Naitala ang kabuuang bilang na 1,015 kaso ng leptospirosis sa buong bansa mula Enero hanggang Marso 18 ng taong ito, tinatayang ito ay 188% na mas mataas kumpara sa 353 kaso parehong buwan noong 2022. Nagpapakita rin ang mga datos na mas maraming namatay dahil sa leptospirosis na umabot sa 85 kumpara sa 50 na naitala noong nakaraang taon. 1
Ang leptospirosis ay isang sakit na sanhi ng bacteria na Leptospira. Ang leptospirosis ay maaaring magdulot ng sintomas na tulad ng sintomas ng trangkaso ngunit pwede rin itong maging Weil's disease, ang malubhang uri ng leptospirosis. 2
Paano nakukuha ang Leptospirosis at Weil’s Disease?
https://www.shutterstock.com/image-photo/walk-barefoot-flood-be-careful-leptospirosis-718105678
Maaaring makuha ang leptospirosis kung ang iyong mga mata, bibig, ilong, o sugat sa iyong balat ay nagkaroon ng:
- kontak sa ihi o dugo ng mga hayop na mayroong leptospirosis tulad ng mga baka, baboy, aso o daga. Ang daga ang pinakamahalaga at karaniwang nagdadala ng bacteria.
- kontak sa tubig o pagkain na kontaminado ng mga bacteria na Leptospira
- kontak sa lupa na kontaminado ng mga bacteria na Leptospira 2
Ano ang mga sintomas ng Leptospirosis at Weil's disease? 2, 4
https://www.shutterstock.com/image-photo/deep-jaundice-asian-male-patient-yellowish-2210717613
Karaniwang nagdudulot ang leptospirosis ng mga sintomas na tulad ng sintomas ng trangkaso. Nangyayari naman ang Weil’s disease kapag naapektuhan ng Leptospirosis ang mga organs ng tao tulad ng atay, bato, baga, puso at utak. Nagkakaroon ito ng malubhang epekto sa katawan at pwedeng magdulot ng organ failure at humantong sa kamatayan.
Ang sintomas ng leptospirosis ay pwedeng maging iba-iba sa bawat tao. Sa karamihan ng mga kaso ng leptospirosis, ang mga sintomas ay pwedeng maging mild. Maaaring magkaroon ng mga sumusunod na sintomas:
- lagnat
- panlalamig ng katawan o chills
- pananakit ng kalamnan, particular ang pagsakit ng binti o calf-muscle pain
- sakit ng ulo
- ubo
- pagduduwal
- pagsusuka
- sakit ng tyan
- pagtatae
- pagkakaroon ng rashes
- kawalan ng ganang kumain
Sa ilang pagkakataon maaaring magkaroon ng Weil's disease, ang malubhang uri ng leptospirosis. Ito ay karaniwang sumusunod matapos ang ilang araw mula sa pagsisimula ng mga mild na sintomas ng leptospirosis. Ang Weil's disease ay isang mas malubhang kondisyon dahil sa mas maraming organs ng katawan ang apektado ng leptospirosis. Ang porsyento ng pagkamatay o case fatality rate para sa Weil's disease ay humigit-kumulang 5%-15% sa mga pasyenteng may malubhang sakit. Ang mga sintomas ay maaaring mag-iba depende sa kung aling body organ ang apektado.
