Stress at Kalusugan ng Tiyan: Alamin Kung Paano Labanan ang Epekto Nito
November 15, 2023
Hindi natin maiiwasan ang mga pagkakataon na nagdudulot ng stress. Ito ay likas na bahagi na ng ating buhay. Ngunit alam niyo ba na ang stress ay maaaring magkaroon ng epekto sa ating kalusugan, partikular na sa ating digestion.
Ang stress ay isang normal na reaksyon ng ating katawan sa mga sitwasyon na nagdudulot ng nerbiyos o tensyon. May mga pagkakataon rin na ang stress ay nagdudulot ng pagkabahala, pagkatakot, o kaba.
Sa ganitong mga sitwasyon, ang ating katawan ay naglalabas ng mga hormones, tulad ng adrenaline at cortisol upang ihanda ang katawan sa mga potensyal na panganib. Ito ang tinatawag na "fight-or-flight" response, kung saan ang ating katawan ay naghahanda sa anumang problema. (1,2)
Epekto ng Stress sa Tiyan
https://www.shutterstock.com/image-photo/young-woman-who-makes-heart-shape-647537386
Ano ang kaugnayan nito sa kalusugan ng tiyan?
Kapag ikaw ay nasa gitna ng matinding stress, ang iyong sympathetic nervous system ay naa-activate. Ito ang bahagi ng iyong autonomic nervous system na nagkokontrol sa iba't ibang bodily functions, kagaya ng tibok ng puso, paghinga, at presyon ng dugo. (1) Tuwing ang katawan ay nasa “flight or fight” response, pansamantalang itinitigil o kaya naman ay pinababagal nito ang proseso ng digestion upang makatipid ng lakas para sa mga potensyal na panganib. Kapag ito'y nagaganap nang paminsan-minsan, maaari itong maka-recover kaagad, ngunit kung ito'y nangyayari nang mas madalas at mas matagal, maaari itong magdulot ng pagbagal sa proseso ng digestion. Sa kabilang dako, kapag tayo'y nasa kalagayan ng pagiging relaxed, pinapagana naman ng katawan ang “rest and digest”. Ito ang nagpapabilis ng proseso ng digestion natin. Kaya't mahalaga na magkaroon tayo ng balance sa pagitan ng stress at pahinga para sa ating digestive system. (7)
Ang mga epekto ng stress sa kalusugan ng tiyan ay maaaring magdulot ng iba't ibang mga health issues. Ito ay maaaring mag-iba depende kung gaano katagal mo na ito nararanasan. Sa mga "short-term" stress, maaaring mawalan ka ng gana sa pagkain at bumagal ang digestion. Samantalang ang long term stress ay maaaring magdulot ng mas malalang mga problema sa iyong tiyan, tulad ng pagtatae, sakit ng tiyan, at pangangasim ng sikmura.
Kapag ito ay tumagal pa at naging chronic stress, maaaring magdulot ito ng mas malalang problema sa iyong digestive system, tulad ng irritable bowel syndrome (IBS) at iba pang mga karamdaman sa iyong tiyan. Mahalaga na tukuyin natin ang mga sintomas na ito at malaman kung paano natin ito maaaring labanan. (3)
Mga Paraan upang Labanan ang Epekto ng Stress sa Tiyan
https://www.shutterstock.com/image-photo/teenager-chilling-day-home-morning-2279666987
Narito ang mga ilang hakbang na maaaring gawin upang mapanatili ang kalusugan ng ating tiyan sa kabila ng stress:
- Pamahalaan ang Stress: Ang isa sa mga epektibong paraan upang magkaroon ng mas magandang digestion ay stress management. Maaaring gumawa ng iba’t ibang paraan upang mabawasan ang stress tulad ng pagsasagawa ng meditation techniques, yoga, at pagkakaroon ng mental health counseling (1). Mahalaga rin na malaman mo ang mga gawain o bagay na nagpapalakas ng iyong loob at nagpapabawas ng iyong stress. Ito ay maaaring sa pamamagitan ng mga hobbies o pag-attend ng mga social events.
