Walang pinipiling panahon at edad ang pagkakasakit. Maaari itong magsimula sa simpleng ubo, sipon, at lagnat lang, ngunit kapag tumagal ay may malalim na komplikasyon na pala sa katawan. Sa hirap ng pagkakaroon ng sakit, ayaw nating maranasan ito ng mga bata.
Isa ang Vitamin C sa mga pangunahing pangangailangan ng mga bata para sa malakas na immune system na pangharang sa iba’t ibang harmful diseases. Susi rin ang masustansyang pagkain para lumakas ang resistensya ng inyong mga anak. Pero paano kung picky eaters sila at hindi nila gusto ang mga ihinahain na nakakabuti para sa kanila?
Bigyan ang kids ng masarap at masustansyang sources of Vitamin C para ma-enjoy nila ang pag-iingat sa sakit! Narito ang ilan sa mga food na rich in Vitamin C at mga simpleng paraan kung paano ihanda ang mga ito.
- Guava
Bihira ata ang mga bata na kumakain ng maasim na prutas na ito. Para maengganyo ang kids na kumain nito, subukan itong gawing jam. Tanggalin muna ang mga buto bago durugin ang mga bayabas. Haluan ng asukal at gelatin o cornstarch bago pakuluan. I-chill nang saglit sa refrigerator bago ipalaman sa tinapay! Pwede mo rin itong gawing katasan at gawing juice.
- Mango
Isa ang mango sa matataas na sources of Vitamin C. Gawing shake ang hinog na mangga sa pamamagitan ng blender. Dagdagan ng yelo. Maaari rin itong dagdagan ng gatas para may kaakibat na calcium kapag ininom ng inyong anak. Fat-free ang mangoes at mayroon ding sodium at good cholesterol.
- Orange
Kilalang-kilala ang prutas na ito kung pag-uusapan ang fruits high in Vitamin C. Marami ring posibleng gawin mula dito. Pinakamadali na ang pagpiga sa oranges para maging fresh juice. Para mapaiba, samahan ang mga bata gumawa ng simpleng dessert gamit ito. Mag-melt ng chocolate candies at maghanda ng mga toppings katulad ng sprinkles. Himayin ang oranges at isa-isang itusok sa stick. I-dip ang tinuhog na prutas sa chocolate!
- Papaya
Photo from Unsplash
Bukod sa taglay nitong Vitamin C, mainam din ang prutas na ito para sa panunaw at overall health ng digestive system. Maging creative at gawin itong ice cream para sa isang healthy dessert! Maghanda lamang ng apat na cups ng frozen na papaya, ihalo kasama ang gatas sa isang blender, at i-blend hanggang smooth na ang prutas. I-serve sa cup o cone para mas ma-enjoy ng kids.
- Strawberries
Kasama rin sa Vitamin C rich foods ang strawberries. Sa halip na sa flavor lang ng mga snacks at supplements ito natitikman ng mga bata, subukang ihalo o gawing toppings ito sa frozen yogurt. Pwede ring hiwain ang mga ito at ihalo sa oatmeal para sa isang healthy breakfast na mabilis lang ihanda.
- Lemon
Ang lemon o dayap ay hindi lang rich in Vitamin C; nagtataglay din ito ng antioxidant na nagbibigay ng dagdag-proteksyon sa kids laban sa sakit. Sa pinakasimpleng paraan ng paghalo nito sa diet ng anak, lagyan ang kanyang baong mineral water ng sliced lemons para mainom din niya ang mga nutrients kasabay ng tubig. Ang paggawa ng lemonade ay isa ring paraan para gamitin ang prutas na ito. Maaari ring subukan na pigaan ng dayap ang grilled chicken para sa added flavor at sustansya.
- Tomato
Photo from Unsplash
Ang kamatis ay isa sa mga sources of Vitamin C na madalas ay hinahalo o isinasahog sa mga putahe. Ilan pa sa mga benefits nito ang fiber, Vitamin K1, at Vitamin B9. Dahil maraming ulam ang pwede mong lutuin at lagyan nito, isang paraan para mawili ang mga bata sa pag-kain ng tomatoes ay ang paggamit ng mga sariwang kamatis sa halip na tomato sauce kapag nagluluto ng spaghetti. Maaari rin itong gawing juice.
- Broccoli
Isa na siguro ang gulay na ito na rich in Vitamin C sa pinaka-challenging ipakain sa mga bata dahil na rin sa lasa nito. Para hindi ito iwasan ng mga anak kapag nasa hapag-kainan, gawin itong hugis-nuggets o burger patties! Pakuluan ang mga broccoli para lumambot ito. I-blend gamit ang isang food processor o ‘di kaya naman ay durugin nang pinong-pino manually. Pwede ring haluan ng cheese para dagdag-flavor. Bilugin nang isa-isa at prituhin. Hindi na nila mamamalayan na gulay pala ang kinakain nila.
- Bell Pepper
Bagama’t sagana sa Vitamin C, hindi lamang ito ang naibibigay ng bell peppers sa mga bata. Siksik din ito sa Vitamin B6, Vitamin K1, potassium, folate, Vitamin E, at Vitamin A. Bukod sa paglalahok nito sa mga lutuin, gawing mas nakakatakam ito para sa mga anak – gawin itong toppings sa homemade pizza! Gamit lamang ang oven toaster, magsalang ng kinalahating pandesal na may tomato sauce o kaya pinigang kamatis. Lagyan ng bell peppers, cheese, at ham sa ibabaw. Pwedeng hiwain nang pinong-pino ang bell pepper para maiwasang tanggalin ng mga bata.
- Pineapple
Hindi papahuli sa fruits high in Vitamin C ang pinya. Mayroon itong antioxidants na tinatawag na flavonoids na nakakatulong ingatan ang mga cells mula sa damage at inflammation. Kadalasang isinasahog ito sa manok, pero para mapaiba naman, subukang gumawa ng pineapple fried rice. Samahan ng pineapple tidbits, sausages, carrots, at onions ang sinangag, instant dinner na agad na masustansya na, masarap pa!
Nakakatulong ang presentation, creativity, at imagination sa paghahanda ng pagkain para hindi itabi sa gilid ng plato o iluwa ang mga healthy na mga pagkain. Sa konting pasensya at tiyaga, masisigurado natin na mabubusog at mapoprotektahan mula sa sakit ang mga bata. Subukan ding mag-isip ng mga paraan para gawing entertaining ang iba pang mga ihahain sa mag-anak.
Ilan lamang ang mga ito sa pwedeng gawin para mabigyan ng Vitamin C rich foods ang kids. Hangga’t maaari ay isama sila sa paghahanda ng mga ito nang sa gayon ay ma-appreciate nilang lalo ang pagkain, ma-practice ang kanilang cooking skills, at madagdagan ang bonding time ng pamilya!
Sources:
https://www.babycenter.com/0_vitamin-c-in-your-childs-diet_10324695.bc
https://www.garlicandzest.com/easy-homemade-guava-jam/
https://www.superhealthykids.com/chocolate-dipped-oranges/
https://www.superhealthykids.com/cheesy-broccoli-bites/
https://www.healthline.com/nutrition/foods/tomatoes#section2
https://www.healthline.com/nutrition/foods/bell-peppers#section3
https://www.health.com/health/gallery/0,,20745689,00.html#pineapple-3
https://www.healthline.com/nutrition/benefits-of-pineapple#section2
https://www.superhealthykids.com/pineapple-fried-rice/