Gamot sa Uric Acid at Iba Pang Paraan para Mapababa Ito
December 20, 2018
Maaalat at matatabang pagkain ang ilan sa mga bida sa hapag-kainan ngayong holiday season. Lechon, liempo, mga piniritong putahe, at iba pa – ilan lang ang mga ito sa hindi nawawalang pagkain sa Pinoy menu kapag kapaskuhan. Masarap man sa panlasa, ang sobrang konsumo ng mga ito ay may dala ring pinsala. Isa pa ring salarin dito ang labis na pag-inom ng alak na kadalasang isinasabay sa pagkonsumo ng unhealthy food bilang pulutan. Bagama’t minsan lamang ito sa isang taon, hindi pa rin dapat balewalain ang mga risks na kasama ng ganitong klaseng pag-eenjoy sa okasyon.
Kasama sa mga naaapektuhan ng ganitong gawain ang uric acid levels ng katawan. Para mas maintindihan ito, tingnan natin kung ano ang ginagampanan nito para sa kabuuang kalusugan ng katawan.
Ano ang uric acid?
Ang uric acid ay isang produkto ng dumi o toxins sa katawan. Nabubuo ito kapag dinudurog ng katawan ang mga substance na tinatawag na purines. Ang mga purine ay natatagpuan kapag namatay ang mga cell at nag-breakdown. Ang substances na ito ay natural ding nakukuha ng katawan sa ilang inumin at pagkain gaya ng mga lamang-loob, dried beans, peas, at beer.
Karamihan sa uric acid ay nalulusaw sa dugo at naglalakbay patungo sa mga kidney, ang organs na responsible sa pagtatanggal ng mga ito sa katawan sa pamamagitan ng excretory system. Inilalabas ng katawan ang uric acid sa pamamagitan ng ihi at dumi.
Bakit nagkakaroon ng mataas na uric acid?
Kung minsan, ang katawan ay sobra sa napo-produce na dami ng uric acid at hindi natatanggal ang kalabisan nito. Sa ganitong pagkakataon, maaaring magkaroon ng hyperuricemia o mataas na lebel ng uric acid sa dugo. Sa ibang kaso naman, ang labis na pagkonsumo ng mga pagkaing likas na mataas na uric acid ang salarin sa pagkakaroon ng ganitong kondisyon.
Kaya naman, susi sa pagkakaroon ng normal na lebel ng uric acid ang pagbabantay sa kinakain at pagkakaron ng healthy lifestyle, lalo na kung nasa lahi o family history ang mga sakit gaya ng gout.
Photo from Unsplash
Ang gout ay isang uri ng rayuma kung saan ang mga kasukasuan ay namamaga dahil sa sobrang taas na uric acid sa dugo. Kilala rin sa tawag na rayuma sa paa dahil ang madalas na naaapektuhan nito ay ang hinlalaki sa paa. Kung minsan, nararanasan din ito sa mga kasukasuan sa kamay at tuhod.
Bukod sa gout, narito pa ang ibang factors sa pagkakaroon ng mataas na uric acid:
- Labis na pag-inom ng alak;
- Hypothyroidism o hindi aktibong thyroid gland;
- Obesity o pagkakaroon ng labis na timbang;
- Psoriasis; o
- Renal insufficiency o ang kakulangan sa kapasidad ng kidneys na makapag-filter ng waste products ng dugo.
Anu-ano naman ang mga sintomas ng uric acid high levels?
Tinatayang nasa 1/3 lang ng mga taong may hyperuricemia ang nakakaranas ng mga sintomas nito. Bagama’t hindi pa ito matatawag na sakit, kapag nanatiling mataas ang uric acid over time, maaari itong humantong sa iba’t ibang sakit at komplikasyon. Ilan sa mga sintomas ay ang sumusunod:
- Pagkakaroon ng kidney stones;
- Paninigas o pamamaga ng mga joint o kasukasuan;
- Pananakit ng lower back, tagiliran, tiyan, at singit;
- Pagiging hirap sa pag-ihi;
- Pagkakaroon ng bahid ng dugo at kakaibang amoy sa ihi;
- Pagsusuka; at
- Mataas na lagnat na may kasamang pangingisay.
