7 Myths at Facts tungkol sa UTI

March 22, 2017

 

Maraming haka-haka ang bumabalot sa mga impeksyon sa ari at iba pang bahagi ng urinary system na kung tawagin ay urinary tract infection (UTI). Dahil pangkaraniwan ang nasabing sakit, lalo na sa kababaihan, hindi rin maiiwasang magkaroon ng sari-saring kaisipan tungkol dito. Subalit, ang maling akala ay maaaring magdala ng malulubhang komplikasyon o mga maling gamot para sa may sakit.

 

Upang makaiwas sa sakuna, aming tinipon ang ilang haka-haka tungkol sa UTI at ang mga angkop na katotohanan sa bawat maling pahayag.

 

Myth 1: Babae lamang ang nagkakaroon ng UTI

 

Fact: Habang totoong mas madali at madalas magkaroon ng UTI ang mga kababaihan, hindi ibig sabihin nito ay hindi nagkakaroon ng UTI ang mga lalaki. Maaaring dapuan ng nasabing karamdaman ang kalalakihan, lalo na ang mga nakatatanda na edad 50 pataas. Karamihan sa mga mas batang lalaki ay hindi nagkakaroon ng UTI, ngunit hindi labas sa katotohanan na maaari pa rin silang dapuan nito.

 

Myth 2: Hindi mapanganib ang UTI

 

Fact: Ang UTI ay karaniwang napapagaling ng antibiotics, ngunit kung ang impeskyon ay umabot sa bato at pantog, ito ay magbubunga ng malulubhang komplikasyon. Ang iba dito ay nagdudulot ng permanenteng pinsala. Bago pa lumala ang iyong kondisyon, magpatingin agad sa doktor para mabigyan ka ng payo at gamot sa UTI.

 

Myth 3: Paniguradong hindi magkakaroon ng UTI kapag malinis ang katawan.

 

Fact: Totoong mas madaling magkaroon ng impeksyon sa daluyan ng ihi ang mga taong madumi ang pangangatawan dahil bacteria ang isa sa mga pangunahing sanhi ng UTI. Ngunit, hindi ibig sabihin na kapag ikaw ay may good hygiene, tuluyang ligtas ka na dito. Kabilang sa mga sanhi ng UTI ay ang lagiang pagtatalik, paggamit ng maduming contraceptive, mahinang immune system, menopause, at mga bara sa daluyan ng ihi tulad ng kidney stones o lubos na paglaki ng prostate.  

 

Myth 4: Para sa mga kababaihan, ang mga mahihilig lamang makipagtalik ang nagkakaroon ng UTI.

 

undefined

 

 

Fact: Gaya ng unang nabanggit, maraming maaaring maging sanhi ang UTI bukod sa pakikipagtalik. Subalit, dapat maging malinis sa katawan kung nais na makipagtalik upang bumaba ang probabilidad na magkaroon nito. Siguraduhin ding bago at malinis ang contraceptive na gagamitin, kung gagamit man nito, at gayun din ang feminine products. Iwasan din ang madalas na pakikipagtalik at siguraduhing malinis sa katawan ang iyong partner, dahil maaaring sa kaniya manggaling ang mikrobyong nagdudulot ng UTI.

 

Myth 5: Delikado magkaroon ng higit sa isang uri ng UTI

 

Fact: Totoong mapanganib ang UTI kapag umabot ang impeksyon sa bato at pantog, ngunit para sa mga pangkaraniwang kaso, maski na nanunumbalik ang impeksyon, kusang gumagaling ang karamdaman, na napapabilis ng pag-inom ng antibiotic. Magpatingin pa rin sa doktor kapag may UTI upang makasiguradong hindi maapektuhan ang bato at pantog ng nasabing sakit.

 

Myth 6: Ang pag-inom ng fruit juice ay nakakapagpawala ng UTI

 

Fact: Hindi mapapagkaila na masustansya ang mga unsweetened fruit juice tulad ng cranberry at orange juice dahil sa nilalaman nitong mga bitamina. Subalit, hindi pa napapatunayan na kaya nitong puksain ang bacteria na nagdudulot ng UTI. Imbis na i-asa sa fruit juice ang paggaling o pag-iwas, magpunta na lamang sa ospital at magpareseta ng angkop na antibiotic sa doktor upang makakuha ng wastong gamot sa UTI.

 

Myth 7: Walang koneksyon ang pagdumi sa UTI

undefined

 

Fact: Hindi na kailangang lumayo sa salitang “dumi” upang makitang ang pagdudumi ay maaaring magdulot ng UTI kapag hindi nilinis ang sarili nang maayos. Ang bacteria ay maaaring manggaling sa dumi at kumapit sa mga sensitibong bahagi ng katawan. Maging malinis sa katawan upang mas maging ligtas sa sakit.

 

Bukod sa mga natalakay na haka-haka, kung hindi sigurado sa iyong kondisyon, huwag mag-atubiling magpatingin sa doktor. Agad niyang mabibigyang linaw at lunas ang iyong karamdman, UTI man ito o hindi.

 

Sources: