Sipon at Sinusitis: may pinagkaiba ba?

June 19, 2019

Ang lahat ng tao ay nagkaka-sipon at pamilyar tayo sa mga sintomas nito. Nakakasagabal ito sa mga pang araw-araw na gawain. Nahihirapan tayong huminga at magsalita, nagkakaroon ng mabigat na pakiramdam, inuubo, at dapat laging may dalang tissue o panyo. Madalas ay tinitiis na lang natin ito, ngunit kung maaari ay gagawin natin ang lahat upang labanan ang mga epekto nito. Ang mga sintomas ng sipon ay nakikita din sa ibang sakit katulad ng sinusitis. Paano natin malalaman kung ang nilalabanan natin ay sintomas ng sipon o ng sinusitis? Anu-ano ang mga pagkakaiba nila, at ano ang tamang lunas para dito?

Sipon

Ang sipon o common cold ay isang viral infection ng ilong at lalamunan sa upper respiratory tract. Kahit na ito ay nagdudulot ng masamang pakiramdam, hindi naman ito nakakapinsala sa katawan. Higit sa 200 na uri ng virus ang maaaring maging sanhi ng sipon, kung saan ang pinaka-pangkaraniwan ay galing sa pamilya ng viruses na kung tawagin ay rhinoviruses.

Nagsisimula ang mga sintomas ng sipon mula isa hanggang tatlong araw pagkatapos ma-expose sa isang virus. Iba’t ibang sintomas ang maaaring maranasan ng iba’t-ibang tao, ngunit ang mga ito ang pinakamadalas na epekto:

  • Baradong ilong;
  • Runny nose;
  • Masakit na lalamunan;
  • Ubo o congestion;
  • Mild headache;
  • Masakit na katawan;
  • Pagbabahing;   

Sinusitis

Ang sinuses ay ang grupo ng mga maliliit na puwang sa likod ng cheekbones at noo. Ang healthy na sinuses ay naglalaman lamang ng hangin at manipis na layer ng mucus. Sa mabuting kalagayan ng katawan, ang mucus na nanggagaling sa sinuses ay normal na lumalabas sa ilong. Kapag nababara ito ng fluid, nagkakaroon ng germs at impeksyon na nagdudulot ng inflammation o pamamaga ng sinuses. Ang pamamagang ito ay tinatawag na sinusitis.

Isang maaaring sanhi ng pagbabara ng sinuses ay ang sipon mismo. Ang allergic rhinitis, o pamamaga ng lining ng ilong, ay isa ring posibleng sanhi, pati na rin ang pagkakaroon ng nasal polyps o deviated septum.

Kapag sipon na galing sa virus ang sanhi, ang tawag dito ay viral sinusitis. Minsan naman ang impeksyon ay galing sa bacteria, at ito ay tinatawag na bacterial sinusitis. Ang bacterial sinusitis ay kailangang pagalingin sa pamamagitan ng antibiotics.

Acute at chronic naman ang dalawang uri ng sinusitis. Ang acute sinusitis ay nagsisimula sa simpleng sipon. Maaari itong tumagal ng 2-4 weeks. Ang chronic sinusitis naman ay maaaring tumatagal ng 12 weeks o mas higit pa dito.

Ang signs and symptoms of sinusitis ay ang mga sumusunod:

  • Facial pain o pressure;
  • Baradong ilong;
  • Runny nose (na maaaring may yellow or green discharge); o
  • Ubo o congestion.

Depende sa kalubhaan, maaari ring magkaroon ng lagnat, headache, bad breath, o sakit ng ngipin. Ngunit marami pang ibang karamdaman na may ganitong mga sintomas, kaya’t mas mainam ang magpatingin muna sa doktor upang tiyakin kung ito ay totoong sinusitis o sipon lamang.

Sipon o Sinus Infection?

Bagama’t halos magkapareho ang mga signs and symptoms of sinusitis at ng sipon, mayroon mga pagkakaiba na maaaring obserbahan sa sariling katawan o sa ibang may sakit. Ang pangunahing pagkakaiba ay kung gaano katagal ito nananatili sa sistema ng isang tao. Kapag tayo ay may sipon, madalas nagkakaroon ng runny nose na tumatagal ng 2-3 na araw, na sinusundan ng baradong ilong na tumatagal din ng 2-3 na araw lang. Pagkatapos nito lumipas, bumubuti na ang pakiramdam ng may sakit. Samantala, ang sinus infection ay madalas na nananatili nang higit pa sa isang linggo. Kung ang inaakalang sipon lamang ay tumagal nang higit pa sa 10 araw at tila hindi gumagaling, may posibilidad na ito ay sinus infection na.

