Paano aalagaan ang may mga sakit?

May 04, 2016

Photo Courtesy of pixabay.com via Pexels


 

Ang kalusugan ay nararapat lamang na pangalagaan. Ayon sa World Health Organization o mas kilala bilang WHO, ang kalusugan ay ang estado ng kumpletong pisikal, mental at sosyal na pagkatao at hindi lamang ang kawalan ng sakit o kahinaan ng ating katawan.

 

Maraming pamamaraan kung papaano maiiwasan ang pagkakaroon ng sakit. Ilan na rito ay ang pagkain ng masusustansyang pagkain, pag-eehersisyo, pag-iwas sa stres,s at pagtulog ng 8-10 oras kada araw. Importanteng malusog ang pangangatawan upang malabanan at maiwasan ang mga sakit na maaaring makuha sa labas at loob ng bahay.

 

May mga ilang indibidwal na sa kabila ng pagkakaroon ng malusog na pamumuha ay hindi pa rin naiiwasan ang pagkakaroon ng sakit. Sa oras na bumaba ang immune system ng ating katawan, mas mataas ang posibilidad na tayo ay mahawa o makasagap ng viruses.

 

Maaaring naranasan mo na ring magkasakit at maramdaman kung gaano kahirap ang pakiramdam ng isang may sakit. Marahil nasubukan mo nang magbantay at mag-alaga ng may sakit tulad ni bunso o kaya naman ng inyong mga magulang ngunit natanong mo na ba sa iyong sarili kung tama nga kaya ang paraan ng iyong pag-aalaga? Para naman sa mga hindi pa nakararanas na mag-alaga, paano nga kaya alagaan ang mga may sakit? Basahin ang mga sumusunod upang malaman kung paano ang tamang pag alaga ng may sakit.

  1. Siguraduhing komportable ang taong may sakit

    Ang lugar kung saan nagpapahinga ang may sakit ay dapat komportable at tahimik.

Siguraduhing well-ventilated ang pwesto na pinagpapahingan ng may sakit. Maghanda ng kumot o electric fan kung sakaling lamigin o mainitan ito. Tiyaking malinis ang paghihigaan ng may sakit dahil ang mga alikabok ay maaaring makadagdag sa mga sintomas na kanyang nararanasan.


 

glasses-933582_960_720.jpg

Photo Courtesy of tookapic via Pixabay

 

2. Painumin ng tubig

    Siguraduhing painumin ng sapat na tubig ang may sakit upang maiwasan ang dehydration. Sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig maaaring matanggal ang mga toxins at makatulong ito mapakilos ng normal ang katawan. Maliban sa tubig, maaari ring painumin ang may sakit ng mga healthy juices, tsaa, at mainit na sabaw na madaling lunukin ng taong may sakit.

3. Linisin ang katawan

    Importanteng mapanatiling malinis ang katawan ng taong may sakit. Maaaring paliguan ang may sakit gamit ang maligamgam na tubig at telang pangkuskos. Kailangan panatilihing malinis at mapresko ang katawan upang matanggal ang mga mikrobyo at iwasan ang paglala pa lalo ng karamdaman.

 

food-salad-healthy-vegetables-large.jpg

Photo Courtesy of pixabay.com via Pexels

 

4. Pakainin ng masustansyang pagkain

Kadalasan ay walang ganang kumain ang mga may sakit dahil sa kawalan ng panlasa o hirap sa pag lunok ang mga ito ngunit nararapat paring pakainin sila ng masusustansya upang makuha ang mga nutrients na kinakailangan para lumakas ang kanilang immune system at malabanan ang sakit. Para sa hirap sa pag lunok ay maaaring durugin ang pagkain o di kaya’y pakainin ng malalambot na pagkain gaya ng oatmeal at lugaw.

5. Painumin ng gamot

May mga gamot para sa ibang mga sakit na maaaring mabili over the counter. Para sa iba pang klase ng sakit ay mabuting humingi ng payo sa doktor at makakuha ng reseta para sa gamot na bibilhin. Importanteng sunding ang payo ng doktor tungkol sa oras at dami ng pag inom ng gamot. Kung nahihirapang painumin ng gamot ang may sakit, maaaring durugin at ihalo ang gamot sa mga pagkain o inumin.

6. Patulugin ng tama

Siguraduhing nakakapag pahinga at nakakatulog ng tama ang taong iyong inaalagaan. Ang pagtulog ay isa sa mabisang paraan upang mabalik ang dating lakas at resistansya ng taong may sakit.


Ang pag-aarugang natatanggap ng may sakit ay may malaking parte sa kanyang paggaling. Ang klase ng pag-aalaga ay naaayon sa klase ng sakit na natamo. Kung sa iyong palagay ay wala kang sapat na kakayanang mag alaga ng may sakit, marapatin na lamang ipaubaya ito sa mga taong may kaalaman dito.