Epekto ng Labis na Pag-inom ng Alak
July 26, 2016
Photo courtesy of abruellmann via Pixabay
Ngayong nakararanas na tayo ng lamig ng panahon, isa sa nakakaenganyong gawin ay ang uminom ng alak. Sinasabing mas masarap uminom ng hard na alak kumpara sa beer kapag ganitong panahon. Ngunit kailangan din natin isaalang-alang ang ating kalusugan. Ang panandaliang saya na naihahatid ng alcohol ay maaaring magdala ng pang matagalang paghihirap sa atin.
Sinasabi sa ulat ng World Health Organization (WHO) na ang sobrang pag-inom ng alak ay nagdudulot ng apat na porsyento ng pagkamatay sa buong mundo. Mas malaki umano ang pinsala nito kumpara sa mga sakit na tulad ng AIDS o tuberculosis. Ang alcoholism o ang tuluyang pagkalango sa alcohol ay makapagdudulot ng iba’t ibang uri ng sakit.
Liver Diseases
Ang liver o atay ang pangunahing bahagi ng katawan na naglilinis ng mga lason at iba’t ibang kemikal na pumapasok sa ating katawan. Isa sa maaaring maging sanhi ng labis na pag-inom ng alcohol ay ang inflammation at pamamaga ng atay o ang tinatawag na Hepatitis o Alcoholic Hepatitis. Habang ang Hepatitis A ay isang nakakahawang klase ng hepatitis, mas seryosong klase naman ang Hepatitis B dahil maaari itong magdulot ng liver failure, cancer, o cirrhosis.
Kapag hindi naagapan ng maaga ang liver cirrhosis, maaari itong magdala ng komplikasyon tulad ng edema at ascites. Ito ay ang pagkakaroon ng tubig sa parte ng katawan tulad ng tiyan at mga binti. Nariyan din ang spontaneous bacterial peritonitis o ang impeksyon sa tiyan, portal hypertension o pagdurugo sanhi ng pagtaas ng tension, malnutrition, at hepatic encephalopathy.
Ang hepatic encephalopathy ay isang sakit kung saan masyado ng marami ang toxin sa dugo at hindi na ito kayang alisin ng ating liver. Ito ay nagdudulot ng pagkalimot sa sarili at nahihirapang mag-isip o mag-concentrate ng maayos. Kapag lumala, maaari itong maging sanhi ng coma. Isa pa sa komplikasyon ay ang mataas na posibilidad na magkaroon ng liver cancer.
Anemia
Sanhi rin ng sobrang alcohol sa katawan ang anemia. Ang madalas na pag-inom ng alak ay nagiging sanhi ng pagbaba ng level ng oxygen sa dugo na pinagsisimulan ng anemia. Kaugnay ng sakit na ito ay maaari ring makaranas ng madalas na pagkahilo, hirap sa paghinga, at madaling pagkapagod.
Cardiovascular diseases
Ang mga sakit na nakapaloob dito ay ang stroke at heart attack. Malaki ang epekto ng alak sa platelets ng dugo na kung magpapatuloy ay maaaring humantong sa pamumuo nito. Magdudulot din ang labis na pag-inom ng alak sa panghihina ng kalamnan ng puso.
Photo courtesy of cleankidsmagazin via Pixabay
Alcoholic Neuropathy
Tinatawag na alcoholic neuropathy ang pagkasira ng mga nerves sa ilang bahagi ng katawan. Dahil sa sakit na ito, maaaring dumanas ng pamamanhid sa ilang bahagi ng katawan, constipation, at maging erectile dysfunction o ang panghihina ng ari ng lalaki.
Mahinang resistensya
Ang pagkakaroon ng sobrang alak sa katawan ay nagpapahina ng ating resistensya laban sa mga bacteria at virus na nagdudulot ng sakit. Kapag madalas uminom ng alak, mas mataas ang risk natin na mahawa ng sakit.
Marami pang maaaring maging epekto ang labis na pag-inom ng alak tulad ng gout na nagdudulot ng matinding pananakit ng kasu-kasuan, bangungot, pagkasira ng pancreas, at iba pa. Ang pagkasira ng pancreas ay maaaring maging sanhi ng madalas na pananakit ng tiyan at pagtatae.
Photo courtesy of TBIT via Pixabay
Bukod sa mga epektong ito ng alak sa ating katawan, tandaan na ito rin ay nakakasira ng ating buhay. Ang pagiging lulong sa alcohol ay naglalapit lang sa atin patungo sa disgrasya at malalang sakit. Habang may pagkakataon, kumonsulta na sa mga espesyalista at humingi ng tulong.