Kapag ikaw ay bata pa, madaling isipin na si nanay at tatay ay mga superheroes dahil parang hindi sila nagkakasakit o nanghihina. Anumang kailangan mo, andyan sila para umaruga at umantabay. Pero sa pagdaan ng panahon, minsa’y magigising ka na lang sa katotohanan na si nanay at tatay ay tumatanda at humihina rin pala.
Sa pag-obserba at pagdiriwang nga Grandparents Month, alamin natin kung paano natin mas maaalagaan at matutulungan ang mga magulang, lolo at lola.
Bakit Kailangan ng mga Matatanda ang Pag-Aalaga?
Lahat ng tao ay tumatanda. Kung noon, masigla, malakas, at independent ang ating mga magulang, maaaring sa ngayon ay nagbago na ang kanilang sitwasyon. Kung malakas pa sila at nabubuhay nang hindi nangangailangan ng tulong, walang dapat ipag-alala ang mga anak. Pero darating din ang araw na mawawala ang dating lakas at mangingibabaw ang mga pagsubok ng old age.
Dito nila kailangan ang elderly care. Ang kailangan nila ay ang pag-aaruga na minsan din nilang ibinigay sa kanilang mga anak. Sa ganitong edad, ang tanging inaasahan nila ay ang pagtugon ng kanilang mga mahal sa buhay sa kanilang mga pangangailangang emosyonal, mental, at pisikal. Ang pagtulong sa kanila ang dapat mangibabaw sa takipsilim ng kanilang buhay. Ito ang punto ng pagkakaroon ng grandparents celebration.
Dignidad at Kapayapaan ng Isip
Sa pag-aalaga sa mga tumatandang magulang, dapat isipin kung paano mapanatag ang kanilang kalooban. Upang makamit ito, kailangang mabuhay pa rin sila nang may dignidad at peace of mind. Narito ang kanilang mga naisin:
- Kakayahang mapakain ang sarili.
- Kakayahang maigalaw ang katawan nang mag-isa, tulad na lamang ng pagbangon mula sa higaan o upuan, at paghiga o pag-upo nang hindi tinutulungan.
- Kakayahang magbihis mag-isa.
- Kakayahang maligo at linisin ang katawan nang walang inaasahang ibang tao.
- Pananatiling malinis sa pangangatawan tulad ng pagsuklay ng buhok, pag-ahit ng balbas, pagsisipilyo, at iba pang personal hygiene activities.
- Paggamit ng palikuran nang mag-isa.
Iba-iba ang pangangailangan ng mga matatanda, at sa paglipas ng panahon, maaaring unti-unting mabawasan ang kanilang kakayahan na magawa ang mga bagay na ito nang mag-isa. Kung hindi na nila kayang gawin ang mga yan, mainam na pag-usapan sa pamilya kung ano ang nararapat gawin.
Puwedeng magtulungan upang gawing mas madali at ligtas ang mga simpleng aktibidad na ito para sa magulang. Likas sa ating mga Pilipino ang matulungin at mapagmahal sa mga magulang, kaya’t hindi naman nakapagtataka kung ang anak mismo ang tumulong sa magulang sa kanilang pagtanda.
Kung hindi naman kayang gawin ito, maaari ding kumuha ng private nurse, assistant, kasambahay, o kaya’y private caregiver o mula sa isang agency. Siguraduhin lamang na maganda ang record ng kukuning kasama para sa pag-aalaga ng mga magulang.
Bago gawin ang hakbang na ito, mainam na kausapin muna ang mga magulang upang makuha ang kanilang basbas.
Home Adjustments
Kung mayroong budget, maganda ring gawin ang ilang adjustments sa bahay upang mas maging madali at ligtas ang mga normal na gawain ng inyong magulang. Narito ang ilang halimbawa:
- Gawing simple at madaling gamitin ang mga kasangkapan sa bahay.
