Gamot sa Ulcer

December 20, 2018

Dahil sa sunod-sunod na kainan at selebrasyon ngayong holiday season, hindi na bagong makarinig ng pagdaing ng pagsakit ng tiyan. Gayunpaman, hindi lahat ng pananakit ng tiyan ay pare-pareho ang sanhi, at mainam na matukoy kung saang bahagi ng tiyan ang paghapdi at ano ang nag-trigger nito.

 

Ang ilan sa mga karaniwang uri ng sakit ng tiyan na maaaring maranasan sa handaan ay ang mga sumusunod:

 

  • Diarrhea – Ito ang pananakit ng tiyan na nagdudulot ng malambot, basa, at hiwa-hiwalay na dumi. Karaniwan, dala ito ng food allergy, lactose intolerance o ang pagiging sensitibo ng tiyan sa mga dairy product, gastroenteritis, at dyspepsia.

 

  • Constipation – Ito naman ang kondisyon ng digestive system kung saan nahihirapan maglabas ng dumi dahil sa sobrang tubig na na-absorb ng colon sa mga pagkain.

 

  • Dyspepsia – Tinatawag ding indigestion, ito ang sakit ng tiyan na pumipigil sa wastong pagtunaw ng pagkain. Nagdadala ito ng pagsusuka, diarrhea, pangangasim ng sikmura, at heartburn o acid reflux.

 

  • Hyperacidity – Mula sa pangalan ng kondisyon na ito, tumutukoy ito sa sakit ng tiyang sanhi ng labis na dami ng stomach acid. Dahil dito, maaaring mairita ang lalamunan at tiyan. Kapag nangyari ito, pwedeng magsimula ang tinatawag na ulcer.

 

Ano nga ba ang ulcer?

 

Ang ulcer ay anumang bukas na sugat sa loob o labas ng katawan. Galing ito sa hiwa o opening sa balat, organs, o mucous membrance na hindi na gumaling. Sa kondisyong tinatawag na peptic ulcer, ang sugat ay nakakaapekto sa tiyan at small intestines. Isang halimbawa nito ang gastric o stomach ulcer.

 

Ang stomach ulcer ay mga sugat sa lining tiyan na masakit at mahapdi. Kapag nabawasan ang makapal na layer ng mucous na nag-iingat sa tiyan mula sa matatapang na digestive juices o mga tagalusaw ng pagkain, nagdudulot ito ng pinsalang nagpapasimula ng stomach ulcer.

 

Gaya ng nabanggit, hindi lamang stomach acid ang dahilan ng pagkakaroon ng peptic ulcer. May mga nagsasabi na ang unhealthy diet, poor lifestyle, at masasamang bisyo ang nagdudulot nito. Pero ang tunay na salarin dito ay ang Helicobacter pylori o H. pylori bacteria. Napatunayan din na kung man ito resulta ng impeksyon ng H. pylori, ito ay dala ng matagalang paggamit ng nonsteroidal anti-inflammatory drugs o NSAIDs tulad ng ibuprofen.

 

Anu-ano ang mga sintomas ng ulcer?

 

undefined

Photo from Unsplash

 

 

Kapag hindi pa gaanong kalala ang stomach ulcer, hindi rin kapansin-pansin ang mga sintomas nito. Oras na nakakaranas na ng mga sumusunod na senyales, maaaring nangangahulugan itong lumulubha na ang ulcer:

 

  • Matinding pagsakit ng tiyan kapag nagugutom;
  • Paghapdi ng tiyan at sikmura;
  • Kawalan ng gana kumain nang dahil sa sakit;
  • Pananakit ng tiyan sa pagitan ng chest at pusod;
  • Mabilis na pagkabusog kahit wala pa gaanong nakakain;
  • Maitim na dumi;
  • Heartburn;
  • Pagiging sensitibo ng tiyan sa fatty o mamamantikang pagkain; at
  • Biglaang pagbagsak ng timbang.

 

Dahil dito, kung mayroong ulcer at sasabak sa handaan, maaaring makahadlang ito sa pag-kain nang maayos. Nakakaapekto rin ito sa pang-araw-araw na buhay dahil nalilimitahan nito ang normal na dami ng meals na kailangan para mabusog. Sa kabilang dako, maraming paraan para maiwasan ang pagsumpong nito.

 

Ano ang gamot sa ulcer?

 

Sa tulong ng pagsasagawa ng mga test, matutukoy kung mayroong ulcer at gaano na kalawak ang komplikasyon nito. Ito ang unang hakbang na maaaring gawin para gamutin ang stomach ulcer. Maaaring i-check ng doctor ang resulta ng blood at stool test para malaman kung mayroong infection mula sa H. pylori.

Mula sa nalaman sa mga test at medical history, pwedeng magreseta ang doktor ng ilang antibiotics para mapuksa ang impeksyong nagdala ng ulcer, kung ito nga ang matunton na sanhi. Ang mga gamot na kung tawagin ay proton pump inhibitors o PPIs ang pumipigil sa stomach cells na gumawa ng labis na acid para hindi na maargabyado ang ulcer.

Ilan sa mga kilalang mabisang gamot sa ulcer ang neutracid, omeprazole, at ranitidine.

 

undefined

Photo from Pixabay

undefined

Ang neutracid ay isang antacid at gamot para sa ulcer o hyperacidity na pwedeng inumin para sa mabilisang ginhawa mula sa mga sintomas ng stomach ulcer, lalo na ang labis na acid na inilalabas ng tiyan na nagpapahapdi rito. Kung wala namang ulcer sa tiyan, maaari pa rin itong inumin lalo na kung acidic ang isang tao. Ang pagiging acidic kasi ay nagpapataas ng risk ng pagkakaroon ng ulcer.

undefined

Isa pang gamot para sa ulcer ang omeprazole. Ang proton pump inhibitor na ito ay tumutulong na makapagbigay ng relief mula sa pagkaranas ng heartburn na dala ng labis na stomach acid na nakakapagpasakit lalo ng ulcer. Tandaan na ang heartburn na pwedeng gamutin ng omeprazole ay tumatagal dapat ng dalawa o mahigit na araw sa loob ng isang linggo.

undefined

Gamot sa acid sa tiyan din ang ranitidine, isang short-term treatment para sa ulcer sa tiyan, lalo na sa duodenum (parte ng intestine). Mabuti ito para sa ulcer na dala ng matagalang paggamit ng non-steroidal anti-inflammatory drug (NSAID). Depende sa sanhi at uri ng ulcer, ang doktor ang makakapagsabi kung ano ang tamang dosage ng gamot na ito.

 

Hindi lamang sa paggagamot makukuha ang paggaling mula sa ulcer. Nangangailangan din ng tamang diet, pag-iwas sa food triggers gaya ng maaanghang at acidic na pagkain, pagma-manage ng stress, at active lifestyle ang pagsugpo sa mga sintomas na dala ng ulcer. Magkaroon ng regular na check-up sa espesyalista gaya ng gastroenterologist para mabantayan ang kalagayan ng tiyan at iba pang parte ng katawan na maaaring maapektuhan ng ulcer.

 

Sources:

 

https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/diarrhea

https://www.ritemed.com.ph/articles/mga-solusyon-sa-constipation

https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/dyspepsia

https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/hyperacidity

https://www.healthline.com/health/stomach-ulcer-diet