Paano mapababa ang uric acid?
Gaya ng nabanggit sa unang bahagi, importante ang healthy diet tungo sa normal na level ng uric acid. Narito ang ilan sa mga pagkain na mainam para makaiwas sa rayuma sa paa, kidney stones, at iba pang komplikasyong epekto ng mataas na uric acid:
- Mga pagkaing mababa sa purine – Ang mga low-fat at non-dairy fat na produkto gaya ng yogurt, sariwang prutas at gulay gaya ng cherries at cabbage, nuts, whole grains, potatoes, at eggs ay inirerekomendang isama sa diet para makaiwas sa pag-atake ng gout.
- Vitamin C-rich food – May katangian ang Vitamin C na mapababa ang uric acid sa dugo. Ilan sa mga pwedeng pagpilian ang mga citrus na prutas gaya ng orange, mga berde at madadahong gulay gaya ng broccoli at kangkong, at maging ang pag-inom ng Vitamin C o ascorbic acid supplements para masigurado na nakukuha ng katawan ang recommended daily allowance nito.
- Red wine – Sa halip na beer ang inumin, napag-alamang may mga mabubuting epekto ang pag-inom ng red wine sa kabuuang kalusugan ng katawan. Tandaan lang na uminom nito nang may moderasyon.
- Water – Napapabagal at napapababa ng pag-inom ng maraming tubig ang uric acid levels sa katawan dahil napapadalas nito ang pag-ihi at pagdumi, na siyang nagpapalabas ng waste material.
- Lean meat at poultry – Dahil nakakataas ng uric acid levels ang mga laman-loob gaya ng atay ng hayop, piliin ang mga karne at laman para sa protein content nito.
Pwedeng subukan ang sample menu na ito para makapagsimula ng low-purine diet:
Photo from Unsplash
Agahan
- Whole-grain cereal na may low-fat milk
- 1 cup fresh cherries
- 1 basong tubig
- 1 cup ng kape
Tanghalian
- 2 ounces ng roasted chicken breast
- Vegetable salad na may olive oil bilang dressing
- 1 basong tubig
Merienda
- Low-fat yogurt
Hapunan
- 3 to 4 ounces ng roasted salmon
- Steamed green beans
- ½ to 1 cup ng whole-grain na pasta
- 1 basong tubig
- 1 cup ng melon
Bukod dito, mayroong ding gamot sa uric acid na makakatulong para mapababa ang harmful levels nito. Kasama na rito ang:
- Allopurinol – Ang gamot sa gout na ito ay inirereseta rin sa mga may hyperuricemia.
- Celecoxib – Ito ay gamot sa uric acid high levels na iniinom kontra-atake ng mga sakit dulot ng rayuma, na siyang inuudyok din ng mataas na uric acid.
- Colchicine – Ang gamot na ito para sa rayuma sa paa ay maaaring inumin.
Bilang paalala, siguraduhing magpakonsulta muna sa doktor bago gumawa ng mga pagbabago sa diet at pag-inom ng gamot para ma-regulate ang levels ng uric acid. Samahan din ito ng active lifestyle at tamang pahinga nang sa gayon ay mapanatiling malusog ang buong pangangatawan.
Sources:
https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/gout
https://www.webmd.com/arthritis/qa/what-is-uric-acid-and-what-does-it-mean-if-you-have-high-levels-of-it
https://www.mayoclinic.org/symptoms/high-uric-acid-level/basics/causes/sym-20050607
https://medlineplus.gov/ency/article/003476.htm
https://www.healthline.com/health/hyperuricemia
https://www.healthline.com/health/tips-for-following-low-purine-diet#5
https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/nutrition-and-healthy-eating/in-depth/gout-diet/art-20048524