Mga Sanhi ng Pananakit ng Tiyan sa mga Kababaihan

September 24, 2020

Bakit masakit ang iyong tiyan?

Ang tiyan ay bahagi ng katawan kung saan matatagpuan ang iba’t ibang uri ng organs na siyang responsable sa kalinisan at kalusugan ng ating buong katawan. Dito rin pinoproseso ang mga pagkain, inumin, at gamot na kinokonsumo ng tao kaya mahalagang pangalagaan ito.

Pangkaraniwan nang nararanasan ng kababaihan ang pananakit ng tiyan o stomach pain. Marami itong uri at antas ng kalubhaan depende sa mga sintomas. Isa sa mga sanhi nito na hindi gaanong dapat ikabahala ay ang indigestion kung saan pakiramdam mo ay kinakabag ka o may stomach gas at parang gusto mong sumuka.

 

Pero kung ikaw ay nakakaramdam na ng sakit na tumutusok, stomach cramps, o pananakit ng ibang parte ng katawan bukod sa tiyan, maaaring isa sa mga ito ang sanhi:

 

  1. Gastritis

Ito ay ang pamamaga o pagka-irita ng stomach lining o mucosa na may glands na nagpo-produce ng stomach acid at iba pang compounds. Ilan sa mga sintomas nito ay stomach pain, mainit na pakiramdam sa dibdib o heartburn, pagkahilo, at pagsusuka.

 

Ang gastritis ay kadalasang dulot ng sobrang pag-inom ng alak, pag-inom ng anti-inflammatory drugs, stress, bile reflux, o bacterial infection. Kung hindi maagapan agad, maaari itong magdulot ng ulcer at stomach cancer. Pag-inom ng antibiotics, antacids, o gamot na nagpapabagal ng acid production ang ilan sa mga lunas nito.

 

  1. Gastroesophageal reflux disease (GERD)

Ang mga kababaihang nakararanas ng GERD ay maaaring magpakita ng sintomas kagaya sa gastritis bukod pa sa pagduwal at hirap sa paglunok. May ilan din na nakakaranas ng pananakit ng tiyan, malalang pag-ubo, pamamaos, o paghingal.

 

Kung ang mga sintomas ay katamtaman lang, pwedeng malunasan ang GERD sa pamamagitan ng healthy diet at lifestyle. Pero kung ito ay pabalik-balik, maaaring kailanganin nang uminom ng gamot o sumailalim sa operasyon.

 

  1. Ectopic pregnancy

Ito ay maaaring maganap kung ang fertilized egg ng isang babae ay na-implant sa labas ng kanyang matris, na tipikal ay sa fallopian tube, kadalasan tuwing ikatlong buwan ng pagdadalangtao. Abdominal pain at pagdurugo ng ari ang mga sintomas na dapat lunasan agad dahil delikado sa kalusugan.

 

Kung maagang makikita ang ectopic pregnancy, pwedeng malunasan ito ng methotrexate (MTX). Pero sa kaso ng iba, maaaring irekomenda ng doktor ang pagpapa-opera.

 

  1. Uterine fibroids o leiomyomas

Ang uterine fibroids ay kadalasang nauuwi sa talamak na pananakit o presyon sa ibabang bahagi ng balakang. Iba-iba ang sintomas nito depende sa sukat at bilang ng fibroids na maaaring mababang lagnat, abdominal tenderness, at pamumuo ng malaking fibroid. Posible itong malunasan sa pag-inom ng contraceptives at GnRH agonists, at may ilang kababaihan din na sumasailalim sa myomectomy.

 

  1. Ovarian cysts

Ito ay mga solid o fluid-filled pockets sa loob o sa ibabaw ng obaryo, at kapag may naramdamang pananakit sa bandang ari ang isang babae, maaaring ito ay dahil pumutok ang cyst. Ayon sa mga dalubhasa, ang isa pang karaniwang sintomas nito ay pananakit ng lower quadrant lalo na kung katatapos lang makipagtalik.

