Pag-Iwas sa Sakit Tuwing Tag-Ulan

September 24, 2020

May dalawang seasons lang na kilala sa Pilipinas, ang wet and dry seasons. Ang summer ay tumatagal mula Marso hanggang Mayo, at sinusundan naman ito ng tag-ulan sa Hunyo. Sa panahon ngayon, dahil na rin sa climate change, ang rainy season sa Philippines ay tumatagal hanggang Setyembre, minsan mas matagal pa. Kilala din ang panahon na ito bilang typhoon season dahil sa buwan na ito madalas dalawin ang bansa ng malalakas na bagyo.

 

Tuwing sasapit ang tag-ulan, karaniwang dumarami rin ang bilang ng mga may sakit. Isa sa mga pangkaraniwang rainy season sickness ang trangkaso, na nagsisimula bilang ubo, sipon, at lagnat.

 

Nguni’t hindi lang iyan ang sakit na nararanasan ng maraming Pilipino tuwing rainy season. Narito ang iba’t-ibang sakit na kumakalat sa bansa kapag tag-ulan. Alamin din kung paano maiiwasan ang mga ito.

 

Trangkaso

 

Ang trangkaso o influenza, na tinatawag din na flu, ay nagsisimula bilang isang respiratory tract infection dala ng virus. Kahit sino ay puwedeng dapuan ng sakit na ito, pero may mga taong mas madaling tamaan ng flu lalo na pagsapit ng rainy days:

 

  • Mga taong mahina ang immune system o panlaban sa sakit
  • Mga taong 65 years old pataas
  • Mga batang 5 years old pababa
  • Mga taong obese o mataba
  • Mga buntis o kakapanganak lang na nanay
  • Mga taong may chronic illnesses o pangmatagalang sakit tulad ng asthma, sakit sa puso, diabetes, sakit sa atay o sa bato

 

Upang maiwasan ang pagkakaroon ng trangkaso lalo na pag umuulan, alamin kung ikaw ay at risk. Huwag magbabasa sa ulan at umiwas sa mga taong may sipon o ubo. Kumunsulta sa doktor at gawin ang nararapat upang mapalakas ang resistensya laban sa mga virus.

 

Isang mabisang pampalakas ng katawan laban sa mga viruses gaya ng nagdadala ng trangkaso ay ang pag-inom ng ascorbic acid o vitamin C, at iba pang mga vitamins. Ugaliing uminom ng hanggang 8 baso ng tubig araw-araw, kumain ng wasto, at matulog ng tama.

 

Kung ikaw ay nakakaramdam ng sintomas ng trangkaso, kumunsulta sa doktor. Maaari ding uminom ng gamot para sa lagnat at pananakit ng katawan tulad ng ibuprofen+paracetamol. Puwede ka ring bigyan ng doktor ng reseta para sa mga antiviral na gamot.

 

Dengue

 

Ang kagat ng lamok na Aedes aegypti ay ang pinanggagalingan ng sakit na dengue. Sa araw kumakagat ang ganitong uri ng lamok imbes na sa gabi. Nangingitlog sila sa malinaw na stagnant water. Dumadami sila kapag madalas ang rainfall dahil maraming puwedeng pangitlugan.

 

Ilan sa mga sintomas ng dengue ang mga ito:

 

  • Lagnat na tumatagal mula 2 araw hanggang isang linggo
  • Pananakit ng katawan at pagkaramdam ng panghihina
  • Pananakit sa likod ng mga mata
  • Pagsusuka
  • Pananakit sa may puson
  • Pagkakaroon ng rashes sa balat
  • Pagdurugo ng ilong lalo na pag pawala na ang lagnat
  • Maitim na dumi

 

Walang gamot para sa dengue. Ginagamot lamang ng doktor kung ano ang mga sintomas na naobserbahan sa pasyente. Kung makaranas ng mga sintomas na ito, pumunta kaagad sa doktor. Ang mga nagkakaroon ng dengue ay kailangang manatili sa ospital hanggang mawala ang sakit na ito.

 

Upang maiwasan ang dengue, iwasan ang malalamok na lugar. Kung may mga lugar na puwedeng pamahayan at pangitlugan ng mga lamok sa inyong bakuran, linisin ang mga ito at tanggalin ang tubig. Takpan ang mga basurahan upang hindi mapuno ng tubig ulan. Gumamit ng mga window screen upang hindi pasukin ng mga lamok ang bahay.