- Alamin ang Iyong Trigger: Ang pagtukoy sa mga sitwasyon o mga bagay na nagpapalala ng iyong stress ay makatutulong upang malaman kung paano ito maiiwasan. May mga pagkakataon na ang simpleng pagtukoy ng mga triggers ay makatutulong upang magkaroon ka ng mas mabuting pang-unawa sa iyong sarili at sa mga sitwasyon na nagdudulot ng stress. (4)
- Magkaroon ng Balanced Diet: Ang wastong pagkain ay mahalaga para sa kalusugan ng tiyan. Subukan na kumain ng mga pagkain na sagana sa fiber, kagaya ng mga sariwang prutas, green leafy vegetables, at whole grains. Ito ay makatutulong sa digestion at sa pangkabuuang kalusugan ng tiyan. (5)
- Iwasan ang Pag-abuso sa Alak at Caffeine: Ang sobrang pag-inom ng alak at kape ay maaaring magdulot ng pagsakit ng tiyan at pagsusuka. Limitahan ang pagkonsumo nito at uminom in moderation. (5)
- Mag-ehersisyo: Ang regular na ehersisyo ay hindi lamang nakakatulong sa pagbawas ng stress kundi pati na rin sa kalusugan ng tiyan. Magkaroon ng mga regular na physical activities tulad ng paglalakad, pagbibisikleta, o anumang ehersisyo o sport na iyong gusto. (5)
- Pagtulog nang Sapat: Ang wastong tulog ay may malaking epekto sa kalusugan ng tiyan. Ang kawalan ng sapat na tulog ay maaaring magdulot ng pagkabahala at stress. Itakda ang regular na oras ng tulog upang magkaroon ng sapat na pahinga. (5)
- Magkaroon ng Daily Routine: Ang pagkakaroon ng araw-araw na iskedyul ay makakatulong upang i-manage ang stress. Itakda ang oras para sa mga regular na ginagawa tulad ng oras ng pagkain, oras para sa pamilya, pag-ehersisyo, at laging maglaan ng oras para sa sarili. (6)
- I-connect ang Iyong Sarili sa Iba: Panatilihing mayroong komunikasyon sa pamilya at mga kaibigan, at ibahagi ang iyong mga saloobin at nararamdaman sa mga taong pinagkakatiwalaan. Ang pakikipag-ugnayan sa iba ay nakakapagpagaan ng loob at makatutulong sa pagbawas ng stress. (6)
Sa huli, mahalaga ang pangangalaga sa kalusugan ng tiyan, lalo na sa mga panahon ng stress. Ang tamang pamamahala ng stress, ang wastong pagkain, at ang regular na ehersisyo ay ilan sa mga hakbang na makatutulong sa paglaban sa epekto ng stress sa iyong tiyan. Huwag balewalain ang mga sintomas na maaaring makaapekto sa kalusugan ng tiyan, at magsagawa ng mga hakbang upang mapanatili itong malusog. Ang kalusugan ng tiyan ay mahalaga para sa iyong kabuuang kalusugan.
REFERENCES:
- Iliades, Chris. 2018. “How Stress Affects Digestion.” EverydayHealth.com. October 16, 2018. https://www.everydayhealth.com/wellness/united-states-of-stress/how-stress-affects-digestion/.
- Harris, Amy . 2022. “How Does Stress Affect the Digestive System? - Blog | Everlywell: Home Health Testing Made Easy.” Www.everlywell.com. 2022. https://www.everlywell.com/blog/sleep-and-stress/how-does-stress-affect-the-digestive-system/#:~:text=As%20such%2C%20chronic%20stress%20may.
- Legg, Timothy. 2018. “4 Ways to Improve Your Digestion If You’re Stressed.” Healthline. November 16, 2018. https://www.healthline.com/health/four-ways-to-improve-your-gut-if-youre-stressed.
- Harvard Business Review. 2017. “Manage Your Stress by Identifying What Triggers It.” Harvard Business Review. November 28, 2017. https://hbr.org/tip/2017/11/manage-your-stress-by-identifying-what-triggers-it#:~:text=intelligence%20and%20resilience.-.
- CDC. 2021. “Tips for Coping with Stress.” Www.cdc.gov. CDC. November 30, 2021. https://www.cdc.gov/violenceprevention/about/copingwith-stresstips.html.
- World Health Organization. 2023. “Stress.” Www.who.int. 2023. https://www.who.int//news-room/questions-and-answers/item/stress/?gclid=Cj0KCQjwhfipBhCqARIsAH9msblil8VIqEZjKWbY3oMI14uQ2VUioS-i6m-z9x5toQIWYW_Db7pVTrsaAvKlEALw_wcB.
- Brrigham Young University. n.d. “Stress and the Digestive System.” Counseling and Psychological Services (CAPS). https://caps.byu.edu/stress-and-the-digestive-system#:~:text=When%20the%20stress%20response%20is.