 

Sa tulong ng pagsubaybay ng doktor at pag-inom ng pain reliever, pwedeng maiwasan ang paglala ang ovarian cysts. Ngunit sa ibang kaso, kinakailangan nang sumailalim ng pasyente sa operasyon.

 

  1. Ovulatory pain

Kung ikaw ay pinagsakitan ng tiyan sa kalagitnaan ng iyong menstrual cycle at kasabay ng iyong ovulation period, maaaring ito ay ovulatory pain. Madalas ito ay ang pananakit ng kaliwa o kanang bahagi ng puson depende kung anong bahagi ang nag-o-ovulate sa cycle na iyon.

 

Isa ito sa mga pananakit ng tiyan na hindi gaanong nakababahala dahil kusa itong nawawala sa loob ng isang araw at pwedeng malunasan ng non-steroidal anti-inflammatory drugs. Pero kung labis ang sakit, maaaring kumonsulta sa dalubhasa ukol sa pag-inom ng birth control pills para maiwasan ang ovulation.

 

  1. Pelvic inflammatory disease (PID)

Posibleng nakakaranas ka ng PID kung may nararamdamang lower stomach pain, pelvic organ tenderness, at pamamaga ng reproductive tract. Ang mga babaeng aktibo sa pakikipagtalik ay at risk na magkaroon nitong klase ng sakit. May mga pagkakataon din na nagkakaron ng PID ang isang babae kung hindi nalunasan ang kanyang sexually transmitted disease (STD). Kung hindi pa malala ang PID, maaari pang lunasan ito sa pag-inom ng antibiotics para magamot ang bacterial infections kagaya ng gonorrhea at chlamydia.

 

  1. Ovarian torsion

Isa itong sanhi ng stomach ache kung saan ang obaryo ng isang babae ay nakapulupot sa litid na humahawak dito. Katamtaman hanggang malalang pananakit ng balakang na may kasabay na pagkahilo, paglobo ng bahagi ng balakang, at pagsusuka ang mga karaniwang sintomas ng ovarian torsion na maaaring mawala rin paglaon. Pero sa kaso ng iba, kailangan na operahan at tanggalin ang obaryo bilang lunas.

 

  1. Ovarian cancer

Ang ovarian cancer ay binansagang “silent killer” dahil kadalasan ay wala itong sintomas na pinapakita hanggang ito ay tumuntong sa advanced stage. Ngunit kung ikaw ay may napansin nang paglobo o pananakit ng balakang, panaka-nakang pag-ihi o pagkabalisawsaw, at postmenopausal bleeding, mas makabubuting kumonsulta na sa doktor upang malaman kung ito ay ovarian cancer. Kagaya ng ibang uri ng kanser, operasyon at chemotherapy ang mabisang lunas dito.

 

  1. Ovarian hyperstimulation syndrome (OHSS)

Isa sa mga tinaguriang common causes of stomach pain for women ang OHSS dahil ito ay dulot ng paglaki ng obaryo sa mga kababaihang sumasailalim sa fertility treatment.

 

Ang mga sintomas na maagang lumalabas ay katamtaman lang at kadalasang nagpapakita apat hanggang pitong araw pagkatapos mabigyan ang pasyente ng human chorionic gonadotropin (hCG) hormone. Ito ay pwedeng maiwasan na lumala sa pag-inom ng analgesics at pag-iwas sa mga pisikal na aktibidad.

 

Samantala, ang sintomas na may mas malalang epekto sa katawan ay maaaring mapansin nang hindi bababa sa siyam na araw makalipas ang ovulatory dose ng hCG sa conception cycle.

 

Para sa ibang babae, normal nang bahagi ng buhay ang pananakit ng tiyan. Ngunit gaano man kababaw ang sakit na nararamdaman, hindi makatutulong na ipagsawalang bahala na lang ang mga sintomas sa lahat ng pagkakataon. Mas mabuti nang kumonsulta agad sa doktor oras na may maramdamang kakaibang sakit sa tiyan.

 

Source:

https://www.womenshealthmag.com/health/a33535554/why-does-my-stomach-hurt/