Ayon sa weather forecast ng PAG ASA weather station, opisyal nang nagsimula ang rainy season sa Philippines.
Malaking ginhawa man ang paglamig ng panahon galing sa maalinsangang pakiramdam na dulot ng natapos na tag-araw, kalakip naman nito ang panganib ng mga sakit na makukuha sa tag-ulan. Dahil sa pagdating ng rainy season at posibilidad ng pagdating ng La Niña, paalala sa publiko na doblehin ang pagi-ingat sa mga sakit na karaniwang nakukuha sa ganitong panahon.
Ayon sa Department of Health, tinatawag nila ang mga sakit na ito na WILD: Water-borne diseases, Influenza, Leptospirosis, at Dengue. Alamin kung ano ang mga ito at kung papaano ito labanan:
1. Dengue
Nakukuha ang Dengue mula sa kagat ng lamok na tinatawag na Aedes. Karaniwan ang lamok na ito sa mga tropical na bansa tulad ng Pilipinas. Kadalasang mga bata ang tinatamaan ng Dengue at mataas ang kaso ng mga namamatay dito.
Papaano labanan ang Dengue:
- Linisin ang mga kanal at alulod lingo-linggo, pati na rin ang mga flover vase, palayok, at mga drum ng tubig.
- Itapon ang mga bote, jar, at iba pang mga bagay na hindi na ginagamit na maaaring malagyan ng tubig at pamuhayan ng mga lamok.
- Gumamit ng mga lotion na panangga sa lamok upang magkaron ng extra na proteksyon ang iyong katawan.
2. Influenza
Ang influenza o karaniwang tinatawag na flu, ay isang viral infection na umaatake sa respiratory system ng isang tao. Nakukuha ito mula sa pagkahawa sa isang taong may flu, kung sila ay bumahing o umubo.
Paano labanan ang influenza:
- Magpabakuna taun-taon ng flu vaccine.
- Umiwas sa mataong mga lugar.
- Lumayo sa mga taong may sakit.
- Takpan ang bibig kung babahing o uubo. Gumamit ng face mask kung kinakailangan.
- Maghugas lagi ng mga kamay para maiwasan ang mga germs at bacteria.
3. Leptospirosis
Ang Leptospirosis ay isang bacterial infection na nakukuha mula sa dumi o ihi ng mga hayop, partikular na sa mga daga. Maaaring makuha ito kung pumasok ang bakterya sa bukas na sugat, o sa mata, ilong, o bibig.
Paano labanan ang Leptospirosis:
- Iwasan ang paglusong sa baha.
- Linisin ang mga lugar na maaaring may tubig na kontaminado ng ihi o dumi ng daga.
- Panatilihing malinis ang kapaligiran upang hindi pamahayan ng mga daga o kahit anong hayop at insekto na maaring magdulot ng sakit.
- Patayin ang mga daga sa pamamahay sa pamamagitan ng lason o patibong. Linisin mabuti ang bahay.
4. Hepatitis A
Ito ay isang virus na karaniwang nakukuha sa pagkain ng mga kontiminadong pagkain na may dumi o ihi ng tao na mayroon nang Hepatitis A.
Paano labanan ang Hepatitis A:
- Maghugas maigi ng kamay matapos gumamit ng palikuran, at bago at matapos kumain.
- Siguraduhing nalutong maigi ang mga pagkaing dagat tulad ng talangka at kabibi.
- Panatilihing malinis at maayos ang pinag-iimbakan ng tubig at pagkain.
Upang lumakas ang resistensya ng katawan ngayong rainy season, uminom ng mga supplements na mataas sa Vitamin C. Nakakatulong ito sa pagpapalakas ng immune system, lalo na ngayon tag-ulan.
Source:
https://www.unilab.com.ph/articles/4-Rainy-Day-Illnesses-to-Watch-Out-For