Photo from Pixabay
Hindi kaayaayang lumabas ng bahay sa panahon ng tag-ulan, ngunit hindi ito dapat maging sagabal sa pag-eehersisyo at pangangalaga sa katawan. Maski nasa loob ka ng bahay, maaaari kang makabuo ng exercise routine. Tandaan na dapat mapagtuunan-pansin ang iba’t-ibang bahagi ng katawan para sa isang full body workout.
Narito ang ilan sa mga exercises na maaring gawin sa loob ng tahanan.
Jump Rope
Simple man ang paggamit sa jump rope, hindi mapagkakaila na isa ito sa mga pinakamabisang ehersisyo sa pagpapapayat at pagpapalakas ng cardio. Sa katotohanan, bahagi ito ng exercise routine ng maraming tanyag na atleta.
Ang jump rope ay tinatayang sumusunog ng humigit-kumulang 300 calories sa bawat 30 minutes na tuluyang paggamit. Maaaring mabawasan ng one pound o higit pa kada linggo kapag ito ay sinabayan ng wastong diet. Ito rin ay nakakapag-tone ng muscles sa buong katawan, lalo na sa binti. Tulad ng paglalakad at pagbibisikleta, ang pag-jump rope ay nakakatulong sa pangkalahatang cardiovascular fitness.
Bukod dito, ang pagja-jump rope ay nagpapabuti ng koordinasyon at nagpapatibay sa mga buto.
Planking
Para sa mahihilig magbuhat ng weights, ang timbang ng iyong katawan ay pwedeng maging kapalit ng mga barbell at dumbbell. Isang ehersisyo na nagpapatunay dito ay ang planking. Gamit ang sariling bigat, iyong mapapalakas ang core muscles ng katawan o ang mga muscle na nasa pagitan ng dibdib at binti. Nakakatulong din ang ehersisyo sa pagpapapayat, pagpapabuti ng balanse ng katawan, at pagpapaganda ng suporta sa likod at gulugod.
Kung ikaw ay magpa-planking, humiga nang nakaharap sa sahig. Ipatong ang mga bisig at daliri ng paa sa sahig, tapos itaas ang katawan. Panatiliin ang posisyong ito nang 10 segundo sa simula. Kapag ikaw ay nasanay na, maaaring gawin ito ng 30-40 segundo, o higit pa, depende sa timpla ng iyong katawan.
Dancing at Zumba
Photo from Pixabay
Ang mga dance routine tulad ng Zumba ay mabisa sa pagsusunog ng calories at pagtutunaw ng taba. Bukod sa masaya itong gawin, ang wastong pagsasayaw ay maaaring magsunog ng 600-1000 calories kada sesyon. Nakakatulong din ito sa pagsasaayos ng koordinasyon, pagpapabilis ng heart rate, at pagpapalakas ng cardiovascular respiratory system.
Kung ikaw ay hindi mahilig mag-zumba, maaari kang pag-enroll sa pormal na dance classes. Iba’t-ibang uri ng dispilina ng sayaw ang iyong maaring matutunan gaya ng hip hop, samba, at K-Pop.
Stair Climbing
Ang hagdanan ay ating nilalakaran araw-araw. Sinong mag-aakala na ang tuluyang pag-aakyat-baba ay maraming benepisyo sa ating katawan? Ito ay totoo. Ang stair climbing ay mas epektibo sa pagsusunog ng calories kumpara sa jogging. Ito rin ay nagpapabuti ng cardio, nakakapagpabilis ng metabolism, nagpapalakas sa muscles ng binti, at nakakatulong sa pag-iwas sa maraming malulubhang karamdaman, gaya ng atake sa puso, kanser, osteoporosis, at obesity.
Karaniwang nakikita sa gym ang stair climbing machine, na ginagaya ang ating mosyon kapag umaakyat at bumababa ng hagdanan. Sa katotohanan, hindi na kailangan bumili nito upang mag-ehersisyo. Mainam na ang karaniwang hagdanan para dito. Siguraduhin lamang na hindi ka makakasagabal sa ibang tao kapag gagamitin ito.
Yoga
Photo from Pixabay
Sa pagiging healthy, hindi lamang anyong panlabas ang dapat pagtuunan-pansin. Ang pagkakaroon ng peace of mind at pag-iwas sa stress ay importante rin. Ito ang mga benepisyong dala ng yoga, bukod sa pagpapalakas ng muscles at pagpapabuti ng balance sa katawan.
Kung ikaw ay baguhan sa yoga, maaaring sundan ang mga yoga videos na mahahanap sa Youtube o mag-imbita ng licensed instructor sa iyong bahay.
Ngayong natalakay na natin ang mga ehersisyong maaari mong gawin, iyong makikita na hindi mo kailangan ng mahal na gym membership upang maging malusog. Hindi ka kukulangin sa mga epektibong ehersisyo na nagagawa sa loob ng bahay. Tandaan na mag-stretching muna bago gawin ang mga ito upang maging ligtas sa pinsala.