Walang pinipiling edad ang pagkakasakit. Dahil dito, bata pa lang ay inaalagaan na sa monthly check-up ang mga sanggol – sinisigurado na ang mga ito ay lalaking healthy at normal. Kasama sa mga appointment na ito ang pagrerekomenda ng doktor na mabigyan ng bakuna ang mga bata. Dahil hindi lahat ay nakakakumpleto ng pagpapabakuna, kadalasan ay mas madaling lapitan ang mga ito ng sakit.
Sa katunayan, dumadating sa edad na hindi na binibigyan ng mataas na importansya ang pagpapabakuna sa mga anak. Kadalasan itong nangyayari sa adolescence stage o sa pagdadalaga at pagbibinata. Ngunit hindi dahil young adult na ang mga ito ay dapat nang palagpasin ang regular na pagpapabakuna. Ngayong National Adolescent Immunization Month, layunin natin na maitaas ang awareness ng kahalagahan ng pagsasagawa nito para sa ikagaganda ng kanilang kinabukasan.
Ano nga ba ang bakuna?
Ang mga bakuna o vaccines ay tumutukoy sa mga substance na ginagamit para ma-trigger ang production ng antibodies na kailangan ng katawan para lumaban sa mga sakit. Dahil sa vaccines, nakakapagbigay ng immunity ang katawan para sa ilang mga sakit. Pwede mo itong tingnan bilang isang paghahanda para makaiwas sa isang health condition na maaaring makaapekto sa iyong overall health and well-being.
May iba’t ibang klase ng vaccines depende sa sakit, edad, at kasarian ng pagbibigyan nito. May mga bakunang para sa mga baby gaya ng Hepatitis B1 shot na mas kilala sa tawag na HepB - ito ang unang vaccination na natatanggap ng mga sanggol. Mayroon din namang vaccines na para sa mas nakakatanda tulad ng chicken pox vaccine for adults. Ang adult vaccines, gaya ng bakuna para sa mga teenagers, ay hindi dapat isantabi. Ang gender-based vaccines naman tulad ng HPV vaccine for men ay designed para sa specific na pangangailangan ng mga lalaki patungkol sa human papillomavirus na nagsasanhi genital warts mula sa unsafe na pakikipagtalik.
Vaccines for Adolescents and Teenagers
Gaano man sila kalakas at ka-healthy ngayon, prone pa rin ang adolescents at teenagers sa iba’t ibang uri ng sakit, lalo na’t sa ganitong stage ng buhay sila nagsisimulang mag-explore ng kanilang paligid at kilalanin nang mabuti ang kanilang sarili. Ang edad 13 to 18 ay nirerekomenda pa ring magpabakuna nang ayon sa pangangailangan para maprotektahan sila sa pagkakaroon ng chronic illnesses pagdating ng panahon.
Kung may kapamilya o kamag-anak ka na nasa ganitong age bracket, narito ang ilan sa vaccines na kailangan nilang matanggap:
Photo from Unsplash
- Influenza (IIV) – Isa sa pinaka-common na virus na dumadapo sa tao ang influenza, ang carrier ng flu o trangkaso. Mula six months hanggang six years old, iminumungkahi na mabigyan ng isa hanggang dalawang doses ng ganitong bakuna ang mga bata taon-taon. Pagdating nila sa adolescent stage, taunan pa rin ang pagpapasaksak nito.
- Meningococcal – Taong 2010 noong nagkaroon ng outbreak ng meningococcemia sa bansa. Ang nakakamatay at nakakahawang sakit na ito ay maaaring magsanhi ng matinding brain damage at bloodstream infection. 9 months old pa lamang ang bata ay pwede na itong ibigay. Susundan ito ng isa pang dose kapag umabot na ng edad 11-12, at dalawang doses kapag 16 years old na. Inirerekomenda ito lalo na kapag umaalis ng bansa ang bata o mayroong kapamilya na overseas worker o OFW.
