Paano Ginagawa ang Mindfulness at Mindful Eating?
Ang “mindfulness” ay isang estado ng utak na kaya mong abutin sa pamamagitan ng wastong pag-focus sa kasalukuyan at pagtuon ng iyong isip sa kung anuman ang iyong ginagawa. Ito ay paraan upang palalimin ang iyong kamalayan, magbigay atensyon sa iyong curiosity, at gayundin upang makaiwas sa mga stressors o mga bagay na nagdudulot ng stress. Maraming tao ang nagpa-practice ng mindfulness dahil sa mga maraming benepisyo na dulot nito. Ikaw man ay may kakayahang i-practice ang mindfulness sa araw-araw na pamumuhay. Narito ang mga bagay na dapat mong malaman tungkol dito.
Paano ginagawa ang mindfulness?
Kapag nagsasanay ng “mindfulness,” mahalagang tandaan na hindi kailangang maging perpekto ang pagsasagawa nito. Walang perpektong paraan upang maging isang tiyak na “mindful” na tao. Hindi mo rin kailangang umiwas sa anumang isipin o anumang bagay na sumasagi sa iyong isipan. Hindi mo rin kailangang maging sobrang “relaxed” na tila ikaw ay nagme-meditate. Ang kailangan sa “mindfulness” ay ibigay ang iyong atensyon sa anumang ginagawa mo sa kasalukuyan at tanggapin ang mga bagay na maaaring hindi kasama sa plano.
Ang mindfulness ay maaaring gawin sa iba’t-ibang gawain. Maaari itong i-practice kapag gumagawa ng mga simpleng gawaing bahay, art project, o di kaya naman ay anumang bagay na kumakain ng iyong oras. Maging sa pagkain ay may magandang dulot ang pagiging mindful.
Ano ang mindful eating?
Sa “mindful eating,” kailangan mong bigyang-pansin ang iyong pagkain at obserbahan ito nang hindi mo iniisip kung paano ito nakakaapekto sa iyong nararamdaman. Maging “aware” sa bawat lasa, at namnamin ang iba’t-ibang flavor at amoy ng pagkain at ng mga sangkap nito. Ibuhos rin ang atensyon sa iyong kabusugan at kung paano napapawi ng pagkain ang pangangailangan ng iyong katawan.
(https://www.shutterstock.com/image-photo/women-who-eat-breakfast-vegetables-386453710)
Upang mas maintindihan mo, narito ang pitong hakbang upang maisama ang “mindful eating” sa iyong eating habits:
- Bigyang pansin ang iyong katawan at pansinin ang mga senyales ng iyong gutom. Kung ikaw ay nawawalan ng gana sa pagkain, alamin sa doctor mo kung nararapat ba ang pag-inom ng bitamina na nagpapalakas ng iyong gana sa pagkain.
- Pansinin kung paano ka nabubusog habang kumakain.
- Huwag magmadali sa pagkain at bigyang atensyon ang bawat subo.
- Maglaan ng oras at lugar ng pagkain. Iwasang gawin ito sa iyong workstation o home office.
- Umiwas sa mga “distraction” habang kumakain. Patayin ang telebisyon at ilayo ang iyong mobile phone at mga babasahin.
- Alamin ang mga hindi gaanong nakabubuting pagkain at isaisip ang mga paraan upang makamit ang iyong “goals.”
- Maging “aware” sa iyong mga “cravings” at huwag magpadalos-dalos sa paggawa ng mga desisyon.
Paano ito makakatulong sa iyong nutrisyon at kalusugan?
Mahalagang tandaan na ang “mindful eating” ay hindi nangangahulugan na may mga pagkaing hindi mo dapat kainin o mababawasan nito ang iyong “cravings.” Gayunpaman, nakakatulong ito sa mga taong sumailalim sa bariatric surgery upang makagawa ng matalinong pagdedesisyon ukol sa kanilang lifestyle. Ang pagsunod sa “mindful eating” at ang pagiging “fully present” tuwing kakain ay makakatulong din sa iyong diet at nutrisyon ng iyong katawaan sa mga sumusunod na paraan:
- May kakayahan kang umiwas sa “binge eating,” “impulsive eating” o yung biglaan at di planadong pagkain
- Mababawasan ang pagkonsumo mo ng labis calories na maaaring mauwi sa komplikasyon sa kalusugan
- Magkakaroon ka ng kakayahang gumawa ng desisyon pagdating sa healthy eating
Gaya ng nabanggit, ang mindful eating ay maaaring makatulong sa mga taong may tendency na mag-stress eating at ibang hindi wastong paraan ng pagkain. Ang stress eating ay posibleng maging banta sa kalusugan lalo na kung hindi na ito makontrol. Maaari itong mauwi sa obesity at ilan pang mga karamdaman na may kaugnayan sa maling nutrisyon at kakulangan sa pangangalaga ng katawan.
Dahil dito, mas higit na makakabuti kung sasamahan ang mindful eating ng wastong pagpili ng pagkain. Maraming masusustansya at masasarap na pagkain na maaaring isama mo sa iyong diet. Tiyaking may balanse at may sapat na nutrisyon ang iyong kinakain sa araw-araw. Kung gagawin ito nang tama, maaaring makatulong din ito stress management.
Muli, tandaan na ang mindfulness at mindful eating ay hindi kailangang maging perpekto. Gayunpaman, mas nakakatulong ito sa iyo kung sasanayin mo ang sarili mo dito.
Sources:
https://www.helpguide.org/harvard/benefits-of-mindfulness.htm
https://www.helpguide.org/articles/diets/mindful-eating.htm
https://www.healthline.com/nutrition/mindful-eating-guide