Ang ulcer ay anumang open sore o sugat sa loob o labas ng katawan, sanhi ng hiwa sa balat, organs, o mucous membrane na hindi na gumaling. Maraming pwedeng dahilan ng pagkakaroon ng ganitong internal o external na sugat, at kahit sino ay at risk sa pagkakaroon ng iba’t ibang types of ulcer.
Pag-usapan natin ang mga uri ng ulcer na nabubuo sa tiyan. Para makaiwas sa sakit na ito, narito ang mga kailangan mong malaman tungkol sa stomach ulcer.
Peptic Ulcer
Ito ang tawag sa mga sugat na nakakaapekto sa tiyan at small intestines. Ang gastric ulcer o stomach ulcer ay isang halimbawa ng peptic ulcer.
Ang stomach ulcer ay masasakit at mahahapding sugat sa lining ng tiyan. Nagkakaroon nito kapag ang makapal na layer ng mucus na pumuprotekta sa tiyan mula sa digestive juices ay nababawasan. Dahil dito, napipinsala ng matatapang na digestive acids ang mga tissue at lining sa tiyan. Ito ang nagsasanhi ng ulcer.
Bukod sa pagkakaroon ng sugat sa lining ng tiyan na nagreresulta sa gastric ulcer o stomach ulcer, ang peptic ulcer ay maaari ring maging sugat sa duodenum o ang parteng itaas ng small intestine. Ito ang uri ng peptic ulcer na mas common.
Ang hindi naman gaanong laganap na uri nito ay ang esophageal ulcer na namumuo sa esophagus – ang tubo kung saan dumadaan ang pagkain kapag nilulunok. Ito ay kadalasang sanhi ng pag-abuso sa alak o kaya naman ay ang labis na pag-inom ng anti-inflammatory na gamot o ibang antibiotics.
Peptic Ulcer Causes
Sa kaalaman ng mga tao, ang peptic ulcer ay sanhi ng stress, dahilan para tumaas ang produksyon ng stomach acid. May ilan din namang naniniwala na dahil ito sa ‘di-maayos na diet na sinamahan ng poor lifestyle at mga bisyo. Hindi na nabigyang-patotoo ang mga haka-hakang ito simula noong kalagitnaan ng 1980s.
Ayon sa pag-aaral, ang stomach ulcer ay nakukuha sa infection mula sa bacterium na kung tawagin ay Helicobacter pylori o H. pylori. Kung hindi naman galing sa impeksyon ang ulcer, maaaring sanhi ito ng matagalang paggamit ng nonsteroidal anti-inflammatory drugs o NSAIDs gaya ng ibuprofen. Pwede ring makuha ang ulcer kapag mataas at labis ang produksyon ng tiyan ng digestive acid.
Signs and Symptoms of Ulcer
Nakadepende ang pagkagrabe ng mga sintomas sa kung gaano kalubha ang isang stomach ulcer. Narito ang peptic ulcer symptoms na dapat bantayan:
Photo from Pixabay
- Pananakit ng tiyan sa bandang pagitan ng chest at pusod;
- Matinding pagsakit ng tiyan kapag nagugutom;
- Mahapding sakit ng tiyan;
- Pagbagsak ng timbang;
- Kawalan ng gana kumain dahil sa sakit;
- Pakiramdam na busog na kaagad kahit wala pa gaanong nakakain;
- Pagsusuka;
- Maiitim na dumi;
- Pagiging intolerant sa fatty food;
- Heartburn; at
- Anemia.
Kahit tolerable o nakakaya ang mga sintomas na nararanasan, inirerekomenda na kumonsulta sa doktor para maagapan pa ang stomach ulcer. Kapag nagkaroon na ng mga ulcer na dumudugo, ito ay nakamamatay. Maiiwasan ito kung magiging alerto sa mga sintomas at pagkakaroon ng maagang diagnosis.