- Tetanus, diphtheria, & acellular pertussis (Tdap) – Simulang ibigay ito ng dalawang doses sa adolescents edad 11-12. Ang kasunod na schedule nito ay kapag 16 years old na ang bata. Kung nakakaranas naman ng maagang pagbubuntis ang bata, siguraduhin na mayroon siyang isang dose na saksak nito sa mga paunang buwan ng pregnancy para maingatan din ang sanggol. Ang vaccines na ito ay laban sa tatlong nakamamatay na bacterial diseases.
Photo from Unsplash
- HPV series – Hindi na bago sa panahon natin ngayon ang mga balita ng pre-marital sex sa kabataan, kasama na rin ang kapahamakan na dala ng rape. Ang human papillomavirus ay isang sexually-transmitted disease (STD) na maaaring mahantong sa cancer kapag hindi naagapan. Ang vaccines na ito ay pinaa-administer ito sa pagitan ng siyam hanggang 18 na taong gulang.
- Hepatitis A (HepA) – Ang bakunang ito ay kontra sa hepatitis virus na umaatake sa liver. Dahil ito ay lubhang nakakahawa, sinisimulan ito sa unang taon ng buhay ng bata at sinusundan sa pagitan ng dalawang taon hanggang 18 na taong gulang.
- Varicella – Ang series ng vaccines na ito ay panlaban naman sa chickenpox o bulutong. Dahil hindi lamang bata ang nagkakaroon nito, inirerekomendang mabigyan ng dalawang doses ang adolescent na hindi pa nabakunahan noong nasa edad isa hanggang anim na taong gulang.
- Mumps, measles, rubella (MMR) – Beke, tigdas, at tigdas-hangin/German Measles ang iniiwasan ng vaccines na ito. Nagsisimula ang recommended immunity schedule nito ng edad isa, susundan sa pagitan ng apat hanggang anim na taong gulang na pwedeng i-catch up hanggang 18 years old.
Kung titingnan, mukhang mahirap nang habulin ang pagpapabakuna lalo na kung hindi ito nasimulan sa pagkabata. Bawat bansa ay mayroong sinusunod na childhood at adult immunization schedules para makasigurado na mabigyan ng pagkakataon ang bawat isa na magkaroon ng vaccines na hindi nila natanggap noon, lalo na kung mayroong outbreak ng isang klase nang sakit. Ugaliing magpakonsulta sa doktor para mabigyan ng payo kung ano ang dapat i-prioritize na bakuna para sa kalagayan ng dalaga o binata ninyo.
Bukod sa schedule ng immunization, makakabuti rin kung aalamin muna ang mga side effects na maaaring maranasan kapag nasaksakan ng vaccines. Normal ang pagkahilo, pagsusuka, at pati ang pagkakaroon ng lagnat. Pero kung lumalala ang kondisyon, baka nagkaroon ng komplikasyon mula sa bakuna – ipatingin agad sa inyong doktor lalo na kung may pinagdadaanang health condition. Sa kabilang banda, may kamahalan ang ibang vaccines. Pwede kang magtanong sa health center ng inyong barangay o lokalidad para makakuha ng mga ito.
Isa lamang ang pagpapabakuna sa mga paraan ng pag-iingat sa kalusugan ng mga kabataan. Importante pa rin ang tamang nutrisyon, ehersisyo, pahinga, alaga, at suporta na galing sa mga magulang.
Sources:
http://www.philvaccine.org/
https://www.cdc.gov/vaccines/schedules/hcp/imz/child-adolescent.html
http://www.adolescentvaccination.org/10-reasons
https://www.empr.com/clinical-charts/2018-vaccination-schedule-0-18-years-of-age/article/124017/
https://businessmirror.com.ph/meningococcemia-contagious-and-fatal-know-the-symptoms-and-be-protected/
https://www.femalenetwork.com/lifestyle/health-wellness/immunization-schedule-filipino-child-2018-sa00026-20180311-src-sp
http://www.adolescentvaccination.org/vpd/chickenpox-varicella