Photo courtesy of Pixabay
Kung nakararanas ng pangangasim ng sikmura o pananakit sa bahaging itaas at gitna ng tiyan, o di kaya nama’y sa bandang kaliwa, maaaring ulcer o hyperacidity ang iyong nararamdaman. Ang hyperacidity ay kilala rin sa tawag na acid dyspepsia. Ito ay dulot na pagkakagasgas ng laman o lining ng sikmura dahil sa pagpapalipas ng pagkain na nagdudulot ng pagdami ng amount ng acids sa loob ng bituka.
Maraming maging uri ang ulcer, ang peptic ulcer ay ang pagkakaroon ng sugat sa mga pader ng bituka, tiyan, at esophagus na nagdudulot ng matinding sakit ng tiyan. Samantala, ito naman ay gastric ulcer kung nakaaapekto sa tiyan, duodenal ulcer kung ang kirot ay nasa unahang bahagi ng bituka, at esophageal ulcer naman kung sa esophagus. Ito ay madalas na dulot ng bacterial infection na Helicobacter pylori sa mga pader ng mga daluyan ng pagkain.
Basahin ang mga sumusunod na tips upang mapangalagaan ang mga taong may ulcer.
Maging maingat sa mga kinakain
Ipinapayo sa mga may ulcer na huwag masyadong magpapakabusog at huwag magpalipas ng gutom. Kumain lamang ng pakonti-konti pero madalas sa isang araw. Pumili ng masustansyang pagkain na madami sa prutas, gulat, at whole grains.
Samantala, umiwas sa mga mamantika, maaasim, at maaanghang na pagkain. Para naman sa mga inumin, umiwas sa kape, carbonated drinks at tantiyahin din ang pag-inom ng gatas. Bagamat hindi acidic ang kape, nag-i-stimulate naman ito ng pagdami ng acid production sa ating bituka. Para sa mga carbonated drinks, ito ay may halong carbonic acid na nagpapataas ng acidity level sa bituka lalo na kung ininom ito nang walang laman ang tiyan.
Sinasabi naman na ang gatas ay maaaring magparami rin ng acid sa sikmura. Mas makabubuting piliin na lamang ang yoghurt upang maibsan ang paghilab ng tiyan.
Photo courtesy of StockSnap via Pixabay
Limitahan ang pag-inom ng gamot
May mga gamot na nakakaapekto sa produksyon ng mucosa gel na nagpoprotekta sa inner surface ng bituka. Ang ilan sa mga ito ay mefenamic acid, aspirin, ibuprofen, at ketoprofen. Ang mga gamot na ito ay nararapat lamang inumin pagkatapos kumain.
Kapag sinisikmura sa paggamit ng aspirin, ihinto ang pag-inom nito at magpa-check na sa doktor.
Umiwas sa Alak at Sigarilyo
Ang sobrang pag-inom ng alak ay nakasisira ng mucous lining sa tiyan at bituka, ito ang nagsasanhi ng pamamaga at pagdudurugo, lalo na kung iinom nang walang laman ang tiyan. Samantala, pinapataas naman ng paninigarilyo ang asido ng tiyan.
Kontrolin ang stress
Ang labis na pagka-stress ay nakatataas din ng produksyon ng acid sa ating bituka. Kapag stressed ang isang tao, bumibilis din ang paggalaw ng bituka at small intestines na nagiging resulta ng pagkakagasgas nito.
Bagama’t hindi maiiwasan ang stress at tensyon, subukang kontrolin ito sa pamamagitan ng pag-e-exercise, pakikipag-socialize, at pagsusulat sa journal ng iyong mga problema at iniisip.
Photo courtesy of offthelefteye via Pixabay
Panatilihin ang kalinisan sa katawan at pagkain
Ugaliin ang paghuhugas ng kamay bago at matapos kumain upang maiwasan ang mga bacteria. Tiyakin ding malinis ang mga pagkain at lutuin itong mabuti.
Magluwag ng sinturon
Ang masikip na pantalon at sinturon ay maaaring magpataas ng pressure sa tiyan na nagsasanhi ng tummy ache. Dahil dito, mahihirapan bumaba ang ating kinain. Isa pa, huwag agad umupo o humiga matapos kumain; maglakad lakad muna para matunawan.
Ang mga inilahad na tips ay mga gabay lamang upang ma-kontrol ang ulcer, tandaan na mas makabubuti pa ring magpatingin sa doktor lalo na kung hindi nawawala ang sakit sa tiyan. Kung nagkaroon na ng dugo ang dumi o nakararanas na ng napakatinding sakit ng tiyan, pumunta na agad sa doktor.