Stomach Ulcer Treatment
Para sa diagnosis, maaaring i-check ng doktor ang iyong medical history at magsagawa ng blood o stool test para ma-check kung mayroong infection mula sa H. pylori. Nakadepende naman sa uri ng ulcer ang treatment na dapat isagawa para rito. Kadalasan naman ay nakukuha ito sa gamot.
Sa mga malulubhang kaso ng nagdudugong ulcer, nangangailangan na ito ng surgery o kaya naman ay hospitalization. Dito, gagamit ng endoscopy para masilip ang ulcer at idadaan na sa intravenous na pamamaraan ang mga gamot.
Ulcer Medication
Maaaring magreseta ang doktor ng antibiotics para masugpo ang impeksyon kung ito ang sanhi ng stomach ulcer. May mga gamot naman na kung tawagin ay proton pump inhibitors o PPIs na humaharang sa stomach cells na gumagawa ng acid.
Ipinapayong ipagpatuloy ang anumang gamot na inireseta ng doktor kahit hindi na nararanasan ang mga sintomas. Ipaalam sa inyong healthcare provider ang sitwasyon para ma-assess kung pwede na bang itigil ang medication o babaan ng dosage.
Ulcer Remedies
Photo from Unsplash
Para makatulong sa health ng intestinal tract na siyang naaapektuhan kapag may stomach ulcer, ipinapayo ang pagkakaroon ng healthy diet na binabalanse ng prutas, gulay, at mga pagkaing mayaman sa fiber. Ilan sa mga pagkaing pinaniniwalaang makakapag-boost ng healthy bacteria ng tiyan laban sa H. pylori ang:
- Green leafy vegetables;
- Mga pagkaing mayaman sa probiotics tulad ng yogurt at ilang inuming nagtataglay nito;
- Mga gulay gaya ng cauliflower, broccoli, at cabbage;
- Honey; at
- Mga prutas tulad ng apple at iba’t ibang uri ng berries.
May mga pagkain din naman nakakapag-trigger ng acid reflux, isang kondisyon na madalas mayroon ang mga pasyenteng may ulcer. Para maiwasan ito, hangga’t maaari ay bawasan ang pagkonsumo ng:
- Alak;
- Mga inuming may caffeine gaya ng kape at tsaa;
- Maaanghang na pagkain;
- Chocolate; at
- Mga pagkaing acidic o mataas sa acid gaya ng citrus fruits.
Magkaroon din ng maayos at regular na meal patterns. Iwasan ang pagpapalipas ng gutom para mabawasan ang hapdi ng tiyan, ganoon din naman ang overeating na nakakapagpasakit din ng sugat dahil dadami ang digestive juices na kailangan ng tiyan para tunawin ang mga kinain. Subukang kumain ng small portions nang ilang beses sa isang araw kaysa sa kadalasang tatlong beses.
Ugaliin ding maghugas ng kamay bago at matapos kumain o habang naghahanda ng pagkain para makaiwas sa impeksyong dala ng H. pylori.
Hangga’t maaari rin ay iwasan ang pag-inom ng mga nonsteroidal anti-inflammatory drugs o NSAIDs lalo na kung tolerable o kaya pang tiisin ang sakit. Kung inireseta ito ng doktor para sa ma-treat ang isang sakit, siguraduhing ipagbigay-alam din sa kanya kung mayroong naging history ng pagkakaroon ng peptic ulcer. Sa gayon, maaaring mabigyan ng alternatibo na hindi makakapag-trigger ng pagsakit ng sugat sa tiyan.
Hindi man gaanong nakakabahala ang pagkakaroon ng peptic ulcer, ibayong pag-iingat pa rin ang dapat isagawa para sa overall health ng digestive system. Mabutihin pa rin na kumonsulta sa doktor para maiwasan ang paglala ng mga sintomas ng ulcer at maging ang mga epekto nito sa pamumuhay.
Sources:
https://www.healthline.com/health/stomach-ulcer
https://www.healthline.com/health/stomach-ulcer-diet#what-to-avoid
https://www.healthline.com/health/types-of-ulcers#2
https://www.webmd.com/digestive-disorders/understanding-ulcers-basic-information#1