Mga Epekto at Sintomas ng Stress
December 20, 2018
Hindi sakit ang stress. Ito ay isa lamang reaksyon ng katawan sa mga sitwasyon na tinataya nitong harmful o delikado para sa kapakanan ng bawat isa. Maaaring ang mga “threat” na ito ay totoo o nasa isip lamang. Kapag naramdaman na ang ganitong pagkabahala, nagkakaroon ng chemical reaction sa katawan na tumutulong para kumilos sa paraang malayo kapahamakan. Tinatawag itong fight-or-flight o stress response.
Ano ang nangyayari sa katawan kapag nakakaramdam ng stress?
Kapag ang katawan ay nasa stress response, tumataas ang heart rate o bilis ng pagtibok ng puso. Kasabay din nito ang pagbilis ng paghinga, pagtatag at paghigpit ng mga kalamnan, at pagtaas ng blood pressure. Nakakatulong ang mga ito para magawa ng katawan ang solusyon na nasa isip at maiiwas ang tao sa anumang uri ng panganib.
Dahil ang mga pangyayaring ito ay hindi napapansin at internal lamang, mahirap matukoy kung stress na nga ba ang nararanasan ng isang tao. Maaari nitong maapektuhan ang emosyon, pag-uugali, pag-iisip, at maging kalusugang-pisikal.
Dagdag pa rito, dahil iba’t iba ang stressors o sanhi ng stress sa mga tao, kailangang matukoy kung alin sa mga ito ang posibleng nagdadala ng stress sa partikular na pagkakataon. Makakatulong ang pag-identify ng stressors para mapadali ang pagma-manage ng stress.
Anu-ano naman ang mga nagiging sanhi ng stress?
Maaaring i-grupo sa tatlo ang uri ng mga stressors. May iba’t ibang antas din ang mga ito depende sa taong nakakaranas ng stress. Maaaring mas matimbang ang isang grupo ng stressors para sa isang indibidwal kumpara sa iba.
- Mga bagay na nakakapag-trigger ng pag-aalala. Ang ganitong mga stressors ay madalas nararanasan ng kahit sino. Maaaring ito ay pagkatakot at pagiging hindi sigurado tungkol sa ilang issues. Umaangat ang ganitong stressors lalo na kapag tila walang kontrol ang nakakaramdam nito sa sitwasyong pinangangambahan.
Kasama rin sa grupong ito ang mga attitude at pananaw sa buhay. Depende sa personalidad ng isang tao, pumapasok ang stressor na ito kapag nasa negative side ang pag-iisip. Gayundin, maaaring makaapekto ito sa stress level ng nakakaranas kung nasa positibong mga bagay ang kanyang iniisip at biglang kabaligtaran nito ang mga naging pangyayari.
Bukod pa rito, stressor ding matatawag ang pagkakaroon ng expectations na mahirap abutin. Dahil sa ganitong mindset, nahihirapang mag-adjust ang katawan, pag-iisip, at kalooban sanhi ng hindi pagkakatotoo ng tinatamasa.
Marahil ang pinaka-karaniwangnararanasang stressor sa grupong ito ay ang pagbabago. Anumang klaseng life changes gaya ng pagkamatay ng mahal sa buhay, pag-aasawa, pakikipaghiwalay sa isang karelasyon, o paglipat ng bahay ay nakakaapekto sa isang tao.
Photo from Unsplash
- Life stress. Mula sa pangalan, ang life stress ay maaaring magmula sa pagdami ng responsibilidad, pagkakaroon ng malubhang sakit, anumang hindi-kanais-nais na karanasan, o mga pangyayaring nagdala ng matinding trauma.
- Work stress. Ang kawalan at pagkakaroon ng trabaho ay matuturing na stressors, lalo na kung: hindi na masaya sa ginagawa, nalulunod sa responsibilidad, pagod sa tagal ng trabaho, kawalan ng fulfillment, wala nang tiwala sa sarili, o nahaharap sa diskriminasyon, bullying, o harassment.
Anu-ano ang mga sintomas ng stress?
Para mas ma-assess kung ang nararanasan ay stress, tingnan natin ang mga sintomas ayon sa parte ng kalusugan kung saan maaaring mapuna ang mga ito.