 

Leptospirosis

 

Karaniwang nagkakaroon ng kaso ng leptospirosis sa mga lugar na binabaha. Ang pinagmumulan nito ay ang leptospira bacteria na nabubuhay sa mga daga at iba pang hayop. Maaaring maimpeksyon ng ganitong bacteria ang taong may sugat sa may paa kung lumusong ito sa baha, o kaya’y tumapak sa lupa o mga halaman at damo na inihian ng hayop na may leptospira bacteria.

 

Maaaring tumagal ng hanggang isang linggo o higit pa bago makaramdam ng sintomas ang taong naimpeksyon ng leptospira bacteria. Mapanganib ang sakit na ito at maaaring magdulot ng kamatayan.

 

Narito ang mga sintomas ng leptospirosis:

 

  • Lagnat
  • Pananakit ng katawan at ulo
  • Pamumula ng mata
  • Pananakit sa gawing sakong
  • Kung malala na ang sakit, maaaring makitaan ng paninilaw, dark-colored na ihi, at light-colored na dumi. Puwede ring mahirapan sa pag-ihi at makaramdam ng lubhang pananakit ng ulo. Sanhi ito ng paninira ng bacteria sa atay, kidneys, o utak.

 

Ang taong may mga sintomas ng leptospirosis ay dapat dalhin kaagad sa ospital upang maiwasan ang paglala nito. Maaaring resetahan ka ng doktor ng antibiotic o antibacterial upang mapigilan ang leptospira.

 

Upang makaiwas sa leptospirosis, gawin ang mga sumusunod:

 

  • Umiwas sa paglusong sa baha. Kundi maiwasan, magsuot ng waterproof na bota.
  • Tanggalin ang mga naipong tubig ulan sa kapaligiran.
  • Linisin ang bahay at bakuran upang hindi pamahayan ng mga daga. Kung may infestation sa inyong lugar, tumawag ng mga rat control specialists.

Typhoid Fever

 

Kapag tag-ulan, madalas ding magkaroon ng problema sa inuming tubig at pagkain dahil sa pagkalat ng iba’t-ibang bacteria. Isang halimbawa dito ang Salmonella typhi na nagdadala ng sakit na typhoid fever.

 

Ang mga sintomas ng typhoid fever ay ang mga sumusunod:

 

  • Mataas na lagnat na hindi nawawala
  • Pananakit ng ulo
  • Pagkawala ng ganang kumain
  • Panlalata
  • Pagtatae o kaya nama’y constipation
  • Pananakit ng puson

 

Kadalasang ginagamot ang typhoid fever sa pamamagitan ng antibiotic na nirereseta ng doktor, nguni’t maaaring bigyan din ng ibang lunas ayon sa mga nararamdamang sintomas.

 

Upang makaiwas sa sakit na ito, tanungin ang doktor tungkol sa bakuna laban sa typhoid fever. Narito pa ang ibang paraan ng pag-iwas sa typhoid fever:

 

  • Pakuluan ang tubig na iniinom. Kapag kumulo na ito, hayaang kumulo pa nang di bababa sa 2 minuto. Puwede ring uminom ng nabibiling purified water.
  • Lutuin nang maayos ang mga kinakain at takpan ang mga ito upang di madapuan ng langaw.
  • Hugasan nang mabuti ang mga kinakain na hindi niluluto tulad ng prutas at gulay.
  • Maghugas ng kamay gamit ang malinis na tubig at sabon lalo na kapag gumamit ng palikuran.
  • Linisin ang bahay at bakuran upang hindi dumami ang mga langaw.
  • Iwasang kumain ng mga street food tulad ng fishballs. Madalas itong panggalingan ng mga sakit tulad ng typhoid.

 

 

Ilan lamang ang mga ito sa mga sakit na karaniwang dumarami ang biktima tuwing sasapit ang tag-ulan. Panatilihing malinis ang katawan, linisin ang bakuran, umiwas sa baha, at alamin ang mga vitamin C benefits and sources upang lumakas ang resistensya. Makinig ng radyo o manood ng balita sa TV upang malaman ang rain forecast araw-araw, para makapaghanda ang buong pamilya at makaiwas sa sakuna at sakit.

 

Iwasang uminom ng gamot nang hindi kumukunsulta muna sa doktor. Kung nakakaramdam ng mga sintomas ng kahit alinman sa mga sakit na ito, pumunta kaagad sa mga dalubhasa.

 

 

Resources:

 

http://region2.healthresearch.ph/index.php/15-library-health-news/220-doh-s-tips-to-protect-yourself-against-the-common-rainy-season-diseases

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/flu/symptoms-causes/syc-20351719#:~:text=Influenza%20is%20a%20viral%20infection,influenza%20resolves%20on%20its%20own.

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/typhoid-fever/symptoms-causes/syc-20378661