Mga Soup Recipe sa Panahon ng Tag-Ulan

August 26, 2020

Ang panahon tag-ulan ay nagiging dahilan ng pagtaas ng kaso ng mga sakit tulad ng ubo, sipon, flu, sore throat, at pananakit ng tiyan. Bumababa ang lebel ng immunity sa rainy season dahil sa pagbabago ng temperatura at klima. Dumarami ang bakterya at mga microorganism sa hangin dahil sa sobrang moisture na dala ng mga pag-ulan. Dahil dito, mas madali dapuan ng sakit ang mga tao lalo na kung mababa pa ang resistensya ng mga ito.


Habang iyong pinapalakas ang resistensiya laban sa mga sakit, maaring aralin ang mga pagkain na nakakapagpaginhawa sa katawan ngayong tag-ulan. Nakatutulong ang paghigop ng masustansyang sabaw upang mapanatili ang katawan na hydrated at may sapat na nutrisyon, tulad halimbawa, ng protina. Maaari pa itong makatulong sa pag-alis ng baradong ilong at mapabilis ang pagaling ng sipon.

Ayon sa isang Bangalore-based Nutritionist na si Dr. Anju Sood, ang ating immunity system ay humihina sa panahon ng tag-ulan. Ani niya, mas madali tayo dapuan ng sakit o impeksyon, kung kaya nangangailangan tayo ng regular na pagkukuhaan ng bitamina at mga mineral. Isang magandang source nito ay ang mga soup. Maraming mga easy food recipes na puwedeng subukan.

Sabi naman ni Meher Raiput, isang Nuritionist sa FITPASS, mas nakatutulong ang mga ‘clear soup’ kaysa sa mga ‘cream-based’. Subukan na lagyan ang mga sabaw ng mushroom dahil ito ay mayaman sa vitamin D at antioxidants na malaki ang ginagampanan sa pagpapatibay ng resistensya. Siksik naman sa protina ang mga sabaw na may manok.

Upang mas maging handa sa tag-ulan, alamin ang ilang mga healthy food recipes ng mga sa sabaw:

Pork Meatball at Misua Soup

Sinumang Pilipino ang tanungin isa ang miswa soup sa paboritong Filipino food recipes na ginagamit tuwing tag-ulan. Perpekto ang mainit at malapot na sabaw na may lamang meatballs at misua sa malamig na panahon.

Ang Misua ay isang uri ng manipis at maalat na noodles gawa sa wheat flour. Sa sobrang nipis nito, maaari itong maluto sa loob ng dalawang minuto! Ang sabaw na ito ay gawa sa pork meatballs na pinakuluan sa broth. Nilalagyan ito ng patola at ng miswa na noodles. Maaari rin namang gumamit ng upo kung walang patola. Upang mas mapasarap ito, subukang iprito muna ang meatballs upang maging malasa at malutong.

Cream of Mushroom Soup

Isa sa mga paborito ng mga Pinoy ay ang cream of mushroom na sabaw. Ang Cream of mushroom soup ay isang simpleng uri ng sabaw kung saan ginagamitan ng mushroom, mushroom broth at cream o gatas. Kilala ito sa north America bilang tradisyunal na uri ng condensed na canned soup. Ginagawa rin nila itong base ingredient sa iba pang pagkain tulad ng casseroles o comfort foods.

Molo Soup

Ang molo soup ay isang Filipino wonton na putahe. Pinaghalong giniling na baboy, hipon at seasoning ang laman ng mga wonton. Mayroon na ring binebenta nito sa mga palengke o supermarket. Ang laman ng sabaw na ito ay chicken broth, tubig, at manok. Maaari ring gumamit ng lechon manok upang mas maging malasa ang sabaw. Magiging patok ito sa pamilya kasama ang masarap na wonton.

Sinigang na Baboy

Isa ang Sinigang sa hahanap-hanapin sa panahon na lumalamig ang temperatura.  Ito ay maasim na sabaw na may lamang baboy, mga gulay at gabi. Patok itong comfort food ng mga Pilipino. Karaniwan itong ginagamitan ng pork belly, labanos, okra, sitaw, kangkong, and at siling pangsigang. Mas malasa at masustansiya ito kung gagamitan ng maraming gulay.

 

Isang abala man ang panahon ng tag-ulan para sa nakararami, posible rin naman itong gawing maginhawa sa pamamagitan ng paghigop ng malasa at mainit na mga sabaw. Upang maiwasan din ang pagkakaroon ng mga sakit, maaaring makuha ang mga nutrisyong kailangan ng katawan sa mga sabaw. Hindi lamang ito magdadala ng ginahawa sa lamig ng panahon, kundi mapalalakas pa ang iyong resistensya.

Source:

https://www.yummy.ph/lessons/cooking/soup-recipes-to-carry-you-through-rainy-days-a00261-20190630-lfrm