Treatment

Walang cure o gamot para sa sipon dahil kusa na lang itong nawawala pagkatapos ng ilang araw. Ngunit maaaring magbigay ng kaginhawaan at lunas sa mga sintomas mismo. Halimbawa, ang gamot sa baradong ilong ay pwedeng decongestant* o saline nasal drops o rinse. Kapag masakit ang ulo o katawan, maaaring uminom ng pain relievers katulad ng acetaminophen o ibuprofen. Ang RM Paramax ay isang halimbawa ng anti-inflammatory pain reliever na maaaring gamitin para dito.

*Ang over-the-counter decongestant ay hindi dapat iniinom ng higit sa 3 araw dahil lalo itong magdudulot ng congestion.

Ang mabisang gamot sa sipon naman ay ang sapat na pahinga at ang madalas na pag-inom ng tubig o fluids buong araw.

Para sa sinusitis, importante ang malaman muna ang sanhi nito bago ito gamutin. Halimbawa, kapag ito ay dahil sa allergies, hindi magiging mabisa ang decongestants lamang. Kapag nananatili nang matagal ang mga sintomas, mas mabuting magpatingin na sa doktor. Maaaring mag-rekomenda ang doktor ng x-ray o CT scan para matingnan nang mabuti ang apektadong area.

Isang home remedy na subok nang epektibo ay ang nasal irrigation, kung saan fina-flush out lahat ng bara sa sinuses sa pamamagitan ng salt water at neti pots.

Sa mga gamot naman, bukod sa painkillers at decongestants, maaaring magbigay ang doktor ng antibiotics kapag nakitang bacterial infection ang sanhi ng sinusitis. Mas matagal ang pag-inom ng antibiotics sa chronic sinusitis kaysa sa acute sinusitis. Kapag ang sanhi ng sinusitis ay nakitang dahil sa allergies, makakatulong ang antihistamines katulad ng RM Cetirizine o allergy shots. Para sa malubhang sinusitis, maaaring mag-prescribe ang doktor ng steroids upang pababain ang pamamaga ng sinus membranes. Sa mga kaso naman ng pabalik-balik at paulit-ulit na chronic o acute sinusitis, maaaring surgery na ang pinakamainam na solusyon kung saan tatanggalin ang lahat ng mga bara at papaluwagin ang sinus passages.

Prevention

Bagama’t walang siguradong paraan ng pag-iwas sa sipon o sinusitis, may mga pwede tayong gawin na makakatulong sa kalusugan natin sa araw-araw. Nangunguna na dito ang pagpapalakas sa sariling katawan sa pamamagitan ng sapat na tulog, healthy diet, at regular exercise. Ito ay para lumakas ang ating immune system laban sa mga impeksyon. Kasama na nito ang madalas na paghugas ng kamay na gamit ang sabon at tubig at ang pagbabaon ng alcohol o hand sanitizer. Iwasang hawakan ang mga mata at ilong para hindi lumipat ang virus o bacteria mula sa kamay, at kung maaari ay huwag lumapit sa ibang taong may sipon. Iwasan din ang usok at paninigarilyo. Umiwas sa mga pagkain o bagay na nakaka-trigger ng allergies.

Nagdudulot man ng discomfort at inconvenience, kadalasan ay wala namang dapat ikabahala sa pagkakaroon ng sipon o sinusitis. Sa tulong ng mga nabanggit na remedies o gamot, lilipas din ang mga karamdamang ito. Huwag kalimutang obserbahan ang takbo ng mga sintomas. Kapag hindi ito gumaling sa tamang panahon, maaaring may ibang dahilan ang karamdaman at dapat nang magpakita sa doktor. Mabuti nang maging palaging maingat at ligtas sa ating kalusugan.

Sources:

https://www.webmd.com/allergies/sinusitis-and-sinus-infection#1

https://www.medicalnewstoday.com/articles/310517.php

https://www.health.com/health/condition-article/0,,20251789,00.html

https://www.health.harvard.edu/diseases-and-conditions/is-that-winter-sniffle-a-cold-or-a-sinus-infection

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/common-cold/symptoms-causes/syc-20351605