Kung bato, atay, o puso ang apektado ng Leptospira bacteria, maaaring magkaroon ka ng mga sumusunod na sintomas:
- pagbaba ng timbang
- pagkapagod
- pamamaga o pagmamanas ng mga bukung-bukong, paa, o mga kamay
- pagbawas ng ihi
- pagkahingal
- mabilis na tibok ng puso
- jaundice, isang kondisyon kung saan nagiging dilaw ang kulay ng balat at ang puting bahagi ng mata
Kapag utak ang naapektuhan, maaaring magkaroon ng mga sumusunod na sintomas:
- pamamaga
- sakit sa leeg
- pagka-antok
- agresibong pag-uugali
- pagkakaroon ng seizures o pagkukumbulsyon
- hindi makapagsalita
- pagiging sensitibo sa ilaw
Kung baga ang naapektuhan, , maaaring magkaroon ng mga sumusunod na sintomas:
- pagkahingal
- pag-ubo ng dugo 2
Sino ang nasa panganib ng Weil's disease? 3
https://www.shutterstock.com/image-photo/leptospirosis-you-yes-no-587904131
Ang leptospirosis ay nauugnay sa trabaho at karaniwan itong nangyayari sa mga taong nagtatrabaho malapit sa mga hayop o mga produkto mula sa hayop. Ang mga taong mayroong mataas na panganib na mahawa ng leptospirosis ay ang:
- mga magsasaka
- mga beterinaryo
- mga mangingisda sa mga freshwater
- mga magtatadtad ng karne
- mga taong nagtatrabaho sa mga patay na hayop
- mga taong sumasali sa mga aktibidad sa tubig, tulad ng paglangoy, pag-canoe, paglalakbay sa bangka, o pagkayak
- mga taong naliligo sa freshwater na mga lawa, ilog, o kanal
- mga manggagawa sa kontrol ng mga daga
- mga manggagawa sa kubeta
- mga taong madalas sumulong sa baha
- mga minero
Paano nalalaman kung mayroong Leptospirosis at Weil's disease? 2
https://www.shutterstock.com/image-photo/blood-sample-tube-laboratory-requisition-form-1154997067
Mahirap ma-diagnose ang leptospirosis kung mild lang ang mga sintomas sapagkat ang mga sintomas nito ay maaaring katulad ng sa trangkaso.Mas madaling ma-diagnose ang Weil's disease dahil mas malubha ang mga sintomas nito.
Ipagbigay alam sa iyong doktor kung: 2
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-female-doctor-wearing-face-mask-2169432773
- May history ng paglalakbay kamakailan
- May history ng pagsulong sa baha ng mga nakaraang araw
- Sumali sa mga water activities o water sports lalo na sa mga fresh water sources tulad ng lawa at ilog.
- Ang trabaho ay may exposure sa mga hayop at mga produkto ng hayop.
Kung mayroong hinala ang iyong doktor na mayroon kang leptospirosis o ibang impeksyon sa bacteria, maaaring mag-order siya ng mga tests para sa iyong dugo, at ihi. May mga tests din na pwedeng isagawa para macheck ang iyong atay, bato, puso, baga. Ang mga pagsusuring ito ay makakatulong din sa iyong doktor upang malaman kung aling mga body organs ang apektado
Paano ginagamot ang Weil's disease? 5
https://www.shutterstock.com/image-photo/sick-asian-man-hospital-1026233731
Ang mga sintomas ng leptospirosis ay maaaring magpatuloy at hindi mawala ng kusa. Ang agarang paggamot ng sakit na ito ay mahalaga upang maiwasan ang mga komplikasyon at matiyak ang mabilis na paggaling. Karaniwan, ang mga kaso ng leptospirosis ay mild at maaaring gumaling nang walang komplikasyon. Ngunit sa ibang mga kaso, lalo na kapag may Weil's disease, ang kondisyon ay maaaring maging malubha at mangailangan ng agaran at maingat na pangangalaga.
Kapag ang leptospirosis ay naging malubha o komplikado, maaaring kailanganing ma-ospital kung saan maaaring mabigyan ng antibiotic na padadaanin sa ugat (intravenous) upang maging mas mabilis ang epekto ng gamutan. Ang mga antibiotic na karaniwang ginagamit para sa leptospirosis ay ang Penicillin at Doxycycline.
Maaaring mabigyan din ng treatment depende sa mga sintomas at sa apektadong organ. Halimbawa, kung nahihirapan huminga, maaaring mangailangan ng ventilator. Kung ang mga bato naman ay naapektuhan, maaaring kailanganin ng dialysis.
