Mga Pangkaraniwang STDs

September 04, 2020

Ang sexually transmitted disease o STD ay sakit na ang pinakamadalas na pinanggagalingan ay pakikipagtalik sa taong mayroon nito. Kilala din ang STD sa tawag na sexually transmitted infection o STI. Maaari kang mahawahan ng STD sa pamamagitan ng vaginal, oral, o anal sex.

 

Hindi lahat ng mga sakit na nakakaapekto sa mga sex organs ay STD. May mga sakit na hindi naipapasa sa pakikipag-sex nguni’t nagsisimula bilang resulta nito (sexually associated). Isang halimbawa ang urinary tract infection o UTI. Maaaring makuha ito kung nasugatan o may irritation sa sexual organ habang nakikipagtalik.

 

Mahirap pigilan ang pagdami ng mga taong may STD. May mga pagkakataong hindi madaling malaman kung may STD ang iyong sexual partner. Isa pang dahilan ng pagdami ng mga nahahawa ay ang kakulangan sa kaalaman tungkol sa STDs at sa pag-iwas at paggamot sa mga sakit na ito.

 

Posibleng magkaroon ng STD ang isang tao nang hindi niya nalalaman dahil may mga STD na walang sintomas (asymptomatic). Ang mga sexually transmitted diseases ay may karampatang treatment, at marami sa kanila ay nagagamot.

 

Mga Pangkaraniwang STDs at Kanilang Sintomas

 

Upang mas maintindihan ang mga sexually transmitted diseases, alamin ang mga STD symptoms. Narito ang ilan sa mga pangkaraniwang sakit na nakukuha sa pakikipagtalik sa taong may STD.

 

Hepatitis. Iba’t-iba ang mga uri ng hepatitis, bunga ng iba’t-ibang viruses na nagdadala nito. Hindi rin pare-pareho ang paraan ng pagkalat ng bawa’t uri ng virus, nguni’t lahat ng mga ito ay sumisira sa atay.

 

Ang uri ng hepatitis na karaniwang naipapasa sa pakikipagtalik ay ang hepatitis B o HBV, pero maaari ding mahawahan ng hepatitis C kung may sexual contact sa taong mayroon nito. Kung hindi kaagad malulunasan ang hepatitis B, maaaring masira ang iyong atay, magkaroon ka ng liver cancer, o kaya naman ay cirrhosis.

 

Ang mga karaniwang symptoms ng hepatitis ay pagsakit ng tiyan, jaundice o paninilaw ng balat at mga puti sa mata, mababang lagnat, madilaw na ihi, kulay pilak o kaya nama’y maputlang kulay ng dumi, pagkaramdam ng pagod kahit bagong gising, pagduduwal, o pagsusuka.

 

Ang hepatitis ay maiiwasan sa pamamagitan ng vaccine.

 

Chlamydia

 

It na marahil ang pinaka-pangkaraniwang STD na nagagamot. Maaaring mahawaa ang lalaki o babae. Ang chlamydia ay kumakapit sa cervix ng mga babae at sa penile urethra naman ng mga lalaki. Hinala ng mga dalubhasa na maraming nahahawa dito dahil marami sa mga taong may chlamydia ay hindi nakakaramdam ng sintomas sa loob ng matagal na panahon. Nakakahawa pa rin ang sakit kahit aymptomatic ang taong may dala nito.

 

Ang mga karaniwang sintomas ng chlamydia ay ang pagkakaroon ng discharge mula sa penis o vagina at pagkaramdam ng sakit (pain) tuwing makikipagtalik.

 

Maaaring maprotektahan ang iyong sa sarili mula sa pagkakahawa sa chlamydia sa pamamagitan ng pagsuot ng condom habang nakikipagtalik. Isa naman sa mga lunas sa sakit na ito ay ang pag-inom ng azithromycin.

 

Gonorrhea

 

May mga bacteria na nagdudulot ng gonorrhea o tulo, isa ring pangkaraniwang STI. Kahalintulad ng sakit na ito ang chlamydia sapagka’t tinatamaan nito ang organs na kapareho ng nahahawahan ng chlamydia. Ang gonorrhea ay maaari ding kumapit sa lalamunan sa pamamagitan ng oral sex. Tulad ng chlamydia, marami ding may sakit na gonorrhea ang hindi makikitaan ng sintomas.

 

Ang mga tao namang may sintomas ay nakakaranas ng burning sensation tuwing umiihi. Ang mga kalalakihang may tulo ay may discharge mula sa ari. Ang discharge na ito ay maaaring kulay puti, green, o yellow.

 

Ang paggamit ng condom ay mabisang paraan upang hindi mahawa ng gonorrhea, nguni’t maaari pa ring mahawa sa pamamagitan ng oral sex. Ang gonorrhea ay maaaring malunasan ng gamot na tulad ng cefuroxime axetil. May mga uri ng bacteria na nagdudulot ng gonorrhea na hindi nagagamot ng antibiotic.

 

Human Papilloma Virus (HPV)

 

Isa pang pangkaraniwang STD ang HPV. May iba’t-ibang uri ng human papilloma virus, kasama na ang uri ng HPV na maaaring magdulot ng cervical cancer. Hindi lahat ng HPV ay nagdudulot ng cancer, nguni’t may iba pang mga sakit na maaaring dala nito, tulad na lamang ng warts. Maraming mga taong may HPV ang asymptomatic kaya hindi nila alam na nahawa na sila.

