Tuwing tag-ulan, tila tumataas ang bilang ng mga maysakit. Madalas ay ginagawan natin ng koneksyon ang rainy season and health dahil dito. Bagama’t hindi totoo na direktang nakukuha sa ulan ang sakit, malakas pa rin ang paniniwala na kailangang umiwas na mabasa ng ulan para hindi makakuha ng karamdaman sa panahon ng tag-ulan. Sa katunayan, nagkakataon lang na lumalakas ang ilang viruses sa malamig at basa na panahon kaya mas dumadami ang nagkakaroon ng sakit kapag rainy season.
Kahit ganito ang realidad ng pagkakasakit tuwing tag-ulan, hindi dapat ipinagwawalang-bahala ang rainy season diseases. Ang exposure sa masamang lagay ng panahon at sa mga epekto nito gaya ng baha, pagdami ng lamok, at pagdumi ng paligid ang talagang nakakaapekto sa kalusugan.
Para maingatan ang pamilya at sarili mula sa karamdaman sa panahon ng tag-ulan, maging maalam at alerto sa kung ano ang mga ito, mga sintomas na kanilang dala, at mga paraan upang makaiwas mula sa sakit.
- Ubo at Sipon – Dala ng rhinoviruses, ang sipon ay kadalasang nag-uumpisa sa pamamaga ng lalamunan na nagreresulta sa runny nose. Kapag tumagal ang sipon, maaari na ring mag-umpisa ang ubo. Madalas mang makuha ang mga ito kahit hindi tag-ulan, mainam pa rin na maagapan ito agad.
Mga sintomas:
- Pagkakaroon ng plema at uhog;
- Sakit ng ulo;
- Lagnat;
- Pagiging hirap sa paghinga;
- Pagkati at pananakit ng lalamunan; at
- Pagsakit ng dibdib.
Tips para makaiwas:
- Umiwas sa mga taong may sipon at ubo. Magtakip ng ilong gamit ang panyo o face mask lalo na kung bumabyahe o naglalakad sa labas habang umuulan.
- Tumigil sa paninigarilyo o umiwas sa mga taong gumagawa ng ganitong bisyo. Nakakaapekto ang usok at nicotine nito para lalong lumala ang ubo at sipon.
- Ugaliing maghugas ng kamay bago at pagkatapos kumain, o kaya naman ay matapos makihalubilo sa iba’t ibang tao.
- Iwasang magpahiram ng personal na mga gamit gaya ng baso, kubyertos, o towel para mapigilan ang paglipat ng germs at viruses.
- Dengue fever – Ang sakit na ito ay dala ng lamok na Aedes aegypti. Kapag napuno ng tubig-ulan ang mga sulok at paligid ng bahay na hindi masyadong napupuntahan, nalilinis, at nagagalaw, maaari itong pamahayan ng dengue carrier na mosquitoes. Ang lamok din na ito ang nagsasanhi ng chikungunya, Zika fever, at yellow fever kaya ibayong pag-iingat ang kailangan lalo na sa mga bata na mahilig mag-outdoor play sa lugar na malamok gaya ng talahiban.
Photo from Unsplash
Mga sintomas:
- Mataas na lagnat na tumatagal mula dalawa hanggang pitong araw;
- Red rashes o mga pulang pantal sa mukha at ibang parte ng katawan;
- Pananakit ng tiyan;
- Panghihina o overfatigue;
- Pagsusuka;
- Pagkahilo; at
- Pagdurugo ng ilong, galagid, o tenga.
Tips para makaiwas:
- Linisin ang mga gutter, mga sulok, container, paso, at iba pang lugar sa bahay na maaaring nakapag-ipon ng tubig-ulan na stagnant. Siguraduhin din na walang bara ang mga alulod at iba pang lagusan ng tubig para walang mabahayan ang dengue carrier mosquitoes.
- Panatilihing nakasara ang mga pinto at bintana kung tag-ulan para hindi makapasok ang mga lamok. Mainam din kung maglalagay ng screen sa mga ito.
- Ipinapayo rin na mag-apply ng mosquito repellents lalo na kung lalabas ng bahay.
- Iwasang magsuot ng mga damit na mag-eexpose ng balat para hindi makagat ng lamok.
- Gumamit ng kulambo o mosquito net, katol o mosquito coil, at citronella scents o mga kandila.
- Influenza – Isa sa kinikilalang karamdaman sa panahon ng tag-ulan ang flu o trangkaso na dala ng influenza A B o C na virus sa respiratory tract. Ito ay nagsasanhi ng impeksyon na nakakaapekto sa ilong, lalamunan, at baga.
