Talamak tuwing summer ang kaso ng mga batang nakakagat ng aso, mapa-askal man ito o alagang aso. Ayon kay Dr. Ferdinand De Guzman, chair ng Dept of Family Medicine, San Lazaro Hospital, karaniwang tumataas ang kaso ng rabies tuwing tag-init dahil nagiging temperamental ang mga hayop sa ganitong panahon. Taun-taon may kampanya ang gobyerno para madagdagan ang kaalaman ng publiko tungkol sa rabies. Ayon sa Department of Health, hangad ng bansa na maging rabies-free sa taong 2020. Base sa datos nila, 200 hanggang 300 katao sa Pilipinas ang namamatay kada taon dahil sa rabies.
Ano ang Rabies?
Ang rabies ay isa mga pinakadelikadong viral disease na nakakaapekto sa central nervous system ng mga tao. Kumakalat ito sa tao sa pamamagitan ng kagat, kalmot at laway na mayroong impeksyon. Ito ay sakit na naililipat mula sa hayop patungo sa tao. Kapag nakagat ng aso ang isang tao, ang rabies na nasa laway nito ay papasok sa katawan at iba pang parte ng katawan.
Base sa datos ng San Lazaro Hospital noong 2013, 600 hanggang 1,000 pasyente ang araw-araw sinusugod sa kanilang Animal Bite Center para magpabakuna laban sa kagat ng iba't-ibang hayop. 98% ng kaso ng rabies ay sanhi ng kagat ng aso, 88% nito ay mula sa mga asong gala at ang 10% ay mula sa mga alagang aso. Ang natitirang 2% ay kaso ng rabies nadulot ng kagat ng pusa at daga. Ayon sa datos ng DOH noong 2015, umabot sa 434,458 ang bilang ng nakagat ng hayop at 226 dito ang binawian ng buhay.
Ano ang dapat gawin kapag nakagat ng aso?
-
Hugasan ang sugat ng sabong panlaba sa umaagos na tubig sa loob ng sampung minuto.
-
Mainam na gumamit ng sabong panlaba dahil mas matapang ito at mas epektibong pamatay ng bacteria. Mahalagang banlawan ng maayos ang sugat.
-
Taliwas sa mga payo ng mga nakatatanda, huwag papahiran ng bawang, suka o toothpaste ang kagat dahil nakakasunog at nakakairita ito ng balat. Hindi nagagamot ng mga nabanggit ang sugat.
-
Lagyan ng povidone iodine ang sugat. Hindi inirerekomenda na maglagay ng ointment o takpan ng masikip ang sugat. Hindi rin epektibo ang pagpapadugo ng sugat dahil mas lalo lamang nito pinapalaki ang sugat.
-
Magtungo sa ospital at magpa-check up. Kahit kumpleto sa bakuna ang asong kumagat, dapat pa ring magpabakuna ang taong nakagat ng anti-rabbies vaccine. Ang ibang biktima ng kagat ng aso ay nangangailangan ng post exposure prophylaxis shots na binubuo ng apat na dosis sa loob ng 14 araw.
-
Ipahuli ang asong kumagat para obserbahan.
Narito naman ang mga sintomas Rabies Infection.
-
Lagnat at pananakit ng ulo
-
Pagdedeliryo at pagkaparalisa
-
Takot sa hangin at tubig
-
Pananakit o pamamanhid ng area kung saan kinagat
-
Pamumulikat ng kalmnan.
Mga Dapat Tandaan Para Makaiwas sa Kagat ng Aso
- Pabakunahan ang alagang aso taun-taon para hindi sila magkaroon ng rabies.
- Hangga't maaari, umiwas sa mga asong gala at iba pang ligaw na hayop. Huwag guluhuin ang aso kapag silaý kumakain, natutulog o nagpapasuso ng mga tuta.
- Tuwing tag-init, palaging lagyan ng maiinom na tubig na ang alagang aso at paliguan ito tatlong beses sa loob ng isang linggo para hindi ito maging temperamental.
Maging Responsableng Dog Owner
Sa Bisa ng RA 9482 o mas kilala bilang Anti-Rabies Act of 2007, maaaring patawan ng multa ang mga iresponsableng may-ari ng aso:
1. Ayaw pabakunahan ang alagang aso - P2,000 multa
2. Pag nakakagat ang asong walang bakuna - P10,000 multa
3. Pag nakakagat ang alagang aso at ayaw tulungan ng may-ari ang biktima - P25,000 multa
4. Pag ayaw itali o ikulong ang alagang aso - P500.00 multa
Ang PhilHealth ay nagbibigay ng Animal Bite Package. Ito ay P 3,000 tulong pinansyal na ibinibigay sa mga kwalipikadong PhilHealth members at dependents. Kabilang sa package na ito ang mga serbisyo gaya ng bakuna laban sa rabies, rabies immunoglobulin, paglilinis ng sugat, bakuna para sa tetano, antibiotics kung kinakailangan, at mga gamit na kakailanganin sa paglilinis ng sugat. Kasama na rin dito ang professional fee ng mga nagsagawa ng serbisyo. Maaaring magamit ang package na ito sa mga accredited levels 1, 2, at 3 na pampublikong ospital o kaya naman sa mga pribadong Animal Bite Treatment Centers na lisensyado o sertipikado ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at accredited ng PhilHealth.
Sources:
-
http://www.gmanetwork.com/news/video/161152/pinoymd/first-aid-tips-for-animal-and-insect-bites
-
https://www.pressreader.com/philippines/bandera/20170320/281651074923879
-
http://pets.webmd.com/dogs/dog-bites#2
-
http://www.gmanetwork.com/news/story/344191/news/ulatfilipino/mga-nakagat-ng-aso-at-pusa-dumami-pagpapadugo-sa-kagat-di-raw-dapat-gawin
-
http://www.philstar.com/opinyon/807391/rabies-sa-pilipinas
-
https://www.facebook.com/OfficialDOHgov/photos/a.157979910879936.38217.156566631021264/1518904274787486/?type=3
-
http://news.pia.gov.ph/article/view/221452219486/libreng-anti-rabies-vaccines-ibibigay-ng-doh#sthash.rM3N1Jw3.dpuf
-
https://www.abante.com.ph/alaga-ka-ng-philhealth-problemado-sa-kagat-ng-aso-sa-philhealthasikaso.htm
-
http://www.ormindoro.gov.ph/cprs/?q=node/389