 

Karaniwang sintomas ng HPV ang pagkakaroon ng warts sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Walang gamot para sa HPV pero maaaring bigyan ng lunas ang mga sintomas nito. May mga tao din kung kanino kusang nawawala ang HPV. Maaaring pabakunahan ang inyong mga anak na may edad 11-12 upang maprotektahan sila sa HPV.

 

HIV/AIDS

 

Ang human immunodeficiency virus o HIV ang uri ng virus na kilalang nagdudulot ng AIDS o acquired immunodeficiency syndrome. Ang HIV ay naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagpalitan ng bodily fluids tulad ng nagaganap sa pakikipagtalik.

 

Maaari din itong maipasa ng isang ina na may HIV sa kanyang sanggol sa pamamagitan ng panganganak at pagpapadede. Ang pagpasa ng dugo sa pamamagitan ng blood transfusion gamit ang infected na dugo, paggamit ng karayom na ginamit ng HIV-positive na indibidwal (karaniwan sa intravenous drug use), at iba pang paraan ay pinagmumulan din ng pagkahawa sa virus na ito.

 

Hindi ito naipapasa sa pamamagitan ng paghawak sa taong may HIV o iba pang casual contact.

 

Kung mapapabayaan ang HIV o AIDS, maaari itong ikamatay. Ang virus na ito ay sumisira sa immune system. Lubos na pinapahina nito ang natural na panglaban sa mga sakit ng HIV/AIDS-positive na indibidwal.

 

Ilan sa mga sintomas ng HIV ay ang pagkakaroon ng lagnat o mala-trangkasong sakit, ubo, pagtatae, sakit ng ulo, night sweats, pananakit ng katawan, sore throat, at mga singaw sa bibig. Maaari ding magkaroon ng rashes at pamamaga ng mga lymph glands o kulani. Karaniwan sa mga taong may HIV ang mabilis na pamamayat.

 

Ang paggamit ng condom habang nakikipagtalik ay nagpapababa ng hanggang 80% sa risk ng pagkakahawa sa HIV/AIDS. Sa ngayon ay wala pang gamot ang HIV/AIDS, nguni’t may mga gamot na lubusang nagpapabagal sa sakit na ito upang mabuhay ang isang infected na indibidwal nang mas matagal at relatively healthy.

 

Pubic Lice

 

Kilala din ang pubic lice o kuto sa tawag na crabs. Ang mga pubic lice ay naninirahan sa mga buhok sa genital area. Maaari din silang lumipat sa ibang parte ng katawan na mabuhok, tulad ng mga kilay at kili-kili, pero bihirang mabuhay sila sa buhok sa ulo. Hindi magkapareho ang public lice at mga kuto sa ulo.

 

Ang karaniwang paraan ng pagkakahawa ay sa pamamagitan ng pagtatalik, pero maaari ding mahawa ng kuto sa higaan o mga damit ng isang taong mayroon nito.

 

Ang sintomas ng pagkakaroon ng pubic lice ay labis na pangangati sa genital area. Maaari ding makita ang mga kuto at kanilang mga itlog sa bahaging iyan ng iyong katawan.

 

May mga gamot na ginagamit upang puksain ang mga pubic lice, tulad ng mga lotion na may pyrethrins at piperonyl butoxide na pinapahid sa affected area. Hindi mabisang paraan sa pagpuksa ng pubic lice ang pag-ahit lamang ng pubic hair.

 

Syphilis

 

Ang syphilis ay isang uri ng STD na nagsasanhi ng mga sores o sugat. Maaaring mahawa ng syphilis sa pamamagitan ng direct contact sa mga sores ng infected na tao. Ang syphilis sores ay maaaring lumitaw sa mga external genitals at sa bibig. Nagkakaroon din ng sores sa butas ng puwet at sa loob ng pwerta.

 

Sa umpisa, hindi masakit ang mga syphilis sores at maaaring mawala ang mga ito kahit hindi ginagamot. Hindi nangangahulugan na nawala na ang syphilis kapag nawala ang unang sores. Kailangang gamutin ang syphilis para mawala sa katawan.

 

Dahil hindi lamang sa genitals lumilitaw ang syphilis sores, nakakatulong pero hindi mabisang pangontra dito ang pagsuot ng condom.

 

 

Ilan lamang ang mga ito sa mga kilalang STDs. Marami sa mga sexually transmitted diseases ay walang sintomas, nguni’t halos lahat sa kanila ay maaaring gamutin.

 

Kung ikaw ay nangangamba o may sintomas ng STD, may nakasex na maaaring mayroon nito, o nakipagtalik sa hindi lubusang kilala, lumapit kaagad sa iyong doktor. Iwasang sumubok ng mga gamot na hindi ipinayo ng doktor. Tanging mga dalubhasa lamang ang makapagbibigay ng kaukulang STD test upang malaman kung ikaw ay nahawa at kung anong gamot ang iyong dapat gamitin.

 

Sources:

 

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hiv-aids/symptoms-causes/syc-20373524#:~:text=Acquired%20immunodeficiency%20syndrome%20(AIDS)%20is,to%20fight%20infection%20and%20disease.

https://www.verywellhealth.com/the-most-common-stds-sexually-transmitted-diseases-3133040

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/sexually-transmitted-diseases-stds/symptoms-causes/syc-20351240

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/sexually-transmitted-diseases-stds/in-depth/std-symptoms/art-20047081

https://www.webmd.com/sexual-conditions/most-common-stds-men-women#1

https://www.cdc.gov/hiv/risk/vaginalsex.html#:~:text=Condoms%20and%20Lubrication,on%20average%2C%20by%2080%25.