Urinary Tract Infection: Saan Ito Nakukuha? | RiteMED

Urinary Tract Infection: Saan Ito Nakukuha?

December 20, 2018

Urinary Tract Infection: Saan Ito Nakukuha?

Sa Pilipinas, ang Urinary Tract Infection o UTI ay tinatayang isa sa pinaka-common na bacterial infection na nangangailangan ng medical care maging sa mga ospital.

 

Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang UTI ay impeksyon na tumatama maging sa kidneys kapag ito ay lumala. Ang ureters, pantog, at urethra ang mga madalas na hinihinalang may problema. Dahil madalas walang pinapakitang sintomas, mahirap tukuyin kung tinamaan ka na ba nito. Bagama’t kahit sino ay pwedeng magkaroon ng UTI, mas mataas ang risk para sa kababaihan.

 

UTI Causes

 

Nagkakaroon ng ganitong impeksyon kapag ang bacteria ay pumasok sa urinary tract sa pamamagitan ng urethra. Mula rito, magsisimula itong dumami sa pantog o bladder. May panangga man ang urinary system sa ganitong klaseng foreign bodies, bumababa rin kung minsan ang mga depensa nito.

 

Maaaring impeksyon ng bladder o impeksyon ng urethra ang uri ng UTI na pwedeng maranasan lalo na ng mga babae.

 

Sa cystitis o ang infection ng bladder, ang bacteria na Escherichia coli (E. coli) ang responsible sa pagdadala ng sakit. Common it sa kababaihan dahil sa anatomical design nila o ang pagiging malapit ng urethra sa anus at ng urethral opening sa pantog.

 

Sa kabilang dako naman, ang urethritis o ang infection ng urethra ay nagsisimula kapag ang bacteria sa gastrointenstinal tract ay kumalat mula sa anus papunta rito.

 

Dagdag pa rito, narito pa ang ilang posibleng sanhi ng Urinary Tract Infection:

 

  • Pagbubuntis – Mas nagiging prone ang mga nagdadalantao sa UTI dahil sa pagbabago sa size ng urethral opening;
  • Diabetes – Karamihan sa diabetes patients ay madalas nagkakaroon ng impeksyong ito;
  • Madalas na pakikipagtalik sa iba’t ibang tao; at
  • Hindi makontrol na pag-ihi o urinary incontinence.

 

UTI Symptoms

 

Nagpapakita ang mga sintomas ng Urinary Tract Infection kapag laganap na ang bacteria sa mga apektadong area. Kaya naman, kapag lumabas na ang mga sintomas, nangangailangan na agad ng medical attention ang pasyente para hindi na lumaganap pa ang impeksyon. Kabilang sa mga signs of UTI ang:

 

  • Paulit-ulit na pakiramdam na gusting umihi;
  • Mahapding pag-ihi;
  • Pakonti-konti ngunit madalas na pag-ihi;
  • Ihi na malabo ang kulay o kaya naman ay mamula-mula na tila may bahid ng dugo;
  • Matapang na amoy ng ihi; at
  • Paghapdi ng puson para sa mga kababaihan.

undefined

Photo from Pexels

Para paunang matukoy ang uri ng UTI na mayroon, tukuyin kung saan nanggaling ang sakit pati ang iba pang mga sintomas na kasama nito:

 

Sa kidneys (acute pyelonephritis):

  • Pananakit ng upper back at tagiliran;
  • Mataas na lagnat;
  • Panginginig; at
  • Pagkahilo na may kasamang pagsusuka.

 

Sa bladder (cystitis):

  • Pananakit ng puson;
  • Pagsakit ng lower back;
  • Mahapdi at madalas na pag-ihi; at
  • Bahid ng dugo sa ihi.

 

Sa urethra (urethritis):

  • Mahapding pag-ihi; at
  • Puting discharge mula sa maselang bahagi.

 

 

UTI Medicine

 

Para mabilis mapuksa ang impeksyon, karaniwang inirereseta ng mga doktor ang antibiotics gaya ng Amoxicillin, Doxycycline, Ciprofloxacin, Nitrofurantoin, Sulfonamides, at Cephalosporins. Depende sa uri ng UTI na mayroon, babase rin ang doktor sa kung gaano na kalubha ang impeksyon mula sa bacteria.

