Iba Pang Sakit Kapag Tag-ulan

August 19, 2020

Mga Karaniwang Sakit Tuwing Tag-ulan

Wet season na naman. Panahon na naman ng mga sakit na may kinalaman sa malamig at pabago-bagong panahon. Ang magkasakit ngayon ay hindi biro kaya masasabi nating dagdag pasakit ang ulan at baha na naglalagay sa ating kalusugan sa panganib.

Ang mga karaniwang sintomas ng sakit gaya ng lagnat, ubo, at sipon ay maaaring hindi malubha kung ituturing, ngunit paniguradong apektado nito ang buhay ng sinumang tatamaan nito. Ang isang taong may sakit ay kinakailangang lumiban sa trabaho o eskwela kaya nasasayang din ang oras at pagkakataon. Bukod diyan, ang mga sakit na ito ay maaaring senyales ng mas malubhang sakit kaya mahalagang maagapan at magamot ang mga ito.

Dahil sa mga bagay na ito, mahalagang mag-ingat ang bawat isa at pangalagaan nang husto ang katawan.

Dagdag Kaalaman sa mga Sakit tuwing Tag-ulan

Karamihan sa mga sakit na dala ng wet season ay tinatarget ang respiratory system. Dahil na rin sa madumi at basang kapaligiran, naglalabasan din ang mga water- at food-borne sicknesses.

Ang sipon at flu o trangkaso ay dalawang karaniwan sakit sa Pilipinas tuwing rainy season. Kadalasan, ito ay dahil sa pabago-bagong temperatura na dala ng ulan-araw-ulan. Maraming manggagawa at estudyante ang karaniwang tinatamaan nito. Kaya naman apektado rin ang kanilang trabaho at pag-aaral kapag sila ay tinamaan ng ganitong sakit.

undefined

(https://www.shutterstock.com/image-photo/person-splashing-rainboots-neighborhood-1106210324)

Bukod sa mga nabanggit, ang ilan pang common na sakit tuwing tag-ulan ay dengue at cholera. Ang leptospirosis ay isa pang sakit na laging laman ng balita tuwing tag-ulan lalo na sa mga lugar na madalas binabaha. Maraming lugar sa Metro Manila ang binabaha kahit kaunting ulan lamang. Dahil ito sa mga basurang nagbabara sa mga kanal at estero. Ang nakakatakot sa leptospirosis ay maaari itong mauwi sa meningitis, respiratory failure, at sakit sa kidney at liver.

Pag-iingat

Ang payong ang iyong pangunahing panangga tuwing umuulan, ngunit kadalasan ay hindi sapat ang proteksyon na ibinibigay nito. Kaya mabuting sumilong muna sa isang ligtas at tuyong lugar kung biglang umulan. Mas mainam kung may baong kapote at waterproof na sapatos nang sa gayon ay ligtas ka sa ulan saan ka man abutin nito.

Bukod sa payong at rain gear, ang isang malusog na pangangatawan ang iyong numero unong panlaban sa mga sakit. Palakasin ang iyong resistensya sa pamamagitan ng pagkain ng mga masusustansyang pagkain at pag-inom ng maraming tubig. Kumain ng mga pagkaing mayaman sa vitamin C o di kaya naman ay uminom ng supplements o multivitamin na may taglay nito gaya ng RM Ascorbic Acid. Ang bitaminang ito ay mainam na panlaban sa sipon.

Kung sakaling nabasa ng ulan, makakabuti na maligo kaagad pagkauwi sa bahay. Sa ganitong paraan, maaalis mo sa iyong katawan ang mga mikrobyo na maaaring magdulot ng impeksyon, lalo na kung ikaw ay sumuong sa baha. Bukod diyan, mapapabalik mo sa normal ang temperatura ng iyong katawan matapos mababad sa malamig na tubig-ulan.

Pagkatapos maligo at malinis ang katawan, uminom ng mainit na inumin gaya ng kape, gatas, o tsokolate. Pwede rin ang mainit na sabaw o sopas. Kagaya ng pagligo, makakatulong ito upang manumbalik ang init ng iyong katawan. Kung barado ang ilong, nakakatulong din ito upang mapaluwag ang paghinga.

Ang kalinisan sa katawan ay isa pang mahalagang aspeto. May sakit ka man o wala, ugaliin ang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig. Gumamit din ng alcohol o sanitizer upang mapatay ang mga mikrobyo at hindi na sila kumalat.

Kung ikaw ay tinamaan ng anumang sakit na dala ng tag-ulan at ang mga simpleng lunas ay tila hindi umeepekto, mas mainam na kumonsulta sa doktor. Sila ang mas nakakaalam ng tamang paraan at gamot upang mabilis kang gumaling.

Muli, ang ibayong pag-iingat ay napakahalaga ngayon. Alagaan ang iyong sarili upang makaiwas sa sakit.

 

Sources:

https://www.doh.gov.ph/node/17435

https://www.fwd.com.ph/en/live/all_topics/all_articles/7-most-common-rainy-day-illnesses/

https://www.indushealthplus.com/common-monsoon-diseases-prevention-tips.html

https://www.webmd.com/a-to-z-guides/what-is-leptospirosis