Summer na naman at siguradong marami sa atin ay naghahanda para magbakasyon. Madalas gawin ng karamihan sa atin ay ang pagkuha ng mga larawan at pagtikim sa mga masasarap na pagkain habang nagsasaya. Sa gitna ng isang masayang bakasyon, nauudlot ang kaligayahan pag nagsimula nang humilab ang tiyan. Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang ating tiyan ay madaling madapuan ng mga karamdaman tulad ng diarrhea, dyspepsia at irritable bowel syndrome (IBS).
Paano nga ba natin maiiwasan ang mga karamdamang ito ngayong tag-init? Basahin ang mga sumusunod na tips para sa isang mas malakas at healthy na tiyan.
Hugasan nang Maigi ang mga Kamay
Dahil sa pamamawis, madaling nakadadampot ang kamay ng mga mikrobyong nagdudulot ng loose bowel movement o LBM. Hindi pa namang maiiwasang hawakan ang sari-saring bagay pag bumibisita sa mga sikat na tourist spots. Upang makasiguro sa iyong kalusugan, ugaliing maghugas ng kamay bago kumain at matapos ang tour.
Sa paghuhugas, gumamit ng sabon at isalang ang kamay sa running water nang hindi bababa ng 20 seconds, lalo na pagkatapos gumamit ng pampublikong banyo. Tiyakin na malinis ang kuko at lahat ng sulok ng mga daliri.
Huwag Lunukin ang Tubig sa Swimming Pool
Ang swimming pool ay karaniwang puntahan ng mga bakasyonista tuwing tag-araw. Lubos ang ginhawang nakukuha sa paglangoy at pagtampisaw sa tubig. Gayunpaman, maaaring magkaroon ng gastroenteritis o stomach flu kapag nakalunok ng tubig mula sa swimming pool.
Ang virus at mga bacteria na nagdadala ng sakit na ito ay nanggagaling sa puwit ng tao at mabilis na kumakalat sa swimming pool. Kapag ikaw ay nakalunok ng kontaminadong tubig o pagkain, ito ay magdudulot ng matinding diarrhea.
Upang maiwasan ang sakit, huwag lulunukin ang tubig sa swimming pool at beach. Maligo nang maigi pagkatapos mag-swimming at siguraduhing malinis ang mga kamay bago kumain.
Iwasan ang Labis na Pagkain
Photo from Pixabay
Ang tiyan na maselan ay sensitibo sa iba’t-ibang uri ng pagkain. Kung minsan, ang labis na pagkain sa mga putaheng masagana sa mantika at mataas ang acidity ay nagdudulot ng IBS, na nagdadala ng LBM, stomach ache, at constipation. Karamihan pa naman sa mga masasarap na Filipino food ay nakababad sa mantika o niluluto gamit nito.
Upang maiwasan ang karamdaman, limitahan ang konsumo ng pagkain, lalo na ang matatabang putahe at mga acidic na pagkain at inumin tulad ng kape, kamatis, at soft drinks. Bukod sa IBS, ang labis na pagkain ay maaaring magdulot ng dyspepsia o indigestion. Matutong kontrolin ang appetite upang hindi maparami ang kain.
Hugasan ang Hilaw na Gulay at Prutas
Hugasan nang mabuti ang mga hilaw na prutas at gulay bago kainin. Minsan tumitira ang mga mikrobyong nagsasanhi ng diarrhea, IBS at gastroenteritis sa balat nga mga ito. Pagkatapos hugasan, balatan ang prutas at alisin ang panlabas na dahon ng gulay para makasiguradong ito ay malinis.
Uminom ng Maraming Tubig
Photo from Pixabay
Tuwing tag-init, mahalagang uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang dehydration. Sanayin ang sariling uminom ng di kukulang sa walong baso kada araw. Siguraduhing malinis ang iniinom, dahil baka mayroon itong mikrobyong nagdadala ng LBM. Maaari ding uminom ng fruit juice upang makakuha ng sapat na vitamin C at antioxidants.
Mag-Ingat sa Pag-Iimbak ng Pagkain
Ang mataas na temperatura ng summer ay nakabibilis ng pagkasira ng pagkain, lalo na pag ito ay nakulob sa lalagyan. Pinabibilis ng init ang pagdami ng bacteria sa pagkain, na siyang nagdudulot ng pagkapanis. Ang panis na pagkain ay nagdudulot ng diarrhea at iba pang sakit.
Upang maging ligtas, huwag paaabutin ng 2 oras ang pagkain sa labas ng refrigerator sapagkat ito ay magdudulot ng pagkapit ng mikrobyo.
Ngayong natalakay na natin ang mga bagay na dapat gawin at mga sitwasyon na dapat iwasan, halina at mag-enjoy ngayong tag-araw. Isama na lamang ang pag-iingat at pagiging malinis sa katawan sa iyong agenda upang maging ligtas sa sakit.
Tandaan na mabuting kumonsulta sa inyong doktor kung sakaling kayo ay may nararamdaman upang mabigyan ng tamang lunas ang inyong sakit.