Mga Pagkain Para sa Magandang Ngipin

February 03, 2016

Mga Pagkain Para sa Magandang Ngipin (36)

 

Meta Description: Maliban sa tamang pagsisipilyo at pag-aalaga sa ating ngipin, mainam na malaman din natin kung anu-ano ang mga pagkaing magpapaganda at magpapatibay dito. (154)

 

Photo Courtesy of terimakasih0 via Pixabay

 

Isang mahalagang parte ng mukha ay ang ngipin ngunit madali itong masira dahil ito ang parating ginagamit sa pagnguya. Ang tooth cavity o sira sa ngipin ay puwedeng magkaroon ng abscess o pamamaga na maaaring magkanana. Masakit magkaroon ng impeksyon sa ngipin at maaari nitong maaapektuhan ang ating araw-araw na gawain. Para sa marami, ang pag-asa na lamang ay uminom ng mefenamic acid o gamot para  sa pain relief.


 

​​​​​​​

Photo courtesy of stevepb via Pixabay

 

Mga Pagkain Para Panatilihing Malinis ang Ngipin

 

Sa pagdiriwang ng National Dental Health Week ngayong Pebrero 3-9, simulang piliin ang iyong mga kinakain upang lalong mapangalagaan ang iyong ngipin. Ang mga sumusunod na pagkain ay ilan lang sa mga pagkaing kailangan para sa matibay at malusog na ngipin:

 

A. Tsaa

Ang tsaa ay may mga kemikal na nakapagpapabagal sa paglaganap ng bacteria na nagiging sanhi ng cavity at sakit sa gilagid. Sinasabing ang pagmumumog ng tsaa sa loob ng isang minuto ay mas mabisa sa pagbabawas ng plaque sa ngipin kumpara sa pagmumog lamang ng tubig. Ang pagmumog din ng tsaa ay nakababawas sa kakayahan ng plaque na kumapit sa ngipin. Ito rin ay maaaring makapagpaalis ng bacteria na nagiging sanhi ng pagkabaho ng hininga.

 

B. Keso

Ang keso ay mabisang paraan para mabawasan ang acid sa bibig na nagpapahina sa ngipin. Mas mabisa na nginunguya ang keso dahil dumadami ang produksyon ng laway sa pagnguya. Makatutulong ito sa pag-alis ng bacteria. Ang keso ay may protina, calcium at iba pang sangkap na nagpapatibay sa enamel o tissue na nagtatanggol sa buong ngipin. Mayaman din ang keso sa calcium na nagpapatibay sa ngipin.

 

C. Pasas

Ang pasas ay natural na matamis at walang asukal na tumutulong sa bacteria na kumapit sa ngipin na nagiging sanhi ng plaque. Sa pagkain ng pasas, maaaring mabawasan ang paghahanap ng ating katawan sa mga matatamis na pagkain. Ang pasas din ay mayroong sangkap na maaaring pumatay sa bacteria na nagiging sanhi ng cavity at sakit sa gilagid.

 

D. Mga Pagkaing Malulutong

Ang mga pagkaing malulutong tulad ng mansanas, carrot, kintsay at pipino ay kailangang nguyain nang mabuti upang mabaklas ang plaque na dumikit na sa ating ngipin. Ang mga pira-pirasong parte ng ating kinakain ay maaari ring magsilbing walis na naglilinis sa ating ngipin.  Ang kintsay naman ay mayaman sa bitamina A at B na nagpapatibay ng gilagid.

 

E. Karne, Itlog at Isda

Ang karne, itlog at isda ay may mga sangkap na tumutulong sa pagpapalakas ng enamel ng ngipin. Ang mga pagkain at inuming mataas sa acid ay maaaring magdulot ng mga maliliit na crack at butas sa ngipin. Ang mga mineral na calcium at phosphate na matatagpuan sa karne, itlog at isda ay nakapagpapatibay ng ngipin, buto at panga.

 

F. Madadahong Gulay

Hindi maaaring mawala sa listahan ng mga pagkaing dapat kainin ang gulay. Ang mga madadahong gulay ay punong-puno ng bitamina at mineral na nagpapatibay ng katawan. Ang mga gulay na mayaman sa calcium ay dapat kainin sa pagpapatibay ng ngipin. Ang mga madadahong gulay ay puno rin ng folic acid, at bitamina B na nakatutulong magpagaling sa sakit sa gilagid lalong lalo na sa mga buntis.

 

G. Gatas

Ang pag-inom ng isang basong gatas ay mabisa sa pagpapababa ng dami ng acid sa bibig. Ang gatas din ay mayaman sa calcium na nagpapatibay ng ngipin.

 

Pangangalaga sa Ngipin

 

Maliban sa pagkain sa mga nakasulat sa itaas, mahalagang pagtibayin ang depensa ng ngipin laban sa impeksyon sa pamamagitan ng mga sumusunod:

 

1. Tama at Regular na Pagsisipilyo

Marami nang naisulat tungkol sa tamang pagsisipilyo. Hindi dapat mabigat ang kamay kapag nagsisipilyo sapagka’t ito ay maaaring magdulot ng stress sa ngipin at magtanggal sa enamel. Ang mabigat na kamay sa pagsisipilyo ay maaaring magpanipis ng enamel na nagiging sanhi upang madaling kumapit ang mga bacteria.

 

Ang tamang pagsipilyo ay dapat sumunod sa direksyon ng mga ngipin. Pataas-pababa dapat ang direksyon para matanggal ng toothbrush ang mga dumi sa pagitan ng mga ngipin. Paikot-ikot naman para malinis ang ibabaw ng ngipin para maalis ang maaring pagmulan ng mantsa sa ngipin.

 

2. Gumamit ng Dental Floss at Mouthwash

Hindi nakasanayan ng maraming Pilipino ang paggamit ng dental floss o ang manipis na lubid na maaaring ilagay sa pagitan ng ngipin upang alisin ang mga natitirang tinga na hindi abot ng toothbrush.

 

Ang pagmumog ng mouthwash ay makatutulong sa pag-alis ng mga natitirang bacteria sa loob ng bibig na maaaring magdulot ng pagkasira.

 

3. Regular na Pagbisita sa Dentista

Mahalaga ring ugaliin ang pagbisita sa dentist para sa dental appointment. Mapapaalalahanan tayo kung ano pa ang mga kailangang gawin para mapanatiling malusog ang ating ngipin. Dito rin maaagapan ang mga ngiping nagsisimula nang masira sa pamamagitan ng paglalagay ng pasta (dental fillings). Maaari nitong pigilan ang bacteria na tuluyang sirain ang ngipin at ang mga katabi nito.

 

Alam nating lahat kung gaano kahalaga ang ngipin subalit kadalasan, ito ay hindi nabibigyan ng pansin at karampatang kahalagahan dahil sa kapabayaan. Sa pagdiriwang ng National Dental Health Week, sana ay bigyan natin ng panahon ang pangangalaga ng ating ngipin para sa mas magandang ngiti at mas magandang kalusugan.

 

Photo courtesy of condesign via Pixabay