Chronic Series: Facts about Second-Hand Smoking

June 19, 2017

Ang buwan ng Hunyo tinaguriang No Smoking Month.

 

Ayon sa World Health Organization, ang tobacco epidemic ang isa mga pangunahing international public health threat dahil halos anim na milyong tao ang namamatay kada taon dahil sa epekto ng paninigarilyo, 600,000 naman ang namamatay dahil sa tinatawag na second-hand smoke. Sa Pilipinas, isa sa tatlong Pilipino ang naninigarilyo. Base sa datos ng Philippines Global Adult Tobacco Survey noong 2015, 21.5% ng mga adult edad 15 pataas na nagtatrabaho ay exposed sa second-hand smoke sa kanilang pinagttrabahuhan habang 57.9% ng kabataan edad 13 hanggang 15 anyos ay nalalantad sa secondhand smoke sa mga pampublikong lugar, at 42.9% ay nalalantad sa bahay. Ayon sa Philippine Cancer Society, 3,000 Pilipino ang namamatay kada araw dahil sa second-hand smoke.

 

Ano ang Second-hand smoke?

 

Akala ng iilan, walang panganib na dala ang paglanghap ng usok ng sigarilyo ng ibang tao. Ngunit sa katunayan, mas delikado ang kalusugan ng hindi naninigarilyo ngunit madalas makalanghap ng usok ng sigarilyo dahil mas maraming usok ang ibinibuga ng naninigarilyo kaysa sa pumapasok sa katawan nito. Ang second-hand smoke o ang usok na ibinubuga ng mga naninigarilyo ay mayroong mahigit 6,000 kemikal at higit 50 dito ay nagdudulot ng kanser. Ang usok ding ito ay nagtataglay ng maraming nakapipinsalang metal na maaaring magdulot ng pagkasira ng utak at kidney at nakakalasong gas na pumipinsala sa puso, baga, lalamunan at mata. Ang secondhand smoke ay mayroong dalawang beses o higit pang nicotina at tar kaysa sa nilalanghap ng taong naninigarilyo. Mayroon ding itong taglay na limang beses na dami ng carbon monoxide na kumukuha ng oxygen sa dugo na nagreresulta sa panghihina ng resistensya ng katawan at pagkakasakit.

 

Mga Laman ng Usok Mula sa Sigarilyo

 

Narito ang ilan sa mga laman ng usok ng sigarilyo na nasisinghot ng mga biktima ng second-hand smoke:

 

  • Formalin - Gamit ito sa pag-embalsamo ng patay.

  • Benzene - Natatagpuan sa gasolina.

  • Polonium-210 - Isang kemikal na radioactive.

  • Cyanide - Gamit sa mga chemical weapon.

  • Vinyl Chloride - Gamit sa paggawa ng tubo.

  • Ammonia - Gamit sa paglinis ng CR.

  • Carbon Monoxide - Natatagpuan sa tambutso ng sasakyan.

  • Nicotine - Natatagpuan sa insectide.

  • Tar - Alketran at aspalto.

  • Butane - Gamit sa paggawa ng lighter fluid.

  • Toulene - Natatagpuan sa paint thinner.

  • Cadmium - Gamit sa paggawa ng baterya.

  • Lead - Ipinagbabawal na gamit sa paggawa ng pintura.

  • Arsenic - Gamit sa paggawa ng insectide.

  • Chromium - Gamit sa paggawa ng bakal.

 

Epekto ng Secondhand Smoke sa Pamilya

 

undefined

 

Photo from Business Inquirer

 

Gaya sa mga nakakatanda, masama ang secondhand smoke sa sanggol na wala pang isang taong gulang. Mahina pa at wala pang sapat na panglaban sa sakit at impeksyong dulot ng mga kemikal at lason mula sa usok ng sigarilyo ang mga sanggol. Ang mga kemikal na mayroon sa usok ng sigarilyo ang isa sa itinuturong dahilan kung bakit nangyayari ang tinatawag na Sudden Infant Death Syndrome (SIDS) o ang biglaang pagkamatay ng sanggol.

 

Ayon sa isang pananaliksik, ang batang may isa o parehong magulang na naninigarilyo ay mas madaling magkaroong ng sakit dahil ang baga nito ay hindi lumalaki ng sapat. Karaniwan sa mga sakit na nakukuha ng mga batang nakakalanghap ng secondhand smoke ay bronchitis, pulmonya, ubo, sipon, hirap sa paghinga at may tunog na paghinga. Ang usok mula sa naninigarilyo ay nagpapalala din ng sintomas ng allergy, lalo na ng hika.

 

Ang paglanghap ng secondhand smoke, lalo na sa mga babaeng nagdadalaga at nagbubuntis ay may masamang epekto. Maaaring magdulot ito ng pagdurugo, hindi maayos na pagkapit ng sanggol sa inunan, pagbubuntis sa labas ng matris, pagkamatay ng bata sa loob ng matris, pagkalaglag o miscarriage, panganganak ng kulang sa buwan, mababang timbang ng sanggol at ang hindi pag-unlad ng baga ng sanggol sa sinapupunan.

 

 

Sources:

  • http://www.philstar.com:8080/bansa/2014/06/02/1329987/pagyo-yosi-sa-loob-ng-bahay-iwasan-who
  • http://global.tobaccofreekids.org/files/pdfs/tg/Philippines_tob_burden_tg.pdf
  • http://www.wpro.who.int/philippines/publications/smoke_free_homes_brochure.pdf?ua=1
  • http://news.abs-cbn.com/lifestyle/06/20/16/sino-ang-pwedeng-mabiktima-ng-lung-cancer
  • http://www.rappler.com/nation/85341-stricter-tobacco-control-second-hand-smoke
  • http://dzrhnews.com/june-is-no-smoking-month/