Mga sintomas:
- Mababa hanggang mataas na lagnat na madalas umaabot mula isa hanggang tatlong araw;
- Sipon, ubo, o pagsakit ng lalamunan;
- Panghihina ng katawan;
- Pananakit ng katawan;
- Sakit ng ulo at pagkahilo;
- Pagsusuka; at
- Panlalamig ng katawan.
Tips para makaiwas:
- Ugaliing uminom ng ascorbic acid araw-araw para tumaas ang proteksyon ng katawan mula sa sakit.
- Siguraduhin na nakukumpleto ang pag-inom ng walong baso ng tubig sa isang araw para manatiling hydrated ang katawan.
- Lumayo muna sa mga taong nagpapakita ng sintomas ng flu.
- Magtakip ng ilong at bibig gamit ang panyo o facial mask lalo na kung nasa mataong lugar.
- Hangga’t maaari, magpa-flu vaccine taon-taon.
- Leptospirosis – Ang sakit na ito ay isa sa rainy season diseases na laganap sa bansa dahil na rin sa madalas na pagbaha sa ilang mga lugar. Ito ay dala ng leptospira bacteria na madalas matatagpuan sa ihi ng hayop, at hindi lamang sa ihi o dumi ng daga ayon sa popular na opinyon. Kasama sa mga hayop na maaaring maging carrier niyo ay ang baka, baboy, at aso.
Photo from Unsplash
Mga sintomas:
- Mataas na lagnat;
- Pamamantal ng balat;
- Pamumula ng balat;
- Panginginig;
- Headache;
- Ubo;
- Pagtatae; at
- Pagsakit ng mga kalamnan lalo na sa hita at likod.
Tips para makaiwas:
- Huwag lumusong sa baha o sa mga lugar na may naipong tubig lalo na kung ito ay nasa kalsada o sa areas na may mga hayop sa paligid.
- Kung kinakailangan talagang lumusong o dumaan sa baha, siguraduhing magsuot ng proteksyon gaya ng bota at gloves. Tandaan ding takpan nang mabuti ang anumang open wound na maaaring ma-expose sa kontaminadong tubig dahil ito ang kadalasang nagiging pasukan ng leptospira bacteria.
- Panatilihing malinis ang paligid kahit maulan. Kung posible, buhusan ng tubig na may sabon ang bakuran at walisin palabas ng inyong lugar ang mga tubig na naipon mula sa ulan.
- Water-borne diseases – Ang grupo ng karamdaman sa panahon ng tag-ulan na ito ay nakukuha mula sa kontaminadong tubig na nakokonsumo. Kasama na rito ang cholera, diarrhea, at Hepatitis A, na madalas ay nakukuha rin sa pagkain na kontaminado ng ihi o dumi ng tao.
Mga sintomas:
- Pananakit ng tiyan;
- Madalas na pagdumi na kadalasan ay mamasa-masa at makalat;
- Pagsusuka;
- Lagnat;
- Panghihina; at
- Dehydration.
Tips para makaiwas:
- Uminom lamang ng safe at malinis na tubig mula sa mapagkakatiwalaang sources. Kung hindi nakakasigurado at walang access sa malinis na drinking water dahil sa kalamidad, pakuluin muna ang tubig ng 1-2 minutes.
- Ingatan ang mga pagkain at inumin mula sa mga insekto ay daga.
- Maghugas ng kamay bago magluto, kumain, o gumawa ng iba pang activities.
- Tiyakin na naihanda at naluto nang maayos ang pagkain para maiwasan ang contamination nito.
Hindi man mapipigilan ang pag-ulan, marami namang pwedeng gawin para maiwasan ang rainy season diseases. Tiyakin na magpakonsulta sa doktor kung ang mga sintomas ay lumalala na para mabigyan na ng tamang treatment. Isa pa rin sa pinakamahusay na paraan para makaiwas sa mga ito ay ang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan sa pamamagitan ng healthy at active na lifestyle.
Sources:
https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/cough
https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/flu
https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/leptospirosis
https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/diarrhea
https://www.ritemed.com.ph/articles/tamang-pag-alaga-sa-taong-may-dengue?utm_source=Google&utm_medium=Paid%20Search&utm_campaign=Dengue
https://www.rappler.com/nation/183043-doh-tips-common-rainy-season-diseases-prevention
http://www.m2comms.com/blog/2018/6/11/top-10-rainy-season-diseases
https://www.fwd.com.ph/en/live/all_topics/all_articles/7-most-common-rainy-day-illnesses/