Mga Tama at Maling Pagkain kapag may Ulcer

August 16, 2019

Ang pangkaraniwang kaalaman tungkol sa ulcer causes ay resulta ito ng sobrang stress, dahil sa madalas na pagkonsumo ng fastfood, o pagkonsumo ng mga pagkaing maaanghang. Walang direktang ebidensya sa ngayon na ito ang mga sanhi ng ulcer. Bagama’t totoong may kinalaman ang sobrang asido sa tiyan na dulot ng stress o ilang pagkain, ang sinasabi ng mga bagong pag-aaral sa medisina ay bacterial infection ang pangunahing sanhi ng ulcer.

Bakit nagkakaroon ng ulcer?

Bago natin talakayin ang iba’t ibang pagkain na nakakabuti at nakakasama para sa ulcer, unawain muna natin ang pinagmulan nito.

Helicobacter pylori (H. pylori) ang tawag sa bacteria na nagdudulot ng impeksyong nagsisimula ng ulcer. Ang bacteria na ito ay natural na nahahanap sa mga himaymay ng tiyan at maliit na bituka. Ang H. pylori ay nakakapagdulot ng pinsala sa mucus na bumabalot sa tiyan at duodenum (ang unang bahagi ng maliit na bituka). Dahil dito, nakakapasok ang asido ng tiyan sa protective lining ng sikmura. Ang resulta ay ang pagkakaroon ng butas o sugat sa lining na siyang nagdudulot ng ulcer o peptic ulcer. Tinatawag itong peptic ulcer dahil ang pepsin ay ang pangunahing digestive enzyme sa tiyan. Maraming iba’t ibang uri ng ulcer, tulad na lang ng corneal ulcer at mouth ulcer, at mahalagang malaman ang pagkakaiba ng mga ito para mabigyan ng tuwirang lunas

Dahil may ilang sintomas ang peptic ulcer na halintulad sa ibang sakit ng tiyan tulad ng gastritis at hyperacidity, kailangang may wastong kaalaman tungkol sa mga sintomas nito.

Signs and Symptoms of Ulcer

Ang pangunahing sign of ulcer ay ang mahapding sakit ng tiyan. Pinapalala ito ng asido sa sikmura at kapag nalilipasan ng gutom. Kapag walang laman ang tiyan, sa halip na tunawin ng asido ang pagkain, ang lining ng tiyan ang tinutunaw nito. Maaaring maibsan ang pagkahapdi sa pamamagitan ng tamang pagkain, o sa pag-inom ng mga medicine for ulcer at antacids tulad ng RiteMED Neutracid. Maaari ring magrekomenda ang doktor ng H2 blockers tulad ng RiteMED Ranitidine, at mga proton pump inhibitors na tulad ng RIteMED Rabeprazole o RiteMED Omeprazole para sa proteksyon ng stomach lining at sa paglaban sa H. pylori infection.

Maraming may ulcer ang hindi nakakaramdam ng mga pangkaraniwang ulcer signs. Ang iba naman ay katulad ng pagsusuka o pagsusuka nang may kasamang dugo, pagkakaroon ng maitim na dugo sa dumi, kahirapan sa paghinga, pagkahilo, panghihina, pagbabawas ng timbang, at pagbabago sa appetite. Para sa kaligtasan ng pasyente, ipatingin kaagad sa doktor kapag ganito ang mga nararamdamang sintomas.

Tamang Diet para sa Ulcer

Bagama’t hindi stress at pagkain ang pangunahing causes of ulcer, maaari pa rin itong maging dahilan ng paglalala ng mga sintomas. Mayroon ding pagkain na maaaring makatulong sa pagpapagaling nito. Ang pagkaalam sa tama at maling pagkain ay malaki ang maitutulong sa pamamahala ng ulcer.

Ang diet na mainam para sa ulcer ay ang mga pagkaing madaling matunaw sa tiyan at may katamtamang lasa. Ito ang dahilan kung bakit dapat iwasan ang mga pagkaing masyadong maraming spices at mantika. Iwasan din ang anumang pagkain na maaaring magdulot ng iritasyon at pamamaga sa digestive tract. Ang mga pagkaing ito ay depende sa pasyente, kaya’t mabuting alamin ng bawat isa kung ano ang mga pwede at bawal kainin para sa sarili.

Para sa pangkalahatang kaalaman, ito ang mga pangkaraniwang pagkain na maaaring makasama at makabuti sa ulcer ng tiyan:

Tamang Pagkain

  • Probiotics - Ang probiotics ay good bacteria na tumutulong sa paglaban sa H. pylori at iba pang carrier ng sakit sa tiyan. Tumutulong din ito sa pagkakaroon ng mabisang epekto ng gamot.

undefined

Ang mga halimbawa nito ay mga probiotic drinks na nabibili sa supermarket, miso soup, soy milk, kombucha, tempeh, kimchi, at yogurt. Piliin ang yogurt na may “live cultures” ng mabuting bacteria at huwag ang mga may dagdag na asukal o syrup. Ang tempeh, katulad ng miso, ay gawa sa soy protein na naglalaman ng probiotics. Ginagamit ng mga vegan ang tempeh bilang kapalit ng karne. Ang kombucha naman ay isang uri ng fermented na tsaa na tumutulong sa maayos na digestion.

