Summer ang pinakamainit na panahon sa isang taon. Sa Pilipinas, ang summer months ay karaniwang nagtatagal mula Marso hanggang Mayo.
Dahil sa pagtaas ng temperatura tuwing summer season, mas nagiging karaniwan ang pagkalat ng mga sakit. Narito ang ilan sa mga summer diseases na maaaring makuha at kung paano sila maiiwasan:
- Heat Stroke - Ang heat stroke ay isang malalang summer illness na nangyayari kapag nasobrahan sa init ang katawan at hindi ito makapagpalamig. Maaaring hindi mailabas ng katawan ang sobrang init sa pamamagitan ng pawis dahil sa maalinsangang paligid o kakulangan sa tubig.
Para maiwasan ang heat stroke, dapat iwasan ang palaging nasa labas kapag maalinsangan ang panahon. Kapag nasa labas naman, mabuti kung magsusuot ka ng sumbrero at damit na may mahabang manggas. Dapat mo ring ugaliing uminom ng maraming tubig tuwing summer season at iwasan ang pag-inom ng tsaa, kape, softdrinks, at alak.
- Ubo at Sipon - Tuwing summer, may mga pagkakataon na magdudulot ang sobrang init ng pag-ulan. Dahil sa pabago-bagong panahon, may tsansa na magkaroon ka ng ubo o sipon.
Dahil medyo pangkaraniwan ang ubo at sipon, madali lang itong malunasan gamit ang gamot na nabibili sa botika tulad ng ambroxol at carbocisteine. Ngunit mas mainam kung iiwasan ang mga sakit na ito sa pamamagitan ng pagpapabakuna laban sa influenza. Kapag naman may ubo at sipon ka, kailangan ay takpan mo ang iyong bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing para di na makahawa pa ng ibang tao.
Mahalagang Paalala: Dahil sintomas ng COVID-19 ang ubo at sipon, mainam nang kumunsulta sa doktor para masigurado kung nahawa ka ng virus o hindi.
- Mga Sakit na Galing sa Pagkain - May mas malaking tsansa na makontamina at mapanis agad ang mga pagkain tuwing summer. Ito ay dahil sa init ng panahon na nakakatulong sa pagpaparami ng mga bacteria. Maaaring magdulot ng pagsusuka at pagtatae ang pagkain ng kontaminadong pagkain.
Para masiguradong malinis at ligtas ang kinakain, mainam na umiwas sa pagkain ng street foods. Dapat din ay maging mas maingat sa paghahanda at pagbabalot ng mga baong pagkain para hindi agad ito mapanis.
- Sunburn - Ang sunburn ay ang pamumula at pagiging sensitibo ng balat matapos mabilad sa araw. Karaniwan itong nakikita sa loob ng ilang oras matapos magtagal sa ilalim ng araw.
Para maiwasan ang sunburn, dapat mong iwasan ang pagbibilad sa araw. Mas mainam kung hindi ka lalabas kapag tirik ang araw. Mabuti rin kung maglalagay ka ng sunscreen nang hindi bababa sa 30 minuto bago lumabas ng bahay.
Source: https://www.shutterstock.com/image-photo/man-reddened-itchy-skin-after-sunburn-554731459
- Bungang Araw - Dahil sa alinsangan ng panahon, mas malaki ang tsansang magkaroon ng bungang araw ang isang tao. Nagdudulot ito ng makakating rashes na matatagpuan sa mga pinakapawisin na parte ng katawan.
Para maiwasan ang pagkakaroon ng bungang araw, mainam kung iiwasan mo ang mga aktibidad na labis magpapapawis. Mabuti din kung magsusuot ka ng maluluwag na damit na gawa sa cotton para hindi ma-trap ang pawis sa katawan.
- Sore Eyes - Isa sa mga maaaring mga sanhi ng sore eyes ay mainit na panahon. Nagdudulot ito ng pamumula, pangangati, at burning sensation sa mata.
Para maiwasan ang pagkairita ng mga mata, kailangang iwasan mo ang pagkakamot at paghawak sa kanila. Ito ay para hindi maapektuhan ng labis ang mga mata at hindi na kumalat pa ang bacteria at virus na nagsasanhi ng sore eyes. Kailangan din ang malimit na paghuhugas ng kamay para hindi na makahawa ng iba.
Ang summer season ay panahon ng pagpapahinga at pagsasaya kasama ang iyong pamilya ngunit hindi dapat kalimutan ang kaligtasan at kalusugan ng bawat isa. Mainam kung susundin ang lahat ng paraan para maiwasan ang summer diseases na nakalista sa taas. Maaari din uminom ng vitamins pampalakas ng resistensya.
Sources:
https://newsinfo.inquirer.net/584040/doh-lists-6-common-summer-diseases-to-watch-out-for#:~:text=%E2%80%9CThis%20summer%2C%20millions%20of%20Filipinos,ailments%2C%20skin%20diseases%20and%20rabies
https://doh.gov.ph/Health-Advisory/Summer-Time-Diseases/Conditions-to-watch-out-during-summer-time
https://doh.gov.ph/Health-Advisory/Heat-Stroke