toilet seat cleaner o sanitizer, o kaya ay pocket alcohol. Bukod sa nakapagbibigay ito ng extra nibel ng assurance sa gagamit, nakapagbibigay din ito ng dagdag kasiguraduhang magiging maayos at malinis ang gagamiting banyo ng susunod na gagamit nito.

 

  1. Tamang paghuhugas ng kamay

 

Huwag kalimutang maghugas ng kamay. Maraming klase ng sakit, tulad ng diarrhea, ang nakukuha ng isang tao dahil sa hindi tamang paghuhugas ng kamay.

 

Labis na ang pagpapaalala ng mga eksperto sa kahalagahan ng paghuhugas ng kamay lalo na ngayong panahon ng pandemya. Kung dati, sanay ang mga taong hindi naghuhugas ng kamay pagkatapos ng kani-kanilang business sa banyo. Dapat hindi na ngayon.

 

May malaking bilang man ng mga taong naghuhugas ng kamay pagkatapos gumamit ng banyo, may ilang bilang din ng mga taong hindi wasto ang paghuhugas ng kamay at hindi gumagamit ng sabon.

 

Importante ang paggamit ng sabon dahil ito ang pumapatay sa maraming uri ng germs at bacteria na nakukuha natin sa kung anu-anong mga bagay na ating nahahawakan at hinahawakan. Itong mga germs at bacteria rin na ito ang sanhi ng maraming sakit gaya nga ng coronavirus. Pagkatapos din ng paghuhugas nang wasto, hindi dapat makalimutan ang pagpapatuyo ng kamay para hindi madaling dikitan ng mga bagon mikrobyo.

Dapat ugaliin natin ang mga tamang practice sa pagpapanatili ng kalinisan hindi lang ng ating mga sarili kundi ng mga nasa paligid natin dahil ekstensyon ito ng ating mga kilos.

Source:https://www.initial.com/sg/my-hygiene-quick-tips/4-healthy-toilet-habits-you-can-start-today/