Myths and Facts Tungkol sa Tuberculosis

August 07, 2017

Tuwing Agosto, ipinagdiriwang ang National Tuberculosis Awareness Month. Ang Tuberculosis o mas kilala sa tawag na TB ay ang pang-walong sakit na nagiging sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino, ayon sa 2016 Philippine Health Statistics. Noong 2015, 14,000 na Pilipino ang namamatay dahil sa TB habang 4.8 milyon naman ang dinadapuan nito. Base sa datos ng World Health Organization, 5,000 katao sa buong mundo ang pinapatay ng TB araw-araw. Ang India ang may pinakamataas na bilang ng kaso ng TB. Sa katunayan, dalawang tao ang namamatay kada tatlong minuto dahil sa karamdamang ito.

 

Ano ang TB?

 

Ang Tuberculosis ay isang nakakahawang karamdaman na dulot ng airborne bacteria na Mycobacterium tuberculosis. Nakaka-apekto ito sa baga at iba pang organs ng katawan. Ito ay nagagamot at maaaring maiwasan.

 

Madaming mga haka-haka tungkol sa sakit na ito. Narito ang iilan sa mga misconception tungkol sa Tuberculosis:

 

  1. Myth: Ang TB ay namamana

 

Fact: Ang Tuberculosis ay nakakahawa ngunit hindi namamana dahil ito ay sanhi ng bacteria. Kumakalat ang airborne bacteria na ito kapag ang taong may TB ay umubo, tumawa, o bumahing at naglabas ng malilit na infected particles sa hangin. Walang kinalaman ang genetics sa pagpapasa at pagkahawa ng TB.

 

  1. Myth: Ang TB ay madaling nakakahawa

 

Fact: Hindi ito madaling maipasa sa tao. Kailangan malapit at matagal na kasama ang pasyente na naglalabas ng germs sa hangin para mahawa.

 

  1. Myth: Ang TB ay sakit ng mahihirap

 

Fact: Kahit sino, mayaman man o mahirap ay maaaring magkaroon ng TB. Dahil sa hangin naipapasa ang bacteria, walang hindi pwedeng mahawa. Ayon sa pag-aaral, mataas ang risk ng mga mahihirap na dapuan ng TB dahil sa iba't-ibang factors gaya ng kapaligiran, kaalaman at kalusugan.

 

  1. Myth: Ang TB ay nakamamatay

 

Fact: Ang karamdamang ito ay nagagamot lalo na kung agad na magpapakonsulta at sasailalim sa tamang medication at treatment na tumatagal ng anim hanggang siyam na buwan. Mahalagang malaman agad kung may TB bacteria na sa katawan upang mapigilan ang pagkalat nito.

 

  1. Myth: Ang TB ay dulot ng sobrang paninigarilyo

 

 

undefined

 

 

Fact: Ang paninigarilyo ay pinapataas ang tsansang magkaroon ng Tuberculosis ang isang tao. Ayon sa pag-aaral, ang mga pasyenteng dating may TB at gumaling na na ngayon ay regular na naninigarilyo ay doble ang risk magkaroon ulit nito.

 

  1. Myth: Baga lang ang apektado ng Tuberculosis

 

Fact: Ang TB ay maaaring makaapekto sa iba't-ibang organ sa katawan gaya ng utak, spinal cord, bituka, mata at puso. Ang baga at lymph nodes ang karaniwang tinatamaan nito.

 

  1. Myth: Ang Tuberculosis infection ay nagreresulta sa Tuberculosis disease

 

Fact: Hindi lahat ng taong infected ng Tuberculosis ay maaaring magkaroon ng TB disease. Mayroong taong malakas ang resistensya at napapatay agad ang bacteria bago pa ito kumalat at dumami. Kaya't mahalagang maging malusog para makaiwas sa mga sakit gaya ng TB.
 

Dapat tandaan na maaaring magkaroon ng side effects ang mga gamot para sa TB, kaya't ang Department of Health ay pinalalakas ang programa nilang TB DOTS o Directly Observed Treatment. Sa ilalim nito, ang pasyente ay dapat uminom ng gamot sa harap ng partner para hindi nila makalimutan. Sa pamamagitan din nito, maiiwasang magkaroon ng drug-resistant na TB.

 

Paano makakaiwas sa TB?

 

Importanteng palakasin ang resistensya ng katawan para kahit madapuan ng bacteria ay kaya itong labanan ng katawan at maiwasan ang pagkalat. Kumain ng masusutansyang pagkain at mag-ehersisyo. Maaari ring magpaba-bakuna laban sa Tuberculosis. Kadalasang binibigay ito sa mga sanggol o maliliit na bata. Kung mayroong TB, mahalagang magkaroon ng proper hygiene sa pag-ubo para hindi makahawa ng ibang tao.
 

 

Sources: