Nakakaalarma ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng Dengue sa bansa. Ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng kaso at bilang ng mga namamatay dahil dito sa mundo.
Ayon sa weather forecast, dumating na rin ang rainy season. Sa panahong ito laganap ang mga taong nagkakaroon ng dengue fever o nakakaranas ng dengue symptoms. Kung kaya, laging pinapaalala ng gobyerno ang mga tradisyunal na paraan upang mapuksa ang mga lamok na may dala ng sakit na ito.
Bukod sa mga paalalang binibigay ng gobyerno at ng mga medikal na institusyon, mayroong iba pang paraan upang mapigilan ang pagdami ng lamok sa mga tahanan. Narito ang ilan sa mga iyon:
Magpatubo ng Herb Garden
Bukod sa paggamit ng lotion na proteksyon laban sa lamok, maari din magpatubo ng herb garden para sa natural na pangtaboy ng lamok. Ang citronella ay isang halaman na kilala dahil sa paglaban nito sa lamok. Subalit alam niyo ba na mayroon pang ibang mga karaniwang herb na mahahanap sa bahay na maaaring makapagtaboy ng lamok?
Ang ilan sa mga ito ay bawang, tanglad, balanoy, peppermint, sibuyas, romero. Tumutubo ang mga ito maski sa maliliit na paso at hindi kailangan ng malaking lupa upang taniman ng mga ito.
Maaari ring sunugin ang mga nasabing herbs sa labas ng bahay upang mataboy ang mga lamok.
Gumawa ng sariling anti-mosquito device
Alam niyo ba na ayaw ng mga lamok sa dalanghita?
Ang dalanghita, at iba pang mga citrus na mga prutas ay naglalaman ng d-limonene na isang organikong compound na naghahalimuyak ng malakas na amoy na ayaw ng mga lamok, Nakukuha ang amoy na ito sa mga citrus peels. Kung nais mong gawing natural ang pagtaboy sa mga lamok, maaaring ilagay ang mga dalanghita sa anti-mosquito plug-in device at buksan ito.
Sa iba namang paraan, maaari mo namang ibabad ang dalanghita sa suka ng dalawang lingo at gamitin ang timpla bilang spray repellant sa tahanan. Maaari ring gumamit ng mga citrus essential oils.
Gumawa ng Fish Pond
Nangingitlog ang mga lamok sa still water o taib. Isang magandang paraan ng pagpuksa sa mga ito ay ang paggawa ng fish pond.
Lagyan ito ng mga isdang tulad ng goldfish o guppies na magsisilbing kakain ng mga itlog ng lamok. Maaaring maglagay ng maliit na pump upang gawing fountain ang nasabing pond. Mapapanatili rin ng pump na walang mabubuhay na itlog sa pond.
Gumamit ng electric fan
Unang binubuksan ng mga Pilipino ang electric fan sa tuwing may nakikita o nararamdamang lamok sa hangin.
Hindi lamang natataboy ng malakas ng hangin mula sa fan ang mga lamok, kundi napapalamig pa nito ang ating katawan. Ayon kay Dan Royas sa kanyang Youtube Channel na Greenpowerscience, maaari rin na mapatay ang mga lamok sa pamamagitan ng electric fan. Gamit ang isang box-type na electric fan, maglagay ng aluminum screen sa tapat ng nito at isara ito gamit ang zip ties. Magugulat ka na ang mga lamok ay natural na naaatract sa blade ng fan at namamatay sila sa paglapit dito.
Huwag patayin ang ibang mga insekto o hayop
Hindi lamang ikaw ang naghahanap ng mga lamok sa iyong bahay. Ang ibang mga hayop, tulad ng ibon, palaka, at tutubi ay naghahanap ng mga lamok na kakainin. Hindi man praktikal na mag-alaga ng mga palaka o ibon na kakain ng lamok, hindi masama na hayaan lamang ang mga ito kung mayroon mang papasok sa inyong bakuran.
Gumamit ng mga kandila
Kung hindi ka mahilig sa mga insect repellant o hindi ka mahilig mag-alaga ng mga halaman, bakit hindi mo subukan na gumamit ng mga kandila?
Maraming mga uri ng kandila, insenso, at aroma diffusers ang epektibo sa pagtaboy ng mga lamok. Gumamit ng mga produkto na mayroong citronella, lavender, peppermint o orange na amoy upang mataboy ang mga lamok at mapabango na rin ang tahanan.
Ayusin ang mga drain
Marami sa atin ang tinatakpan ang mga drum ng tubig gamit ang mga lid upang hindi mangitlog ang mga lamok sa mga ito. Subalit papaano naman ang mga ibang basang parte sa ating bakuran?
Kung mayroong drainage na hindi dumadaloy nang maayos, nararapat na ipaayos ito at gumawa ng panibagong kanal. Hindi lamang mapipigilan nito ang pagdami ng lamok, kundi mapipigilan din na magbaha ang inyong bakuran kung uulan.
Walang tao ang ligtas sa lamok ngayong rainy season sa Philippines, subalit maraming paraan upang mapigilan ang pagdami ng lamok sa inyong mga tahanan.
Ayon sa World Health Organization, ang mga lamok ang pinakamapanganib na insekto. Umaabot ng 725,000 ang mga tapng namamatay dahil sa iba’t-ibang sakit na dala ng mga lamok.
Nararapat na maging matalino at handa sa pagpuksa sa mga ito upang hindi mapabilang sa mga kasyulidad na ito.
Source:
https://business.inquirer.net/275999/alternative-ways-to-dengue-proof-your-home