- Palitan ang mga doorknob ng lever na mas madaling hawakan at piitin. Mahalaga ito kung mahina na ang mga kamay o kaya nama’y may rayuma.
- I-adjust ang taas ng mga bagay na madalas gamitin nila nanay at tatay, tulad na lamang ng mga mesa at appliances, upang hindi sila mahirapan na maabot ang mga ito. Isaalang-alang kung gumagamit sila ng wheelchair.
- Maglagay ng maliwanag na ilaw sa lahat ng parte ng bahay na pinupuntahan ng mga magulang upang mas madali nilang makita at makaiwas sila sa pagkakatisod o pagkalula.
- Ipagamit ang kuwarto sa ground floor ng bahay.
- Maglagay ng mga grab handles sa mga lugar na pinupuntahan at ginagamit ng mga magulang, lalo na sa banyo. Palitan ng non-slip floor o kaya nama’y lagyan ng anti-slip mats.
- Kung naka-wheelchair o gumagamit naman ng walker ang mga magulang, palitan ang mga lababo, mesa, cabinet, kitchen countertops, at iba pa, upang maging wheelchair-accessible.
Pag-Inom ng Gamot
Kapag tumatanda ang tao, dumarami rin ang mga health care needs. Ang mga maintenance medicines na nireseta ng doktor, tulad na lamang ng gamot para sa hypertension, diabetes, at iba pang mga karamdaman, ay kailangang inumin nang tama sa oras.
Makakatulong ang mga sumusunod upang hindi lumiban sa pag-inom ng gamot ang mga nakatatanda:
- Bigyan sila ng gamot sa tamang oras.
- Ilagay ang mga maintenance medicines sa mga pillbox na may nakasulat na araw at oras ng pag-inom.
- Mag-set ng alarm sa orasan o cellphone para sa oras ng pag-inom ng gamot.
Pagpunta sa Doktor
Kung malakas pa sila nanay at tatay, hikayatin silang pumunta sa doktor. Karaniwan na sa mga matatanda ang mangailangan ng tulong ng doktor nang mas madalas. Sa puntong ito ay kailangan mayroon nang primary care provider na kaagad matatakbuhan anuman ang mangyari.
Kung hindi na kayang pumunta ng mga magulang sa doktor nang walang tumutulong sa kanila, mag-set ng schedule upang masamahan mo sila para na rin sa kanilang kaligtasan at kapanatagan.
Sa Panahon ng COVID-19
Ngayong panahon ng pandemya ay may mga pagkakataong hindi pinapayagang lumabas ang mga seniors. Kung malakas pa naman sila, siguraduhin na lamang na matawagan sila sa telepono o makausap sa pamamagitan ng internet upang hindi naman sila malungkot. Tulungan silang maging panatag ang kalooban at laging tatanungin kung mayroon silang kailangan tulad ng mga gamot at groceries. Kung may kahinaan na sila, huwag silang iiwang walang kasamang makakatulong sa kanila.
Kung dadalaw naman sa mga seniors na magulang o sa grandparents, susundan ang mga quarantine protocols tulad ng pag-iwan ng mga sapatos sa labas ng bahay, pag-hugas ng mga kamay, pag-iwas sa physical contact hangga’t maaari, at pagsusuot ng facemask. Kailangang gawin ang mga ito sa ngayon upang maiwasan na mahawa ang mga nakatatanda sa COVID-19, na mas mapanganib para sa mga matatanda at maysakit.
Hindi lang tuwing grandparents day kailangan ng mga magulang, lolo at lola ang pag-aaruga at pag-aalaga ng kanilang mga anak, apo, at iba pang mahal sa buhay. Gawin ito araw-araw upang maipakita ang pagmamahal at pasasalamat sa kanila.
Resources:
https://aginginplace.org/a-guide-to-caring-for-elderly-parents/
https://www.georgetownhomecare.com/10-tips-on-caring-for-elderly-parents-at-home/
https://www.hgtv.com/design/remodel/kitchen-remodel/remodeling-with-universal-design-in-mind