Bagama’t pangkaraniwan ang sakit na tuberculosis o pulmonary TB sa mga bansang tropikal gaya ng Pilipinas, hindi biro ang madapuan ng karamdamang ito. Ito ay walang pinipiling edad at walang kinikilalang personalidad dahil ito ay nagmumula sa bacteria sa hangin na hindi madaling maiwasan.
Ang tuberculosis o TB ay maaaring humantong sa iba’t-ibang komplikasyon kung ito ay mapapabayaan. Gayunpaman, kung ito ay tututukan nang maigi, maaaring itong makontrol sa tulong ng medikasyon, pag-aalaga sa sarili at suporta mula sa mga mahal sa buhay.
Alamin sa gabay na ito kung paano mo matutulungan ang iyong mga mahal sa buhay na may TB nang hindi mahahawaan ng sakit na ito.
Protektahan ang Iyong Sarili Laban sa Tuberculosis
Lagi mong tatandaan na ang active TB ay nakahahawa. Bagama’t mahalaga na ikaw ay lubos na sumuporta sa iyong mahal sa buhay, mahalaga ring protektahan ang sarili upang hindi mahawa at nang patuloy mo silang maalagaan. Huwag kang mabahala dahil maraming proteksiyon upang makaiwas sa tuberculosis.
Ang bacteria ng pulmonary TB ay nakukuha mula sa air droplets kung kaya nakatutulong ang paggamit ng face mask o surgical mask lalo na kung matagal ang iyong contact sa kamag-anak na mayroong ganitong sakit. Sa tulong ng mga mask na ito, hindi makapapasok sa iyong katawan ang bacteria kapag sila ay umuubo at humahatsing.
Obserbahan ang Kalinisan
Maaari mahawaan ng TB sa pamamagitan ng physical contact kaya maiging maghugas ng kamay bago at pagkatapos alagaan ang may sakit. Maligo kung kinakailangan para siguradong maalis ang mga bateria na kumapit sa katawan. Palitan din ang surgical mask pagkatapos gamitin.
Sa pagtulog, mas mainam kung may sariling kuwarto ang may sakit. Iwasang itabi sa kanila ang mga bata at mga senior citizens dahil mas mahina ang resistensya nila at mas madali silang mahahawaan. Siguraduhin ding ang kuwarto ng may sakit ay may sapat na daluyan ng hangin, bentilador at bintana upang hindi makulob sa loob ang bacteria sa hangin.
Kung Nangangamba sa Pagkahawa, Maiging Magpa-skin Test
Ginagawa ang pagsusuring ito upang malaman kung ikaw ay nahawaan ng TB. Kapag mas maaga itong natuklasan, mas madali rin itong mapananatiling latent o hindi mapanganib. Kayang pigilan ng healthy immune system ang pagiging active ng bacteria.
Para sa mga sanggol at mga batang edad 16 pababa, ipabakuna sila ng BCG upang maiwasan ang pagkakaroon ng TB. Palalakasin nito ang kanilang resistensya para malabanan ang bacteria.
Paano Ko Matutulungan ang Aking Kamag-anak na Mayroong TB?
Photo from Pixabay
Kung kayo ay nakatira sa iisang bahay, maaari mong matulungan at matutukan ang mga kaanak sa pag-inom ng gamot. Tandaan na ang pagiging epektibo ng mga gamot ay nakasalalay sa tamang pag-inom nito. Ang proseso ay karaniwang umaabot ng 6-9 na buwan, kaya matinding pasensya at pagmamalasakit ang kinakailangan.
Sundin nang Maigi ang DOTS Program
Upang mapadali ang management ng tuberculosis, ang Department of Health, sa tulong ng World Health Organization, ay may itinaguyod na programa -- ang Directly Observed Treatment Short Course (DOTS) Program. Dahil dito, maaari kang makakuha ng mga gamot sa TB sa mga malalapit na health center at kaalyadong ospital. Maaari ring ipasuri ang kaanak upang makita ang estado ng sakit at kung bumubuti ang kanilang kondisyon. Makakakuha ka rin ng mga dagdag na gabay sa mga espesyalista sa pagamutan.
Alinsunod sa mga payo ng DOTS Program, dapat laging paalalahanan ang may sakit tungkol sa kanyang mga gamot upang hindi ito makalimutan.
Magkaroon ng Mahabang Pasensya at Tunay na Malasakit
Photo from Pixabay
Maaaring maging mainipin at iritable sa pag-inom ng maraming gamot ang pasyente dahil matagal gamutin ang pulmonary TB. Ugaliin ang pagiging mahinahon sa mga panahong ito upang maramdaman nila ang iyong suporta. Isipin na ang mga gamot ay parte lamang ng paggamot sa kanilang karamdaman dahil mahalaga rin ang iyong tulong at pagmamahal sa kanila.
Laging tandaan na nagdudulot ng stress at depression ang pagkakaroon ng tuberculosis dahil matagal na isolated ang pasyente sa iba pa niyang mahal sa buhay at sa kaniyang mga nakasanayang gawain. Ilagay ang sarili sa kaniyang kondisyon upang maintindihan ang ating mahal sa buhay.
Kausapin ang may sakit nang mayroong tunay na malasakit. Iparamdam sa kanya na ikaw ay nasa kanyang tabi upang sumuporta at alagaan siya hanggang sa kanyang paggaling. Malaking tulong ito sa may sakit sapagkat maiibsan ang kanyang nararamdamang sakit.
Upang mapasaya ang bawat araw ng treatment process, maaari kang magsalaysay ng magagandang alaala, nakatutuwang kuwento at mga bagay na inyong gagawin kapag ang TB niya ay tuluyan nang nawala. Mabibigyan ang pasyente ng dagdag na lakas, pasensya at determinasyon na tapusin ang schedule ng pag-inom ng gamot dahil dito.
Maaaring may side effect ang mga gamot sa pasyente kaya kailangang i-monitor nang maigi ang kaniyang kalagayan pagkatapos uminom ng gamot. Kung siya ay nagsuka o nakaramdam ng panlalabo ng mata, pagkahilo o pananakit ng tiyan, huwag mag-atubiling dalhin ang pasyente sa pinakamalapit na health center o ospital.
Ang pagkakaroon ng TB ay isang pagsubok na dumarating sa isang pamilya ngunit gaya ng ibang mga dagok sa buhay, kaya itong malabanan at malampasan. Ang iyong wastong pag-aalaga ay higit na makatutulong sa iyong mahal sa buhay laban sa tuberculosis.