Maraming sakit ang nararapat na paghandaan at iwasan kapag dumarating ang rainy season sa Philippines. Ilan sa mga sakit sa panahon na ito ay dengue, leptospirosis, cholera, hepatitis A, typhoid fever, influenza at iba pa.
Ayon sa Department of Health, ang malakas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng pagbabaha. Dahil dito, mas tumataas ang kaso ng mga water-borne na mga sakit, o mga sakit na kadalasan na nakukuha mula sa maduming tubig na may dumi ng tao o ng hayop.
Narito ang anim na karaniwang sakit sa panahon ng tag-ulan, mga sintomas at gamot sa paglaban nito:
Dengue
Ito ay isang infectious na sakit na dala ng kagat ng lamok na tinatawag na “Aedes aegypti”. Nangingitlog ito sa mga stagnant na tubig.
Sintomas:
Makakaramdam ng mataas na lagnat ang taong may Dengue na aabot mula dalawa hanggang pitong araw. Makakaranas din ng panghihina, sakit sa kasukasuan at mga kalamanan. Mapapansin din ang rashes sa balat na tinatawag na petechiae. Sa ilang kaso, nagdurugo ang ilong ng mga meron nito at sumasakit din ang tiyan.
Sa mas malalang kaso, nagkakaroon ng pagsusuka at pagtatae.
Gamot:
Walang gamot sa Dengue. Ang pagpapagaling lamang dito ay ang paggamot sa mga sintomas ng sakit na ito. Nakamamatay ang Dengue kaya nararapat na magtungo kaagad sa doktor sa unang mga sintomas pa lamang nito.
Panatilihing malinis ang kapaligiran upang maiwasan ang Dengue. Takpan ang mga inipunang drum ng tubig at alisin ang tubig sa ibabaw nito. Linisin din ang anumang lugar na pagpugaran ng mga lamok.
Leptospirosis
Ang sakit na ito ay dala ng bakterya na tinatawag na leptospira na makukuha sa ihi ng daga. Maaari itong makapasok sa katawan ng tao sa pamamagitan ng sugat sa katawan.
Sintomas:
Lalagnatin ang mga taong nakakuha ng bakterya na ito. Makakaramdam din ng sakit sa kalamnan at ulo. Sa mas malalang kaso, maaaring magkaroon ng kidney at liver failure, at maaari rin maapektuhan ang utak. Nangingilaw ang balat ng mga taong tinamaan ng Leptospirosis.
Gamot:
Kumonsulta agad sa doktor sa unang sintomas pa lamang. Uminom ng antibiotics na nireseta ng doktor.
Umiwas lumusong sa baha o saan mang may maduming tubig. Kung kinakailangan lumusong, siguraduhing nakasuot ng bota o may gwantes. Patayin ang mga daga sa pamamahay na maaaring magdala ng sakit na ito.
Cholera
Ito ay isang sakit na dala ng Vibrio Cholerae na bakterya na nakukuha mula sa mga pagkain o tubig na may kasamang dumi ng tao.
Sintomas:
Mararanasan ang matinding pagsusuka at paglalabas ng matubig na dumi. Mabilis na pagkaka-dehydrate tulad ng paglubog ng mata at pagtuyo ng balat.
Gamot:
Palitan ang nawalang fluid sa katawan sa pamamagitan ng pag-inom ng Oral Rehydration o (ORESOL), o pag-inom ng isang litrong tubig na may isang kutsaritang asin at apat na kutsaritang asukal. Magpunta sa ospital kung patuloy ang pagdudumi.
Upang maiwasan ang pagkakaroon ng Cholera, siguraduhin na malinis ang anumang kinakain o umiinom. Huwag uminom ng tubig galing sa gripo o kumain ng mga pagkain na hindi sigurado kung malinis. Panatilihing malinis ang kapaligiran.
Hepatitis A
Ang sakit na ito ay karaniwang nakukuha sa mga pagkain o tubig na may dumi o ihi ng taong may sakit na Hepatitis A.
Sintomas:
Lalagnatin ang mga taong may Hepatitis A. Makakaranas sila ng mga sintomas gaya ng sa flu tulad ng panghihina, pananakit ng mga kasukasuan at kalamanan, pagkawala ng gana sa pagkain at pagkahilo. Makakaramdam din ng pananakit sa tiyan. Ang mga taong may Hepatitis A ay nangingilaw o kondisyon na tinatawag na Jaundice.
Gamot:
Walang partikular na gamot sa sakit na ito. Nirerekomenda na ma-isolate, magpahinga,
uminom ng maraming tubig at umiwas sa mga pagkain na maraming taba.
Iwasan ang pagkakaroon nito sa pagpapanatili ng magandang hygiene. Maghugas ng kamay bago at matapos kumain, at pagtapos gumamit ng palikuran.
Typhoid Fever
Sakit ito na dulot ng Salmonella thypi bacteria na nakukuha mula sa mga pagkain na o tubig na may dumi ng tao.
Sintomas:
Makakaranas ng mataas na lagnat, sakit ng ulo, panghihina, pagkawala ng gana sa pagkain at pagdudumi.
Gamot:
Uminom ng antibiotic na nireseta ng iyong doktor. Maaari rin na magpabakuna upang maiwasan ang sakit na ito.
Panatilihing malinis ang kapaligiran at siguraduhin na malinis ang mga pagkain at tubig na kinokonsumo.
Influenza
Ang sakit na ito ay dulot ng influenza A, B o C na virus na maaaring pumasok sa respiratory tract at mayroong incubation period na isa o tatlong araw.
Sintomas:
Makararanas ang taong may influenza ng lagnat, coughs and colds, sore throat, pananakit ng ulo, kalamanan at kasukasuan.
Gamot:
Kumonsulta sa doktor para sa gamot na angkop para sa flu. Maaari ring uminom ng colds medicine o ng cough medicine. Binibigyan lamang ng antibiotics ang may sakit kung ito ay nakararanas ng pneumonia o otitis media. Uminom ng maraming tubig at kumain ng masustanyang pagkain.
Pigilan ang pagkakaroon nito sa pagpapaturok ng influenza vaccine. Umiwas sa mga taong umuubo o sinisipon. Laging maghugas ng kamay.
Source:
http://region2.healthresearch.ph/index.php/15-library-health-news/220-doh-s-tips-to-protect-yourself-against-the-common-rainy-season-diseases