Bukod dito, maaaring sabayan ng ascorbic acid o Vitamin C ang antibiotics sa pahintulot ng iyong doktor para mapanumbalik ang lakas ng resistensya na pinababa ng bacteria.

 

UTI Treatment

 

Gaya ng nabanggit, antibiotics ang pinakamainam na solusyon para sa agarang pagsugpo sa Urinary Tract Infection. Bago resetahan ng doktor, sasailalim muna sa mga laboratory tests gaya ng urinalysis para makita kung gaano kataas ang impeksyon sa pamamagitan ng bilang ng pus cells o nana. Maaari ring sumailalim sa blood test lalo na kung Urinary Tract Infection na umabot na sa kidneys ang nararanasan.

Matapos ng mga pagsusuring ito, maaaring i-treat ang Urinary Tract Infection bilang out-patient o kaya naman ay sa pamamagitan ng confinement, Kadalasan, ang UTI na sinasamahan na ng chills o pangingisay at mataas na lagnat ay ipinapa-confine na sa ospital para maobserbahang mabuti.

 

Home Remedies for UTI

 

Nangangailangan man ng agarang pag-inom ng antibiotics ang pagkakaroon ng UTI, may mga pwede pa ring gawin para mapabilis ang gamutan nito at maiwasan ang pagbalik. Subukan ang sumusunod na steps para maging malaya sa ganitong impeksyon:

 

undefined

Photo from Unsplash

 

  1. Manatiling hydrated. Siguraduhing makumpleto ang anim hanggang walong basong tubig araw-araw. Sa ganitong paraan, magiging normal ang dalas ng pag-ihi at makakalabas ang mga toxin sa katawan.

 

  1. Magkaroon ng high-fiber diet. Makakatulong ang antioxidants mula sa prutas at gulay upang mapuksa ang mga bacteria na makakapasok sa katawan.

 

  1. Umiwas sa maaalat na pagkain. Dahil konektado sa mga bato ang sakit na ito, umalalay lang sa pagkonsumo ng salty food. Ang labis na pag-kain nito ay maaaring magdulot naman ng pinsala sa kidneys, dahilan para maapektuhan din ang pag-ihi.

 

  1. Panatilihin ang good personal hygiene. Maging malinis at metikuloso sa pag-aalaga ng genital area. Kung gagamit ng mga pampublikong palikuran, iwasan ang direct contact sa inodoro para hindi kapitan ng bacteria. Mag-disinfect at maghugas. Tuwing may menstruation naman, dalasan ang pagpapalit ng napkin para hindi dumami ang bacteria. Kapag magpupunas ng genital area, simulan sa unahan papuntang likod at hindi likod-paharap.

 

  1. Piliin ang isusuot. Bukod sa malinis na pananamit, pumili ng underwear na gawa sa cotton. Umiwas sa masisikip na pang-ibaba para makahinga ang nasabing area, malaya sa moisture na tinitirahan ng bacteria.

 

  1. Iwasang magpigil ng ihi. Dahil pilit iniipon ang dumi ng katawan na ilalabas sana sa ihi, naiipit din ang bacteria sa ari. Sa kabila ng pagiging busy, inirerekomendang maging maagap sa paglabas ng ihi para maiwasan ang pagkalat ng bacteria sa loob ng urinary tract.

 

Ang Urinary Tract Infection ay maaaring bumalik kapag walang ginawang pagbabago sa lifestyle matapos ang unang karanasan nito. Ibayong pag-iingat at kalinisan ang kailangan para maging malaya mula rito. Huwag mag-alinlangang kumonsulta sa iyong doktor kung lumulubha ang mga sintomas ng UTI matapos ang gamutan nito.

 

Sources:

 

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/urinary-tract-infection/symptoms-causes/syc-20353447

https://www.webmd.com/women/guide/your-guide-urinary-tract-infections#1

https://www.accp.com/docs/bookstore/psap/p2018b1_sample.pdf



What do you think of this article?