Photo Courtesy of pexels.com
Ang athlete’s foot (tinea pedis) ay sanhi ng isang fungal infection. at ng fungus na kung tawagin ay tinea pedis. Hindi man ito isang seryosong sakit gaya ng cancer o heart disease ay hindi ito madaling pagalingin. Maaaring maging resulta ng impeksyon na ito ang pagkakaroon ng mabahong paa.
Ngayong panahon ng tag-ulan, may mga sitwasyon na kailangang lumusong sa baha na tiyak ay mayroong iba’t ibang germs at bacteria na dala. Ang mga sintomas ng athlete’s foot ay pangangati at pagtutuklap ng balat ng apektadong parte ng katawan. Maaari ring mamula at magsugat ang paa dahil dito. Ang athlete’s foot ay nakahahawa sa pamamagitan ng paglakad ng walang tsinelas o sapatos o di kaya’y paggamit ng sapatos ng iba na mayroong ganitong impeksyon.
Ang athlete’s foot o alipunga ay nagdudulot ng sobrang pangangati at mabahong amoy sa paa ngunit may ilang mga kasabihan na wala namang batayan tungkol dito. Ilan lamang ang mga sumusunod na myths tungkol sa athlete’s foot.
Photo Courtesy of skeeze via Pixabay
1. Ang mga athletes lang ang mga nakakakuha nito
Lalaki, babae at minsan ay mga bata ay pwedeng magkaroon nito. Ang terminolohiyang athlete’s foot ay nakuha dahil ang mga atleta ang kadalasang nagkakaroon ng pawising paa sanhi ng kanilang mga activities ngunit hindi lang sila ang maaaring magkaroon nito.
2. Ang madalas na pagligo ay nakatutulong pampawala ng athlete’s foot
Kahit ikaw ay madalas maligo, hindi ka pa rin ligtas sa pagkakaroon ng athlete’s foot. Ang pagkakaroon ng tuyong paa ang pinakamabisang solusyon sa pag-iwas sa athlete’s foot. Ugaliing patuyuing mabuti ang paa pagkatapos itong basain.
3. Pag hindi namamalat ang paa, hindi ito athlete’s foot
Isa sa sintomas ng impeksyon na ito ay ang pamamalat ng daliri sa paa ngunit hindi lahat ay parehas ng mga sintomas na nararanasan. Ang mga sintomas gaya ng pamumula at pangangati ay maaari ring dulot ng athlete’s foot kaya mas mabuting ipatingin sa espesyalista kung hindi sigurado.
4. Ang paa lamang ang naaapektuhan ng athlete’s foot
Dahil ang athlete’s foot ay isang fungal infection, maaari ring mahawa ang iba pang
bahagi ng katawan gaya ng singit at kili-kili. Ang paghawak o pagkamot sa apektadong
parte ng katawan kasunod ng paghawak sa iba pang parte ay magiging sanhi ng
pagkahawa nito. Maaari rin namang mahawa sa pamamagitan ng pag gamit ng towel,
medyas, at sapatos ng iba na may ganitong impeksyon sa katawan.
5. Kusang gagaling ang athlete’s foot
Bihirang mangyari ang kusang paggaling ng athlete’s foot. Maraming nabibiling anti-fungal cream at powder na mabisang gamot para sa mas mabilis ang pag galing nito. Pag ito ay napabayaan, ang mga sintomas ay maaaring lumala at mas mahirap gamutin.
Photo Courtesy of Klaus Hausmann via Pixabay
6. Hindi magkakaroon ng athlete’s foot kung laging may suot na medyas at sapatos
Ang pagsuot ng medyas at sapatos ay mabisang paraan upang maiwasan ang pagkahawa ng athlete’s foot ng iba ngunit ang palaging pagsuot naman ng mga ito ay nagdudulot ng pagpapawis ng paa at maaaring maging sanhi rin ng impeksyon.
7. Isang beses lang maaaring magkaroon ng athlete’s foot ang tao
Ang athlete’s foot ay hindi kagaya ng chicken pox kung saan ang katawan ay nagde-develop ng immunity upang hindi na ulit magkaroon nito. Ang athlete’s foot ay maaari muling makuha kapag ang balat ay nagkaroon ng contact sa apektadong area ng impeksyon.
Kadalasan mang hindi seryoso ang athlete’s foot, may mga pagkakataon na kumakalat ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Hugasang mabuti ang mga paa at kamay at punasan ng tuyong towel o patuyuing mabuti bago magsuot ng medyas at sapatos. Iwasan din ang panghihiram ng gamit ng iba dahil hindi sigurado kung ito ay malinis. Higit na tatandaan na ang pagpapanatili ng tuyo at malinis na paa ang mabisang pang-iwas sa impeksyon na ito.