Tamang Alaga Para sa Kabag

April 23, 2021

Ang kabag o gas pain ay isang kondisyon kung saan ang tiyan ay napupuno ng hangin. Maaari ding magkakabag ang isang tao kapag hindi pa agad natutunaw at nailalabas ang mga pagkaing kanyang kinain. Ito ay maaaring maranasan ng kahit sino, bata man o matanda.

 

Sintomas ng Kabag

 

Ang pinaka karaniwang sintomas na nararanasan ng isang taong may hindi malalang kabag ay stomach pain. Makakaranas din ng pamimilog, paglaki, o paglobo ng tiyan ang may kabag at pakiramdam ng pagkabusog kahit hindi pa naman kumakain. May pagkakataon ding makakaranas ang taong may kabag ng palagiang pagdighay.

 

Kung ang kondisyon naman ay malubha na, ang taong may kabag sa tiyan ay maaaring makaranas ng mga sumusunod:

 

  • Pagduduwal o pagsusuka
  • Labis o biglaang pamamayat
  • Pagtatae
  • Pagdumi nang may dugo
  • Pagkakaroon ng heartburn o pangangasim ng sikmura na may kaakibat na paninikip ng dibdib
  • Spotting sa mga babae kahit hindi nireregla
  • Pagkakaroon ng lagnat

 

May mga pagkakataon na nakakaranas ang isang tao ng malalang sintomas ng kabag tulad ng pagdurugo at lagnat dahil sa pagkalat ng bacteria sa tiyan. Sa ganitong pangyayari, marapat lamang na dalhin na ang pasyente sa ospital para masuri agad ng doktor ang kanyang lagay.

 

Sanhi ng Kabag

Kadalasan, ang kabag sa tiyan ay isa sa mga pangkaraniwang sintomas ng iba pang problema sa tiyan tulad ng pagtitibi o constipation at irritable bowel syndrome (IBS). Pero maaari ding makaranas ng kabag ang isang taong walang constipation o IBS.

 

Maraming kadahilanan ang maaaring iugnay sa kabag. Narito ang ilan sa mga kadalasang sanhi ng kabag:

  • Sobrang hangin sa tiyan dahil sa pagkain ng maaalat, matatamis, at mamantikang pagkain.
  • Labis na pagkain
  • Labis na pag-inom ng alak
  • Paninigarilyo
  • Pagnguya ng gum
  • Problema sa matris o obaryo
  • Pagbabago ng lebel ng hormone sa katawan dahil sa regla

 

Lunas Para sa Kabag

 

undefined

Source: https://www.shutterstock.com/image-photo/period-pain-dysmenorrhea-asian-woman-she-1549674236

 

Maraming pwedeng gawin para maibsan ang mga sintomas na dala ng kabag. May mga kabag remedy na madaling gawin sa bahay tulad ng mga sumusunod:

 

 

  1. Pagpapakawala ng Gas at Pagdumi

Ang pagpapakawala ng gas o pag-utot at pagdumi ay normal na parte ng digestion process ng isang tao. Nakakatulong sila para mabawasan ang gas na naipon sa bituka.

 

Ang pagpigil sa pag-utot o pagdumi ay maaaring magdulot ng bloating at sakit ng tiyan. Kaya naman mas mabuti kung ilabas na lang ng pasyente ang gas at dumi.

 

  1. Pag-Inom ng Tsaa

May mga herbal na tsaa na nakakatulong sa digestion at pagpapawala ng kabag sa tiyan. Ang ilan sa mga uri ng tsaa na maaaring makapagpabuti ng sintomas na dulot ng kabag ay chamomile, salabat, anise, at peppermint.

 

  1. Paggamit ng Hot Compress

Ang paggamit ng hot compress ay makakatulong para ma-relax ang muscles sa tiyan ng pasyente at tulungan ang gas na makalabas sa bituka. Nakakatulong din ang init para maibsan ang pananakit ng tiyan.

 

  1. Pag-Inom ng Tubig na May Halong Apple Cider Vinegar

Nakakatulong ang apple cider vinegar sa paggawa ng stomach acid at digestive enzymes ng katawan. Maaari din itong makatulong sa pagpapawala ng gas pain nang mas mabilis.

 

  1. Pag-Eehersisyo

Ang malumanay na pag-eehersisyo ay nakakatulong para ma-relax ang muscles sa tiyan at mapagalaw ang gas na naipit sa bituka. Maaaring maglakad o gumaya ng yoga poses ang taong may kabag pagkatapos kumain para maibsan ang mga sintomas na kanyang nararanasan.

 

Kung hindi umepekto ang mga paraang nakalista sa taas, maaari din namang uminom ang pasyente ng gamot sa kabag na nabibili sa botika. Isa sa maaaring ipainom sa pasyente ay domperidone na ginagamit upang ibsan ang mga sintomas na dulot ng kabag tulad ng pagdighay at heartburn.

 

Maaari ding bumili ng simethicone para mapawala ang gas bubbles sa tiyan ng taong may kabag. Isa pang gamot na maaaring mabili sa botika ang activated charcoal. Ginagamit naman itong pampawala ng gas na nasa colon ng pasyente.

 

Ang kabag ay isang pangkaraniwang kondisyon na nararanasan ng halos lahat ng tao sa kanilang buhay. Madali lang itong gamutin gamit ang mga home remedies at gamot na nabibili sa bituka. Pero kung matagal nang nararamdaman ng pasyente ang mga sintomas, mas mainam kung dadalhin na siya sa ospital at humingi ng payo sa doktor.

 

 

 

 

Sources:

 

https://mediko.ph/karamdaman/kabag-gas-pain/

https://www.hopkinsmedicine.org/health/wellness-and-prevention/bloating-causes-and-prevention-tips

https://www.healthline.com/health/immediate-relief-for-trapped-gas-home-remedies-and-prevention-tips

https://www.medicalnewstoday.com/articles/321504#20-ways-to-get-rid-of-gas-pain