  • Fiber - Mainam sa kalusugan ng digestive system ang mga pagkaing sagana sa dietary fiber. Ang dietary fiber, kilala rin bilang roughage o bulk, ay mga bahagi ng pagkaing halamang hindi natutunaw sa tiyan. Bagkus, dumadaan lang ito ng buo sa tiyan, maliit na bituka, at colon, at dahil dito ay nagiging epektibong lunas ang mga ito at pang-iwas sa constipation.

Ang fiber ay nakakatulong din sa pagpapanatili ng tamang timbang at pagpapabawas ng asido sa tiyan habang nagbibigay ginhawa sa pamamaga o panghahapdi nito. Ang mga halimbawa ng pagkaing sagana sa dietary fiber ay:

  • Oatmeal at iba pang produktong gawa sa whole grains;
  • Prutas gaya ng saging, mansanas, orange, mangga, at strawberries;
  • Gulay tulad ng carrots, broccoli, remolatsa o beets, sitaw, saluyot, malunggay, at alkatsopa o artichoke; at
  • Legumes gaya ng beans, gisantes, mani, lentehas, garbansos, at soybeans.

 

  • Vitamin A - Ayon sa mga pag-aaral, ang Vitamin A ay maaaring magpaliit sa mga ulcer ng tiyan at tumutulong din sa pag-iwas sa mga ito. Ang mga pagkaing sagana sa Vitamin A ay kamote, spinach, carrots, melon (cantaloupe), at beef liver.

 

  • Vitamin C - Dahil ang Vitamin C ay tumutulong sa pagprotekta ng katawan laban sa ulcer, mahalaga ang pagdagdag ng mga pagkaing mayroon nito sa araw-araw na diet. Malaki ang ginagampanan ng Vitamin C sa pagpapagaling ng sugat, kaya’t mainam ito para sa ulcer.

Mas malaki ang pagkakataong magkaroon ng ulcer kapag kulang ang katawan sa bitaminang ito. Ang mga pagkaing sagana sa Vitamin C ay citrus fruits tulad ng orange, lemon, at kalamansi; strawberries at kiwi; at mga gulay tulad ng red bell pepper, broccoli, at tomato.

Maling Pagkain

  • Gatas - Kontra sa karaniwang kaisipan, ang gatas ay hindi nakakatulong sa pag-iwas o pagpapaggaling ng ulcer. Maaari pa itong magpalala sa mga sintomas dahil nakakadagdag ito ng asido sa tiyan.

 

  • Alcohol - Ang alcohol sa alak ay nagdudulot ng iritasyon at pinsala sa digestive tract. Dahil dito, maaari nitong palalain ang ulcer. Kapag madalas nakakaranas ng pangangasim o paghapdi ng sikmura, limitahan ang pag-inom ng alak o iwasan na ito nang tuluyan.

 

  • Fatty foods - Bukod sa pinsalang dulot nito sa kalusugan ng puso, ang mga pagkaing puno ng taba at mantika ay mahirap tunawin sa tiyan. Maaari itong maging sanhi ng bloating at pangangasim o paghapdi ng tiyan. Bagama’t hindi madaling iwasan ito sa mga pangkaraniwang ulam, sikaping bawasan o iwasan ang mga pagkaing tulad ng fastfood, corn chips (chichirya), margarine, processed meats, at kahit anong pagkaing deep-fried o mamantika.

Bagama’t walang katibayan ang paniniwalang sanhi ng ulcer ang spicy food, tsokolate, at kape (caffeine), may mga taong nakakaranas ng sintomas dahil sa mga pagkaing ito.

Tandaan lamang na ang mga pagkaing ito ay hindi pamalit sa tamang gamot at treatment. Mainam pa rin ang payo ng doktor tungkol sa tamang diet na angkop sa inyong pangangailangan. Ang ulcer ay isang manageable na kondisyon at maaaring gumaling sa tamang kaalaman, disiplina, at alaga.

Sources:

https://www.webmd.com/digestive-disorders/understanding-ulcers-basic-information#1

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/peptic-ulcer/symptoms-causes/syc-20354223

https://www.webmd.com/digestive-disorders/ss/slideshow-stomach-ulcers-best-worst-foods

https://www.livestrong.com/article/282955-foods-that-heal-ulcers-and-gastritis/

https://www.livestrong.com/article/84910-foods-good-eat-ulcer/

https://www.webmd.com/cholesterol-management/features/fiber-groceries