Weight Loss Tips para sa Mga Diabetic

February 28, 2016

Bukod sa pagpapatingin sa doktor sa mga unang sintomas pa lamang ng diabetes mellitus, mahalaga ang pagpapanatili ng wastong timbang para makontrol ang sakit na ito. Malaki ang maitutulong ng mga ito sa pag-iwas sa mga komplikasyon ng diabetes.

                          

Ang pagbabawas ng timbang lalo na sa mga diabetic ay hindi lamang nakukuha sa pagda-diet. Kailangan ang kombinasyon ng tamang pagkain, sapat na pag-eehersisyo at pagpapalakas ng resistensya. Upang makontrol ang kondisyong ito, ang mga sumusunod ay mga tips para sa diabetics na kailangang magbawas ng sobrang timbang.

 

Maghanda ng Fitness Plan at Sundin Ito

 

Isa ang pag-eehersisyo sa iyong mga pangunahing panglaban sa diabetes. Hindi lamang ito nakatutulong sa pagbabawas ng timbang, pinaparami din nito ang nagagawang insulin ng pancreas na kailangan ng katawan. Mainam ang magkaroon ng fitness plan para mapadali ang pagbabawas ng timbang at magawa ito nang tama.

 

Mahalagang kumonsulta muna sa iyong doktor lalo na kung ikaw ay may diabetic neuropathy o pagkasira ng mga ugat dahil sa diabetes. Maaaring magdulot ng komplikasyon ang pag-eehersisyo kapag nagalaw nang hindi tama ang mga apektadong bahagi ng katawan.

 

Humingi ng tulong gumawa ng fitness plan o routine upang ma-ehersisyo ang mga parte ng iyong katawan na kailangang matutukan. Kung magpapagawa ng fitness plan sa isang fitness expert, ikonsulta ito sa iyong doktor lalo na kung hindi ka sanay sa mabibigat na gawaing pisikal. Maaari itong baguhin ng doktor kung sa tingin niya ay hindi kakayanin ng iyong katawan ang routine.

 

Ang maganda sa pagkakaroon ng fitness plan ay magkakaroon ka ng disiplina at malasakit sa iyong pangangatawan lalo na kapag nakita mo ang resulta ng iyong pagwo-workout. Dagdag pa rito, hindi ka gaanong mahihirapan sa iba’t-ibang klase ng sports dahil magiging mas matatag ang iyong katawan.

 

Kumain nang Tama

vegetables-673181_640.jpg

Photo from Pixabay

 

Iba ang pagda-diet ng isang diabetic kumpara sa karaniwang nagbabawas ng timbang. Dahil may problema ang katawan na gumawa o mag-proseso ng insulin, kailangang bawasan ang mga pagkaing maraming asukal at protina. Dagdagan ang pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa fiber na nagpapababa ng blood sugar.

 

Upang makasigurado sa iyong mga dapat kainin, maaaring kumonsulta sa dietician na siyang gagawa ng special diet para sa iyong karamdaman. Ang karaniwang diet plan para sa may diabetes ay tatlo o higit pang small meals sa loob ng isang araw. Mas madali para sa tiyan tunawin ang small meals at nakatutulong ito sa pagkontrol ng diabetes symptoms at mga komplikasyon nito.

 

Dapat kontrolado ang dami ng carbohydrates na naglalaman ng isang klase ng asukal na tinatawag na starch. Ang epekto ng starch ay katulad lang din ng sa white sugar kaya pareho itong kailangang limitahan lalo na ng mga may insulin treatment. Ang dami ng asukal na iyong maaaring i-consume ay ibabase ng iyong doktor o dietician depende sa iyong kondisyon.

 

Ang mga pagkaing nagtataglay ng fiber ang iyong magiging pangunahing meal. Ang mga halimbawa nito ay:

 

  • Prutas

  • Beans

  • Grains

  • Broccoli

  • Peas

  • Avocado

  • Oatmeal

  • Popcorn

  • Mais

  • Toge

  • Repolyo

 

Gaya ng asukal, magiging kontrolado rin ang iyong konsumo ng karne at iba pang matatabang pagkain upang makapagbawas ng sobrang timbang at makontrol ang diabetes.

 

Magtakda ng Mga Realistic na Layunin

 

Disiplina ang kinakailangan upang masunod ang fitness plan at ang iyong diet. Hindi maaaring biglain ang katawan sa pag-eehersisyo at sa iyong bagong diet. Maaari kang mapahamak sa mga crash diet o iyong biglaan at sobrang pagbabawas ng kinakain dahil pahihinain nito nang husto ang iyong resistensya. Upang hindi masyadong mahirapan, magtakda ng mga simple at madaling sundin na mga layunin.

 

Sanayin ang iyong sarili sa iyong bagong lifestyle upang mamuhay nang normal sa kabila ng diabetes. Magsimula sa baby steps tulad ng pagbabawas ng pagkain ng karne o ang pagsasagawa ng cardio exercises sa loob ng 20 minutes kada araw. Kapag madali mo nang nagagawa ang mga ito, maaari ka nang magtakda ng bahagyang mas mahihirap na layunin hanggang tuluyan kang masanay sa pamumuhay na ito.

 

Kung nahihirapan kang mag-set ng goals para sa iyong sarili, kumonsulta sa iyong doktor.

 

Ugaliing ang Regular na Pagpapa-Check Up

doctor-784329_1280.png

Photo from Pixabay

 

Minsan, may mga komplikasyon na maaaring mangyari kahit na maayos mong sinusunod ang iyong diet at fitness plan. Dapat namomonitor ng doktor ang iyong blood sugar upang malaman niya kung may mali at kung paano ito maaayos.

 

Bago tingnan ang iyong blood sugar, ikaw ay aabisuhang huwag munang kumain sa loob ng 8 oras upang wasto ang makuhang resulta ng glucometer. Mahalaga ring itala o ilista ang instructions mula sa iyong doktor lalo na kung may mga ipapabago siya sa iyong medication, meal plan o routine.

 

Kakayanin ang pagbabawas ng timbang basta ipagpatuloy mo lang ang magagandang habits hanggang sa tuluyan kang masanay sa healthy lifestyle. Bukod sa pag-iwas sa mga komplikasyon ng diabetes, makatutulong ang pagiging fit para mas ma-enjoy mo ang buhay sa kabila ng iyong sakit.