Mahalaga ring tandaan na ang agarang pagkonsulta sa doktor o pagpunta sa ospital ay mahalaga hindi lamang para sa paggamot ng leptospirosis kundi para rin makuha ang tamang diagnosis at iba pang mga payo at gabay mula sa mga doktor
Ano ang mga potensyal na komplikasyon ng Weil's disease? 2
https://www.shutterstock.com/image-photo/patients-taking-blood-dialysis-hospital-540837943
Kapag hindi naagapan, ang Weil's disease ay maaaring magdulot ng pagkasira ng organs tulad ng kidney failure, liver failure, o heart failure at humantong sa kamatayan.
Kung may hinala ka na mayroong kang leptospirosis o Weil's disease, magpakonsulta agad sa doktor. Ang agarang pag-inom ng tamang antibiotic ay mainam para sa agarang paggaling. Maaaring magreseta rin ang doktor ng iba pang mga treatment upang maiwasan ang mga posibleng komplikasyon.
Paano maiiwasan ang Weil's disease?
https://www.shutterstock.com/image-photo/girls-rubber-boots-walking-puddle-flood-2072771939
- Kung ikaw ay nagtatrabaho at may exposure sa mga hayop o mga produkto ng hayop, maaari mong bawasan ang iyong panganib sa pamamagitan ng pagsusuot ng protective gear tulad ng bota na hindi pinapasok ng tubig, goggles, at mga gloves upang maprotektahan ang iyong sarili mula sa direktang contact sa dumi o ihi ng mga hayop na maaaring magdala ng Leptospira bacteria. 4
- Kung ikaw ay nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura, pangangalaga ng hayop, o iba pang mga gawain na may exposure sa mga hayop o produkto ng hayop, sundin ang mga tamang hakbang sa sanitasyon.
- Kung may mga hayop sa iyong tahanan, siguraduhin na sila ay malusog at hindi nagdudulot ng sakit. Magpakonsulta sa isang beterinaryo upang malaman ang mga tamang hakbang sa pangangalaga ng hayop at pagsusuri sa leptospirosis.3
- Kung ikaw ay naglakad or naexpose sa baha, magpakonsulta agad sa doctor upang mabigyan ng reseta ng antibiotics para sa post-exposure prophylaxis. 5
- Umiwas sa kontaminadong tubig.
- Iwasan ang mga water sports at paglangoy sa mga lawa at ilog pagkatapos ng baha. 4
- Mag-ingat kapag lumalangoy o gumagamit ng tubig sa labas. Kung malapit ka sa mga freshwater source tulad ng lawa, ilog, o kanal, siguraduhing malinis ang tubig at iwasan ang paglunok nito.4
- Panatilihing malinis ang iyong kapaligiran. Kontrolin ang pagdami ng mga daga sa pamamagitan ng paggamit ng rat traps o rat poison.
- Kung ikaw ay maglalakbay at mataas ang panganib na magkaroon ng leptospirosis, kumonsulta sa iyong doktor tungkol sa pag-inom ng gamot upang hindi magkasakit (pre exposure prophylaxis).5
Sa pamamagitan ng pag-iingat at pagpapatupad ng mga hakbang sa pag-iwas, maaaring maibaba ang panganib ng pagkakaroon ng Weil's disease at leptospirosis. Mahalagang maging maalam at maging responsable sa mga gawain na may kinalaman sa mga hayop o posibleng kontaminadong kapaligiran upang mapangalagaan ang kalusugan.
References:
(1) Montemayor, M. T. (2023, April 13). PH logs 188% rise in leptospirosis cases. Philippine News Agency. https://www.pna.gov.ph/articles/1199349
(2) Weil’s Disease: Causes, Symptoms, and Treatments. (2018, September 17). Healthline. https://www.healthline.com/health/weils-disease#cause
(3) Centers for Disease Control and Prevention. (2019). Leptospirosis. Centers for Disease Control and Prevention. https://www.cdc.gov/leptospirosis/index.html
(4) DOH. (2015). Leptospirosis | Department of Health website. Doh.gov.ph. https://doh.gov.ph/Health-Advisory/Leptospirosis
(5) DOH. (2019). DOH GUIDELINES for LEPTOSPIROSIS for HOSPITALS. https://thepafp.org/website/wp-content/uploads/2020/11/Leptospirosis-2019-Guidelines.pdf