Sa pag-diagnose ng vertigo, maaaring magtanong ang doktor kung ang nararamdaman ng pasyente ay ang pag-ikot ng paligid o lightheadedness lamang. Ang vertigo ay isang uri ng pagkahilo kung saan parang umiikot o gumagalaw ang paligid. Bagama’t ito ay madalas nauugnay sa pagkatakot sa matataas na lugar, hindi ito itinuturing na isa sa mga vertigo causes. Ang tunay na vertigo ay epekto ng problema sa inner ear ng isang tao, o di kaya’y sa isang bahagi ng brainstem na kumokontrol sa ating balanse.
Ang inner ear ay isang kumplikadong sistemang binubuo ng mga kanal na puno ng likido o fluid. Ito ay ang mga nagsasabi sa utak kung ano at paano ang paggalaw ng ating ulo. Nahahadlangan ang komunikasyon ng mga mensahe na ito kapag may disorder sa inner ear. Isang halimbawa nito ay kapag nakakatanggap ang utak natin ng mga senyas mula sa inner ear na hindi kasang-ayon sa mga senyas na natatanggap ng mga mata at sensory nerves. Ang di-pagtutugma na ito ay nagreresulta sa pagkalito ng utak sa mga magkakaibang senyas. Ito ay isa sa mga causes of dizziness na tinatawag na vertigo.
Mga Uri at Sanhi ng Vertigo
Ang mga iba’t ibang uri ng vertigo ay batay sa mga sanhi nito.
Ang peripheral vertigo ay nangyayari kapag may pagkagulo sa mga bahagi ng inner ear na responsable sa balanse. May mga maliliit na bahagi ang inner ear na nagpapadala ng mensahe sa utak ukol sa patayong posisyon o vertical position ng katawan. Ito ay tumutulong sa pagkakaroon ng balanse tuwing tumatayo ang isang tao. Ang pagkagulo sa sistemang ito, na maaaring magmula sa inflammation o viral infection, ay nagreresulta sa vertigo.
Nagkakaroon naman ng central vertigo kapag may problema sa isa o higit pang sensory nerve pathways ng utak. Ang uri ng vertigo na ito ay nauugnay sa mga problema ng central nervous system. Ang mga madalas na naapektuhan dito ay ang brainstem at cerebellum, ang mga bahagi ng utak na responsable sa pag-uugnay ng paningin at balanse ng isang tao.
Peripheral Vertigo
Ayon sa American Institute of Balance, ang peripheral vertigo ay mas malubha kaysa sa central vertigo. Ang mga kondisyon na nauugnay sa peripheral vertigo ay ang mga sumusunod:
- Benign paroxysmal positional vertigo (BPPV) - Ito ang pinaka-pangkaraniwang uri ng vertigo. Ito ay nangyayari kapag mabilis ang paggalaw ng ulo, kapag biglang tumatayo o umuupo, pag umiikot sa kama, o kapag nakatanggap ang ulo ng suntok o tama. Ang kondisyon na ito ay nagdudulot ng maiiksi ngunit madadalas at matitinding pakiramdam ng pag-ikot o paggagalaw ng paligid.
Image by Pixabay
- Labyrinthitis - Ito ay dulot ng impeksyon sa labyrinth, isang parte sa inner ear na kumokontrol sa balanse at pandinig. Isang viral na sakit, katulad ng sipon o trangkaso, ang madalas na sanhi ng impeksyong ito. Sa ibang pagkakataon, bacterial infection sa tenga naman ang sanhi. Ang taong may kondisyon na ito ay nakakaramdam ng paggalaw kahit hindi siya gumagalaw. Dahil ito ay mula sa isang ear infection, maaari rin itong samahan ng lagnat at sakit sa tenga.
- Vestibular neuronitis - Ang vestibular nerve ay ang nagdadala ng impormasyon mula sa inner ear hanggang sa utak na nauugnay sa pandinig at balanse. Ang vestibular neuronitis ay isang kondisyong dulot ng impeksyon na kumalat na sa vestibular nerve. Ito ay madalas na nangyayari pagkatapos ng isang viral infection kutulad ng sipon o trangkaso.
- Meniere’s disease - Ang sakit na ito ay dulot ng sobrang pag-iipon ng likido sa inner ear. Biglaan itong umaatake, at maaaring tumagal ng 24 hours. Ang taong nakakaranas ng malubhang kaso nito ay maaaring makaramdam ng pagduduwal o pagsusuka.
Bukod sa nakababahalang pakiramdam ng pag-ikot o paggalaw ng paligid, ang ilan pang mga peripheral vertigo symptoms ay ang mga sumusunod:
- Pagkabingi sa isang tenga
- Pagpapantig o pagkukulingling sa tenga
- Kahirapan sa pag-focus ng mga mata
- Pagkawala ng balanse
- Pakiramdam ng kapunuan sa tenga
Central Vertigo
Ang pinakasanhi ng central vertigo ay sakit o pinsala sa utak na nagmumula sa:
- Impeksyon;
- Pagtama sa ulo;
- Multiple sclerosis (isang malubhang sakit ng central nervous system);
- Tumor sa utak; at
- Stroke
Ang mga sintomas ng central vertigo ay madalas na biglaang umaatake at maaaring tumagal nang mas mahabang panahon. Dahil dito, mas matindi ang epekto nito kaysa sa peripheral vertigo.
Ang mga common na central vertigo symptoms ay:
- Kahirapang maglakad o manatiling nakatayo na walang tulong;
- Nystagmus, o abnormal na paggalaw ng mata;
- Panghihina;
- Nahihirapang lumunok; at
- Sakit ng ulo
Image by Unsplash
Risk Factors ng Vertigo
Upang makaiwas sa pagkakaroon ng vertigo, mahalaga ang magkaroon ng wastong kaalaman sa risk factors na maaaring magdulot nito. Ito ay ang mga sumusunod:
- Head injuries - Ang kahit anong tama o pinsala sa ulo ay maaaring maging sanhi ng vertigo.
