Ang vaccination o pagpapabakuna ay mahalagang bahagi ng buhay. Ito man ay taunang flu shot, rabies vaccine para sa iyong alagang hayop, o booster shots ng iyong anak, ang immunization mula sa mga mapanganib na sakit ay mahalaga sa kalusugan ng bawat isa. Narito ang mga dapat mong malaman tungkol sa mga pangunahing vaccines na kailangan ng iyong anak bilang proteksyon mula sa mga karaniwang sakit.
Ano ang vaccine?
Ayon sa U.S. Department of Health & Human Services (HHS), “a vaccine is made from very small amounts of weak or dead germs that can cause diseases.” Mayroon apat na uri ng bakuna:
- Live-attenuated—pinahinang bersyon ng germ, kadalasang ibinibigay sa isa o dalawang doses (measles, smallpox, and chickenpox).
- Inactivated—patay na bersyon ng germ, ibinibigay sa ilang doses (Hepatitis A, rabies, and flu shots)
- Polysaccharide/recombinant— isang espesyal na kategorya ng inactivated vaccines (meningococcal, pneumococcal).
- Toxoid vaccine—gawa mula sa toxin (lason) na nanghihikayat ng immune response laban sa toxin (tetanus and diphtheria).
Paano magpabakuna?
Ang immunization ay ang proseso ng pagiging immune sa isang partikular na sakit. Mayroong dalawang pangunahing mekanismo sa pagkuha ng immunity mula sa pagpapabakuna:
- Active— may matagalang epekto na dulot ng sariling immune system matapos ma-expose sa pathogen/vaccine.
- Passive—maikli ngunit epektibong protection, kadalasang transplacental o nagmula sa blood products at mga produktong medical immunoglobulin.
Ang sinuman, kahit na anong edad, ay maaaring tamaan ng iba-ibang uri ng sakit kapag hindi nabakunahan – lalo na ang mga batang isang taong gulang o mas bata. Kaya mahalaga ring may sapat na kaalaman tungkol sa mga vaccines for babies at maging para sa mga teenagers.
Pagpapabakuna ng mga Bata
Ayon sa pinakahuling survey ng World Health Organization (WHO), “there is arguably no single preventive health intervention more cost-effective than immunization.” Tinatayang nasa 116.5 milyon (o 86%) ng mga bagong silang na sanggol sa buong mundo ang nakakatanggap ng tatlong doses of the diphtheria-tetanus-pertussis (DTP3) vaccine, na lumalaban sa pagkalat ng mga infectious na sakit. Mahalagang i-update ang pagpapabakuna ng iyong anak, kaya mag-set ng appointment sa kanyang pediatrician. Ang doktor ang higit na nakakaalam tungkol sa vaccination at bilang magulang, mahalagang ipaalam sa doktor ang importanteng mga detalye tungkol sa kalusugan ng iyong anak bago at pagkatapos mabakunahan.
Pagpapabakuna sa makabagong panahon
Pinasimulan ng World Economic Forum ang Decade of Vaccines noong 2010 na naglalayong ibigay sa lahat ang benepisyo ng pagpapabakuna sa taong 2020. Sa mga susunod na taon, inaasahang batid ng lahat ang kahalagahan ng pagpapabakuna.
Halimbawa, ang mortality rate ng measles sa buong mundo ay bumaba nang hanggang 79% noong 2015. Ginawa nito ang the Americas na kauna-unahang rehiyon na naging measles-free sa kasaysayan. Samantala, tayo ay malapit nang manalo laban sa polio; mas kakaunting mga bata ang naparalisa ng sakit na ito noong 2016.
Sa parehong taon, idineklara ng WHO ang India at ang buong rehiyon ng Southeast Asia bilang polio-free. Dahil parami nang paraming bansa ang nagpapabakuna, ang mga kaso ng mga sakit gaya ng tetanus at Meningitis A ay nababawasan kada taon.
Pagpapabakuna para sa hinaharap
Tandaan na ang pagpapabakuna ay hindi nagtatapos sa childhood ng iyong mga anak, kumonsulta sa doktor upang malaman ang mga shots na kailangan nila sa hinaharap. Subukang i-schedule ang pagkuha ng booster shots bago umalis ng bansa upang makatulong sa pagpigil ng pagkalat ng sakit.
Inirerekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) sa mga manlalakbay na i-update ang kanilang vaccine records kabilang na ang measles-mumps-rubella (MMR), diphtheria-tetanus-pertussis, varicella (chickenpox), polio, at influenza.
Bagaman ang vaccines ay nagbibigay proteksyon laban sa mga karaniwang sakit, responsibilidad mo pa rin na pangalagaan ang iyong kalusugan. Kumain nang wasto at mag-ehersisyo palagi. Magtanong sa doktor tungkol sa pag-inom ng mga supplements upang mas mapatibay ang iyong immune system.
Sources:
https://www.vaccines.gov/about.html
http://www.who.int/features/factfiles/immunization/en/
https://wwwnc.cdc.gov/travel/page/last-minute-travelers
https://www.ritemed.com.ph/articles/kahalagahan-ng-bakuna