Behavioral symptoms:
- Kawalan o pagtaas ng gana kumain;
- Kawalan ng gana sa pagtatalik;
- Labis na pagkabalisa, pag-aalala, pagiging guilty, at pagiging kabado;
- Insomnia;
- Pagkakaroon ng mga bangungot;
- Pagiging hirap sa pag-concentrate;
- Pagiging hirap sa pagproseso ng bagong impormasyon;
- Pagiging makakalimutin;
- Pagiging hirap sa paggawa ng desisyon;
- Kawalan ng gana sa pagtatrabaho at mga karaniwang nae-enjoy na gawain;
- Kawalan ng gana sa pakikipag-usap;
Emotional symptoms:
- Labis na pagkagalit at pagkalungkot;
- Matinding pagkalungkot o depression;
- Mood swings;
- Madalas na pag-iyak;
- Pagkakaroon ng suicidal thoughts;
- Pagiging irritable; at
- Labis na reaksyon sa maliliit na bagay.
Physical symptoms:
- Madalas na pagkahilo at pananakit ng ulo;
- Pagngangalot o grinding of teeth;
- Pagtubo ng acne;
- Pagkautal;
- Panginginig o pangingimay ng mga kamay at mga labi;
- Madalas na pamumula at pagpapawis;
- Panlalamig at pamamawis ng mga kamay at mga paa;
- Madalas na panunuyo ng bibig at pagiging hirap sa paglunok;
- Madalas na pagkakaroon ng sipon at iba pang infections;
- Heartburn;
- Pananakit ng tiyan;
- Pagsusuka;
- Constipation o diarrhea;
- Pananakit at paninikip ng dibdib na may kasamang pagbilis ng pulse rate;
- Madalas na pag-ihi;
- Overfatigue;
- Panghihina;
- Pagkakaroon ng muscle spasms; at
- Pananakit ng katawan, lalo na ng batok at likod.
Paano maiiwasan ang stress?
Photo from Unsplash
Sa kabila ng mga ito, maaari pa ring malabanan ang stress para makaiwas sa mga sakit sa pag-iisip gaya ng depression at anxiety na, ayon sa pag-aaral, ay humahantong sa suicide kapag hindi naagapan. Ilan sa mga paraang pwedeng gawin para maibsan ang stress ang mga sumusunod:
- Tukuyin ang mga bagay na nagdadala ng stress sa buhay. Batay sa mga nararanasang sintomas, aling mga stressors ang nagsasanhi ng mga ito? Ang pagtukoy sa stressors ang unang hakbang para maging malaya ang isipan sa labis na stress. Oras na malaman na ang mga ito, magtala ng mga possible at madaling paraan para maiwasan ang mga ito. Humingi ng tulong sa mga mahal sa buhay kung kinakailangan.
- Pag-usapan ito. Gaya ng nabanggit, mas nakakabuti kung may makakausap tungkol sa mga stressors at mga naiisip na hakbang para hindi na makaapekto ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay. Dahan-dahang maging open sa mga taong mapapagkakatiwalaan. Pwede rin namang dumulog sa isang mental health professional para magabayan nang tama.
- Magkaroon ng active lifestyle at pahinga. Bukod sa napakaraming health benefits na dala nito sa katawan, mabisa rin ang nahahatid nitong ginhawa sa isipan. Dahil sa healthy physical activities, nare-relax ang isip at nakakapag-produce ng endorphins o happy hormones ang katawan, dahilan para mabawasan ang nararanasang stress. Nakakatulong din ang pagpapahinga para makondisyong muli ang katawan, kalooban, at isipan na labanan ang stressors.
- Kumain nang tama. Nakakadagdag sa labis na stress ang kakulangan sa tamang nutrisyon. Dahil dito, maaaring maging at risk sa hormonal imbalance na lalong nakakapag-trigger ng stress. Siguraduhing may healthy diet na sinusunod.
- Take daily vitamins (vit c, B complex, etc.)
- Uminom ng gamot kung kinakailangan. Walang gamot para sa stress dahil hindi ito isang sakit. Pero may mga naaayon na gamot para sa mga pisikal na resulta at sintomas ng stress. Kung halimbawang body pain ang madalas nararanasan tuwing nati-trigger ang stress, maaaring uminom ng paracetamol o ibuprofen para sa agarang ginhawa. Pinapaalala lamang na huwag uminom ng mga ito lagpas sa anim hanggang walong tabletas sa loob ng 24 hours.
Sources:
https://www.webmd.com/balance/stress-management/stress-symptoms-effects_of-stress-on-the-body#1
https://www.stress.org/stress-effects/
https://www.healthline.com/nutrition/symptoms-of-stress#section1
https://www.webmd.com/balance/guide/causes-of-stress#1