- Mga gamot sa ibang sakit - Kasama dito ang ilang anti-seizure medicines, blood pressure medications, aspirin, at anti-depressants. Tanungin sa inyong doktor kung alin sa mga gamot na kasulukuyan ninyong iniinom ang dapat itigil o iwasan.
- Mga posibleng sanhi ng stroke - Lahat ng maaaring magdulot ng stroke ay nagpapataas din ng inyong risk na mag-develop ng vertigo. Ito ay ang sakit sa puso, diabetes, high blood pressure, at paninigarilyo.
- Pag-inom ng alak o alcohol - Ang madalas na pagkonsumo ng alcohol ay nagdudulot din ng hilo.
Mga Paraan ng Pag-iwas
- Kontrolin ang mga risk factors ng stroke, katulad ng high blood pressure at sakit sa puso sa pamamagitan ng pagsunod sa tamang diet at healthy lifestyle.
- Sa mga mayroong Meniere’s disease, iwasan ang maaalat na pagkain upang mabawasan ang fluid retention sa katawan at sa inner ear.
- Iwasan ang pagkonsumo ng caffeine, tsokolate, alcohol, at tabako.
- Bawasan ang stress.
- Huminga ng malalim at piliting kumalma tuwing nagpa-panic attack.
Treatment
Ang ilang uri ng vertigo ay hindi nangangailangan ng treatment at lumilipas nang mag-isa. Ang mas malulubhang uri, lalo na kung paulit-ulit ang mga sintomas nito, ay kailangan ipatingin sa doktor. Ang mga kilalang treatment sa vertigo ay ang mga sumusunod:
- Vertigo medication - Mayroong mga prescription drugs na nakakapagbigay lunas sa ilang sintomas. Kabilang dito ang mga anti-histamines at anti-emetics na nakakabawas sa pagduduwal at motion sickness.
- Inner ear surgery - Sa mga pasyente na may BPPV, maaaring magpasok ang doktor ng “bone plug” sa inner ear sa pamamagitan ng surgery. Ito ay ginagawa upang barahin at bigyang ginhawa ang apektadong bahagi ng inner ear na sanhi ng vertigo.
- Pressure pulse treatment. Ito ang paglalagay ng isang device sa outer ear na nagde-deliver ng air pressure pulses sa middle ear upang mabawasan ang vertigo.
- Endolymphatic sac surgery - Kapag walang ibang effective na lunas, maaaring magrekomenda ng surgery ang doktor kung saan puputulin ang vestibular nerve o idi-decompress ang endolymphatic sac.
- Epley maneuver o Canalith respositoning procedure (para sa BPPV) - Sa treatment na ito, binabago-bago ang position ng ulo upang pagalawin ang mga canaliths (loose crystals) sa loob ng inner ear. Ito ay hindi dapat ginagawa kung walang doktor or physical therapist na nagsu-supervise.
- Cawthorne head exercises - Ito ay mga vestibular rehabilitation exercises na gumagamit ng eye and head movements upang mabawasan ang pagkasensitibo ng vestibular nerves. Ito ay kailangan ng supervision ng doktor.
Mga Kailangang Pagbabago sa Pamumuhay
Hindi biro ang epekto ng vertigo at malaking tulong dito ay ang ilang pagbabago na kailangang gawin sa pang araw-araw na buhay. Upang mabawasan ang matitinding epekto nito, sundin ang mga sumusunod na hakbang:
- Umupo kaagad sa oras na makaramdam ng hilo. Ito ay para maiwasang mahulog at tumama ang ulo sa sahig.
- Manatiling hydrated. Uminom ng wastong dami ng tubig araw-araw.
- Bagalan ang galaw sa mga gawaing madalas nakakapagdulot ng pagkahilo.
- Gumamit ng wastong ilaw kapag tatayo mula sa kama sa gabi.
- Gumamit ng tungkod kung madalas nakakaramdam ng vertigo.
- Huwag magmaneho kapag madalas nakakaramdam ng hilo.
- Subukan ang ilang herbal solutions* upang makabawas sa sintomas. Kasama dito ang gingko biloba, turmeric, cayenne, at ugat ng luya.
- Subukan ang paggamitng essential oils* katulad ng peppermint, ginger, lavender, at frankincense.
*Tandaan lamang na hindi gamot ang mga herbal solutions at essential oils. Ang mga ito ay para sa pansamantalang kaginhawaan lamang. Kailangan din mag-ingat sa posibleng side effects nito. Mas mainam pa rin ang makapagtanong sa doktor tungkol sa mga wastong lunas sa vertigo.
Karamihan ng uri ng vertigo ay nagagamot, sa tulong ng mga nabanggit na treatment at lifestyle changes. Ang tulad ng Meniere’s disease ay hindi nawawala, ngunit maaaring mabawasan ang sintomas nito. Sa mga manageable na sakit na katulad ng vertigo, mahalaga ang may wastong gabay ng doktor at tulong ng buong pamilya sa pagsisiguro ng kaginhawaan at kalidad ng buhay ng pasyente.
Sources:
https://www.facebook.com/InterAksyon/videos/1801268879897966/
https://www.medicalnewstoday.com/knowledge/160900/vertigo-causes-symptoms-treatments
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/dizziness/symptoms-causes/syc-20371787
https://www.webmd.com/brain/dizziness-vertigo#1
https://www.healthline.com/health/peripheral-vertigo#types
https://www.emedicinehealth.com/vertigo/article_em.htm#vertigo_home_remedies